Lubusang sinuportahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region 4A ang panukalang batas HB 4299 at SB 2392 na gawing ganap na batas upang higit na mapangalagaan ang likas na kalagayan ng Mt. Banahaw at Mt. San Cristobal para sa kapakanan ng mga Lalawigan ng Laguna at Quezon.
Nilinaw ni DENR Region 4A Director Red Nilo Tamoria na bagama’t may mga hakbang na silang ginagawa upang proteksyunan ang mga naturang bundok sa ilalim ng NIPAS Act of 1992 (RA 7586) ay higit nila itong mapapangalagaan kung tuluyang mapagtitibay ang mga nasabing panukala sapagkat mas magkakaroon ng ngipin ang PAMB (Protected Area Management Board) sa pagpapatupad ng mga forest law.
Ang PAMB ay binubuo ng mga stakeholders tulad ng NGO, barangay, at environment officers ng bayan-bayan at probinsiya na nasa paligid ng mga naturang kabundukan.
Positibo ang naging resulta ng kautusan ng PAMB ng kanilang ipagbawal ang pag-akyat sa Mt. Banahaw ilang taoon na ang nakakaraan. Muling tumubo ang mga puno at nagkaroon ng buhay ang tuyot na batis sa paligid nito.
Ito ang kadahilanan ayon kay Tamoria kung kaya’t nais ng kanyang tanggapan ang maagang pagsasabatas ng mga nasabing panukala na nagsimula ng talakayin noon pang 13th Congress at naisakatuparan lang ngayong 14th Congress sa pamamagitan nina Cong Proceso Alcala, Mark Enverga, Ma. Evita Arago at Edgardo San Luis.
May kasabay itong pagsusulong sa senado sa pamamagitan nina Senador Jamby Madrigal, Pia Cayetano, Miguel Zubiri at Miriam Defensor-Santiago. Kapwa unanimous na napagtibay sa dalawang kapulungan ang mga nasabing panukala.
Samantala ay matinding reaksyon ang ipinaabot ng PAMB bilang tugon sa privilege speech ni Bokal Karen Agapay sa Sangguniang Panlalawigan sa akusasyon na pagtatayo ng gold course sa kanilang nasasakupan.
Nakatakda nilang sulatan si Agapay upang alamin kung saan nanggaling ang kanyang impormasyon.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment