Tuesday, September 14, 2010

AI-HU FOUNDATION

Kahanga-hanga ang mga gawaing isinusulong ng Ai-Hu Foundation na pagpapalaganap ng computer literacy program bilang ambag sa hindi matugunang pangangailangan ng ating pamahalaan.

Ang Ai-Hu na sa malayang salin ay Love and Care ang ibig ipakahulugan, ay binuo ng mga Taiwanese businessmen noong 2003 upang punuan ang kakulangan sa libreng pag-aaral ng basic computer education sa pamamagitan ng mobile classroom gamit ang dinisenyong container van na naglalaman ng 21 computer.

Sa kasalukuyan ay may apat na computer van aralan ang nasabing pundasyon na nagpapalipat-lipat ng lugar base sa igting ng pangangailangan.

Nang unang buwan ng 2010 ay 300 mag-aaral ang kanilang sinanay sa Lunsod ng San Pablo sa paanyaya ni Laguna 3rd District Congresswoman Ma. Evita Arago, at muli ngayong Setyembre hanggang Disyembre ay nakatakda nilang sanayin ang 500 pang IVY scholars sa Victoria, Laguna.

Hindi matatawaran ang ganitong bilang na kanilang natutulungang sumailalim sa hands on na pagsasanay sa tulong ng mga makabagong instrumento ng teknolohiya.

Ang AiHu Foundation bagama’t nilikha ng dayuhang kaisipan, batay sa dami ng mga nakikinabang ay masasabing nagtataglay ng lantay na pusong mapagkawanggawa at damdaming sumasalamin sa mga bayaning Pilipino. (TRIBUNE POST)

No comments: