Thursday, September 2, 2010

ITSA-PWERA

Ano man ang layunin ng ilang grupo sa sistematikong paghahasik ng mga intriga sa alyansang pampulitika nina Mayor Vicente B. Amante at Congresswoman Ivy Arago ay isang palaisipan pa magpahanggang sa ngayon sa mga naniniwala sa ugnayan ng dalawang pamilya at sa nagagawa nito sa ikauunlad pa ng Lunsod ng San Pablo.

Ang mga naglalabasang alimuon ay tila kusang pinalulutang ng ilang sektor upang wasakin ang naturang alyansa kung hindi man ang ito’y tuluyang papanghinain, sapagkat mababawasan nga naman ng lakas ang isang bukluran kung ito’y mapaghihiwa-hiwalay.

Ito naman ay mangyayari nga saka-sakaling nasa labas ng alyansa ang magsasagawa, subalit ang tanong ay paano kung ang mga mismong nakapaligid ang mapupuna mong naghahasik ng intrigang walang batayan. Tahasang sasabihin ng may akda na wala itong maitutulong sa ugnayan.

Batid nating lahat na ito na ang pangatlong termino ni Mayor Vicente B. Amante at sa ayaw o gusto man natin ay last term na niya ito ayon sa itinatadhana ng batas panghalalan. Dahil dito ay mayroong pangangailangang pumili siya o magsanay ng sa tingin niya’y magpapatuloy ng kanyang mga programa.

Ang isa sa mga napupusuan ng mga San PableƱo upang sanayin sa nasabing posisyon ay si City Administrator Amben Amante, na sa palagay natin ay kwalipikado naman batay sa ipinamamalas na performance bilang public servant. At katulad ng marami ay wala tayong tutol dito

Ang kaso, hindi pa man nagsisimula ang laban ay ilan sa mga nakapaligid kay City Admin ay binibigyan na ng makakatunggali ang kanilang “Bossing”. Walang matibay na batayan maliban sa kanilang mapaglarong ispikulasyon ay kung sino-sino ang pilit na ipinangtatapat na makakalaban, na hindi naligtas maging ang mga taong nananahimik simula sa malalapit na kamag-anak at mga subok na kaalyado.

May kasabihan tayong politics is addition at ito ang dapat isaisip ng mga nakapaligid sa sino mang may hangaring makapaglingkod sa bayan. Hanggang maaga ay kinakailangang magpalago ng bakuran, subalit hindi naman ito nangangahulugang iitsa-pwera mo na ang mga tapat na tagapagtaguyod na ni minsan ay hindi nakaisip na humiwalay.(SANDY BELARMINO)

No comments: