Sa nakalipas na dalawang linggo partikular tuwing Martes kung kailan nagdaraos ng sesyon ang Sangguniang Panlunsod (SP) ay may pinanabikan ang mga San Pableño na marinig, na ayon sa mga bulong-bulungan ay laman ng nauunsyaming privilege speech ni Laguna Philippine Councilor League (PCL) President Danny Yang.
Ang ipinagtataka ng marami ay kung bakit natataong laging walang quorum at parang hirap na hirap ang SP na makabuo ng pitong konsehal na dapat sanang dumalo sa sesyon. Naghihinala tuloy ang karamihan na ito ay sinasadya upang huwag matuloy ang pasabog ni Yang. Nabatid din ng may akda, na ang malayang pamamahayag ay tatalakay sa isyu ng sedera.
Ikinalito lalo ng may akda kung bakit parang may pwersang pumipigil sa naturang privilege speech gayong Enero 17 taong kasalukuyan ay nabigkas na ito ni Yang at ang record ay isa nang public document sa secretariat ng SP, na open book upang makita o mabasa ng lahat.
Tumatalakay ito sa ginawang paninindigan ni Yang, Vice Mayor Martin Ilagan, Kon. Gel Adriano, Kon. Ares Escudero at Kon. Pamboy Lopez laban sa paglalagay ng sidera sa gitna ng bayan na kanilang sinumpaan sa harap ng Kura Paroko ng San Pablo. Ikinatuwa ni Monsigñor Mel Barcenas ang ginawang paninindigan ng mga nabanggit lalo’t higit ang kay Vice Mayor Ilagan.
Makaraang ipa-blotter sa pulisya ay pinangunahan pa ni VM Ilagan ang pagpupulong ng mga pederasyon ng mga manininda sa palengke at diumano’y nanumpa itong muli. Nagbigay pa ng kasiguruhan ang Bise-Alkalde ayon sa privilege speech na handa niyang isugal ang katungkulan alang-alang sa bayan. Bayani sa isang iglap si Ilagan, pinarangalan at ipinagbunyi, at special mention pa ni Monsigñor Barcenas sa misa noong bisperas ng kapaskuhan dahil sa matatag na paninindigan.
Pero ito ang malungkot, batay sa naturang privilege speech ay muling nagsulputan ang sedera sa plaza noong Enero 3, 2008 at base sa hanay ng pagtatanong ni Yang kay Ilagan ay “magkano ang napagkasunduan?” “Sino-sino ang naghati-hati?” At sa tema ng talumpati ni Yang ay malinaw na wala siyang kinalaman, subalit hanggang sa ngayon ay hindi pa nasasagot ni VM Ilagan ang mga simpleng katanungan.
Ano pa’t ito ang humigit kumulang ang nilalaman ng malayang pamamahayag ni Yang na humihingi ng katugunan. Walang naglakas loob na sumagot nito sa loob ng labing-isang buwan. Bakit ngayon ay muling nais buksan ni Yang ang nasabing usapin? Hindi kaya hawak na ni Yang ang kasagutan kung bakit naging marupok ang sumpa ni Vice-Mayor Martin A. Ilagan sa tao at sa alagad ng simbahan? Ilan ba talaga ang konsehal na nasasangkot dito? Naging OK ba naman ang “share-share” nila dito? Tanging si Vice-Mayor Ilagan lang ang susi sa lahat ng ito. (SANDY BELARMINO)
Thursday, December 4, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment