Sunday, August 23, 2009

CHURCH OF CHRIST (SAN PABLO CITY)

SAN PABLO CITY CHURCH HISTORY - Ang Church of Christ ay nakarating sa Lunsod ng San Pablo noong Agosto, 1910. ang pagdating ng Ebanghelyo ay sa pamamagitan ng pangangaral ng dalawang misyonerong nagmula sa kamaynilaan sa katauhan nina Juan Baronia at Daniel Flores. Sa loob ng dalawang buwang pangangaral ay limang pamilya ang tumanggap ng mabuting balita na binubuo ng 25 miyembro. Ang limang pamilya ang mga sumusunod: AGUILAR, ALCAZAR, CANLAS, CARBUNGCO at SALUDO.

Ang pangangalaga sa batang Iglesia ay buong sikap na isinakatuparang nang itala bilang mga diakono na sina Martin Saludo at Gregorio IbaƱez. Sina Ester Flores at Flora Aguilar naman ang itinalaga bilang mga diakonesa.

Sa pagtutulungan ng mga kapatiran ng Iglesia ay nakabili ng lote at nakapagtayo ng Bahay-Sambahan sa Kalye G. Lopez, subalit lumipas ang mga panahon, ang Iglesia ay nahati. Ang isang grupo ay tinawag na Church of Christ (Disciples) at ang isa namang grupo ay tinawag na Church of Christ (1901 o Missionaries) na sa ngayon ay ang ating kinaaniban. Ang dalawang grupo ay tuluyang nagkahiwalay ng maayos upang makapangaral ng mga kalayaan.

Taong 1932 ang grupo ng Church of Christ (1901) na may 30 miyembro ng panahong yaon ay lumipat at muling nagtipon sa bahay ni Matias Alcazar sa Kalye Lakandula (malapit sa Franklin Baker Co.) sa pangunguna ni Daniel Flores. Sa paglipas pa ng mga panahon ay patuloy na dumarami ang mga kapatiran ng Church of Christ (1901) kung kaya’t kinakailangang maghanap ng malaking lugar ang Iglesia. Sa pagkakataong yaon ang Iglesia ay lumipat sa bahay ni Sebastian Odonel sa Paterno St.. Lumipas pa ang maraming taon hanggang sa dumating ang ikalawang digmaang pandaigdig at patuloy na dumarami ang mga kapatiran.

Taong 1940-1944 - Sa panahon ng ikalawang digmaang pandaigdig, walang makitang ulat o napatala sa kasaysayan ng Iglesia. Matapos ang digmaang nabanggit (1945-1949) ang mga kapatiran ay nagtipong sa isang gawang Bahay-Sambahan na hindi maganda ang pagkakayari na matatagpuan sa Gen. Malvar St.. Ngayon, ito ay ang panulukan ng Balagtas Blvd. at P. Cabrera St., kasalukuyang nakatayo ang isang car wash. Mga matanda sa Iglesia Escolastico Martin, Pedro Atienza, Cresenciano Orillaza. Mga dumadalaw na mangangaral: Santos Formales, Jose Oro, may pagkakataong si Cresenciano Orillaza ang gumaganap na mangangaral.

Taong 1950-1956 - Muli ay patuloy na dumami ang mga kapatiran. Kinakailangan ang muling paglipat. Sa pagkakataong yaon, ang mga kapatiran ay nagtitipon sa Bahay Sambahan na nakatayo sa lote na pag-aari ni Pedro San Agustin. Ito ngayon ay ang katabing lote ng Marilyn’s Restaurant sa Schetelig Avenue. Matagal ding panahon na nanatili ang Iglesia sa dakong yaon. Ang mga aktibong opisyales ng Iglesia ng panahong yaon ay sina Raymundo Emralino, Pedro Orillaza, Emilio Vida, Gonzalo Carbungco, Cerilo Canlas, Cresenciano Orillaza, Mariano Aguilar, Eliza Alcazar Alon, Pablo Canlas, Maring Canlas, Esperanza Saludo Bombio, at Clemente Bombio. Ito ay sa panahon ng mangangaral na sina Santos Formales at Jose Oro.

Taong 1957-1963 - Patuloy ang mga gawain ng Iglesia at patuloy din ang mga panalangin. Bunga ng maningas na panalangin ng Iglesia, binuksan ng Panginoon ang puso ni Hospicio Cornista. Inialok niya ang kanyang lupa sa halagang P1,000.00 na sa katotohana’y kalahati lamang ng tunay na halaga ng lupa. Nagtulong-tulong ang mga kapatiran at nakalikom ng halagang P1,500.00.

Nabili ang lote na may sukat na 213 metro kuwadrado at nagpatayo na rin ng Bahay-Sambahan. Natayo ang Bahay-Sambahan sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga magkakapatid maging sa paggawa ng concrete hollow block.

Ang lupa at Bahay-Sambahang ito ay ang kasalukuyang kinatatayuan ng ating kapilya na matatagpuan sa panukulan ng Schetelig Avenue at Balagtas Blvd.

Noong Nobyembre 9, 1972 ay napatala ang pangalan ng Iglesia (Church of Christ at San Pablo City, Inc.) sa Securities and Exchange Commission. Si kapatid na Pedro Orillaza ang unang Chairman ng Board of Trustees.

Taong 1974 - Isang napakalaking pagsubok ang dumating sa Iglesia ng San Pablo City simula 1974 hanggang 1978 subalit ito’y ginabayan ng Panginoon na malampasang matiwasay ng kapatiran. Sa katunayan nga’y taong 1975 ay natatag ang Iglesia sa dako ng Calauan, Laguna. Nagkaroon ng pangangaral ng Salita ng Dios gabi-gabi ng buwan ng Abril, 1975. marami ang nagsitanggap sa Panginoon dahilan upang matatag ang Iglesia sa Calauan, Laguna. Taong 1975, ika-29 ng Abril, isang gabi ng pangangaral ng Salita ng Dios sa Calauan, Laguna, isang trahedya ang nangyari sa mga kapatid na nakasakay sa isang sasakyan na pag-aari ni Kptd. Jose Oro patungo sa dako ng Calauan, Laguna. Ang sasakyan ay bumangga sa isang pampasaherong bus. Sa nasabing aksidente ay namatay sina Kptd. Raymundo Emralino (Elder ng Church), Kptd. Elisa Alon (Deakonesa) at ang driver ng sasakyan. May mga kapatid na nasaktan, may nabalian ng buto sa paa, Kptd. Na Josefina Rivera (Deakonesa), subalit may mga kapatiran na hindi nasaktan.

Dahil sa nabanggit na malaking pagsubok ay may mga kapatid na lumabas pansamantala gaya ng Kptd. na Pedro Orillaza Sr. na pansamantala ring tumulong sa Calauan, Laguna bilang evangelist, Bro. Ismael Orillaza, pansamantalang nanambahan sa dako ng Lakeside Park Church of Christ na ang mangangaral ng panahong yaon ay si Kptd. Ricardo Moldogo, kasama si Kptd. Amador Tan Sr. Ang buong sambahayan ni Cresenciano Orillaza Sr. ay dumako sa Iglesia sa San Diego, San Pablo City hanggang sa tuluyan nang maging permanent members sampu ng kanyang mga anak at anak ng kanilang mga anak na sa panahong ito ay nagagamit ng Iglesia sa San Diego, San Pablo City.

Taong 1977 to 1978 – Dahil sa mabigat na pagsubok ay lumabas na ang layunin o motibo ng isang mangangaral subalit mayroong mga kapatiran na gumawa ng paraan upang hindi mangibabaw ang anumang personal na motibo sa loob ng kapatiran. Nangyari ang dapat na mangyari, napaalis ang naulit na mangangaral subalit sumama sa kanya ang halos 40% ng kapatiran, halos 20% ng kapatiran ay nanghina hanggang manglamig, subalit sa gabay ng Panginoon ay halos 40% naman ng kapatiran ang namalagi at buong tatag na naiwan. Ang mga nanatiling kapatiran ay buong ningas na dumalangin upang magpadala ang Dios ng isang tunay na mangangaral na siyang maninindigan sa Turo at Aral ng Iglesia.

Taong 1978 - Sinagot ng Panginoon ang dalangin ng Iglesia na magpadala ng isang mangangaral upang muling ibalik ang halos wasak nang kalagayan ng Iglesia sa kabuuan at ito ay tumutugon sa pangalang Melchor Maldupana. Sa loob ng anim na taong pamamalagi ni Bro. Mel (1978-1985) ay muling bumalik ang kayusan sa Iglesia (spiritually, physically, materially at financially) sa tulong, gabay at pagpapala ng Panginoon.

Taong 1982 - Ang Iglesia ay nakabili ng isang na lupa na may sukat na limang daan at pitumpo (570) metro kuwadrado sa C. Brion St. (Labak) San Pablo City sa halagang limapu’t pitong libong piso (P57,000.00)

Taong 1984 - Ang Iglesia ay nagpatayo ng Pastoral House sa nabiling lupa taong 1982 upang tirahan ng kasalukuyang mga ministro ng Iglesia na sina Kptd. Ferdinand Rosete at Rustom Pel. Ang halaga ng pagpapatayo ng Pastoral House (duplex) ay P111,664.09.

Taong 1989 - Ang Iglesia ay nakalibi ng isang lagay na lupa sa bayan ng Dolores, Quezon sa halagang P55,000.00 at may sukat na 1,431 metro kuwadrado.

Taong 1990 - Ang Iglesia ay nakabili ng lupa at bahay sa katabing lote ng Bahay-Sambahan sa halagang P450,000 at may sukat na 105 metro kuwadrado.

Taong 1991 - Ipinagbili ng Iglesia ang Pastoral House (Duplex) sa halagang P410,000, gayun din ang lupa sa Dolores, Quezon sa halagang P116,000.00.

Ang Iglesia ay nagpa-renovate ng bahay sa nabiling lote na katabi ng Bahay-Sambahan sa halagang P413,583.80. Ang nasabing nagastos sa renovation ay galing sa mga naipagbiling lote sa Dolores, Quezon at Pastoral House (Duplex) sa C. Brion St. (Labak). Sa kasalukuyan, ito ay ginagamit bilang silid-aralan ng mga bata sa Sunday School.

Taong 1992 - Karagdagang renovation ng Children Sunday School sa pamamagitan ng paglalagay ng mga divider, pagpapa-pintura sa loob at sa labas sa halagang P23,000.00.

Taong 1993 - Ang Iglesia sa pamamagitan ng Board of Officers ay nagpasiyang magtayo ng paaralan para sa maliliit na bata (Preparatory School). Ang maliit na pasimula ay ganap na naisakatuparan sa loob ng 7 taon. Sa pangunguna ni Kptd. Ismael Orillaza bilang Administrador, ang paaralan sa ngayon ay isa nang kumpletong paaralang elementarya (Pre-Elementary and Elementary School) na kila sa pangalang “The San Pablo Christian School, Inc.”

Taong 1994 - Nabili ng Iglesia ang isang lote na may sukat na 193 metro kuwadrado sa halagang 545,000 sa Schetelig Avenue, San Pablo City at ito ay sa pagtutulungan ng mga kapatiran dito sa San Pablo City.

Taong 1996 - Nagpatayo ang Christian School ng dalawang silid-aralan sa loteng may sukat na 193 metro kuwadrado sa halagang P322,164.40.

Taong 1997 - Nagpatayo ang Iglesia sa kaliwang bahagi ng Bahay-Sambahan ng isang 2 ½ storey building na sa kasalukuyan ay ginagamit bilang pastoral house sa halagang P188,784.80.

Taong 1998 – Nagpatayo muli ang San Pablo Christian School ng isang gusali na may tatlong-palapag (3 storey Building) sa loteng nabili ng Iglesia noong taong 1994 sa halagang P1,125,963.00.

January, 1999 - Binuksan ang Iglesia sa Dolores, Quezon sa pangunguna ng mga kalalakihan ng San Pablo City Church of Christ (Bro. Ed Millares-Pangulo; Bro. Ave Lajara – Pangalawang Pangulo). Lumipas ang ilang panahon nakabili ng lote na may sukat na 150 metro kuwadrado sa halagang P150,000.00 subalit ito ay pinabayaran lamang ng kalahati (P75,000.00) at sa pamamaraang buwanang hulugan hanggang sa lubusang mabayaran. Nakapagpatayo rin ng Bahay-Sambahan sa halagang P127,354.00. May panahon na ang Iglesia sa Dagatan (Dolores, Quezon) at Schetelig Ave, San Pablo City ay magkatulong upang lalo pang maisulong, mapasigla at mapatatag ang kanyang kalalagayang pisikal at ispiritwal. Sa kasalukuyan, ang Iglesia sa Dagatan, Dolores, Quezon ay sinusuportahan ng Iglesia San Diego, San Pablo City sa pangunguna ni Kptd. Ricardo Moldogo at Kptd. Amador Tan Jr..

September, 1999 - Binuksan ang gawain sa Santiago I, San Pablo City. ang outreach na ito ay pinasimulan ng mga kapatid sa Calamba, Laguna at may ilang panahon na ang Calamba Church of Christ at San Pablo City Church of Christ ay nagkatulungan. Subalit sa panahong ito ay ipinagpapatuloy na muli ng mga kapatiran sa Calamba, Laguna. Nakabili na rin ng sariling lote at kasalukuyan ding nagpapatayo ng Bahay-Sambahan.

October, 2000 - Ganap na nagsimula ang Outreach sa San Crispin, San Pablo City. Kasabay ng pagsisimula ang isang tapos na Bahay-Sambahan na nagkakahalaga ng P456,059.45. Ang lote na pinagtayuan ng Bahay-Sambahan na may sukat na 374 metro kuwadrado ay kusang kaloob ni Sis. Luring de Mesa Orillaza.

July, 2002 - Binuksan ang Outreach sa San Marcos, San Pablo City - Ang San Crispin Outreach ang may malaking bahagi kung bakit nabuksan ang Outreach sa San Marcos. Ito ay sa pangunguna ni Bro. Francis Mariano na noon ay Ministro ng San Crispin. Sa kasalukuyan ang outreach sa San Marcos ay mayroon ng sariling Bahay-Sambahan. Dahilan sa pagmamalasakit ni Sis. Lucia Becina na magkaroon ng maayos-ayos na dako, na mapagtitipunan ng mga kapatiran ay kusang loob niyang ipinagamit ang bahagi ng kanyang bahay upang gawing Bahay-Sambahan. Ito ay walang kaupahan maging ang paggamit ng kuryente at tubig.

Taong 2002 - May mga kapatiran na nagkaloob ng 3 units, 3 toner refrigerated type aircon na hanggang sa ngayon ay ating nakikita, maging ang kaginhawahan sa ating katawan ay ating nararamdaman.

Taong 2002 - Natayo ang Iglesia sa Colago Avenue, San Pablo City, sa pangunguna ni Bro. Pablo Carbungco.

Taong 2004 - Ang Outreach Ministry na sinimulan noong taong 2000 sa pangunguna ni Bro. Ismael Orillaza bilang Chairman, au nagkaroon ng opisyal na pangalan at sariling opisina. Ito ay tinawag na Schetelig “Church of Christ Outreach Ministry” o SCCOM. Niloob ng Panginoon na ito ay maisakatupran sa pamamagitan ng mga kapatid sa ibang bansa at maging dito din sa San Pablo City na buong pusong nagpaunlak na tumulong bilang mga sponsors ng outreach ministry. Sa kasalukuyan, ito ay pinapangunahan nina Bro. Kevin Ticzon bilang Chairman at Bro. Ismael Orillaza bilang Vice-Chairman.

October 2004 - Binuksan ang outreach sa Sta. Veronica, San Pablo City. Sa unang taon ang Sta. Veronica Outreach ay nanambahan sa isang pansamantalang built-in chapel, subalit pagkalipas ng isang taon, isang lote ang nabili ng Sta. Veronica Outreach na may sukat na 372 metro kuwadrado sa halagang P260,400.00. Nakapagpatayo na rin ng Bahay-Sambahan sa halagang P147,441.05. Sa panahong ito ay patuloy pa rin ang mga pagawain sa Sta. Veronica Outreach gaya ng comfort room, ceiling at painting works. Ang mga pagawaing ito ay kusang kaloob ng isang mag-asawa na gayon na lamang ang kanilang pagmamahal sa mga kapatiran sa Sta. Veronica Outreach.

February, 2005 - Muling binuhay ang pansamantalang natigil na pananambahan sa Iglesia sa Calumpang, Liliw, Laguna. Dahilan sa pagmamalasakit ng isang mag-asawa ( Bro. Frank at Sis Frannie Orillaza) muling nabuksan ang Iglesia sa Calumpang subalit ito ay tinawag na Calumpang Outreach sa kadahilanang ito ay suportado ng Schetelig Church of Christ Outreach Ministry (SCCOM).

Taong 2005 - Nagkaloob ang mag-asawang Paul at Francing Aguilar Jr. at Garden State Christian Church New Jersey USA ng mga aklat na humigit kumulang sa anim na raan (600) at dalawang units ng personal computer with printer, scanner at video-camera.

Taong 2006 - Ang Iglesia sa Lunsod ng San Pablo (Church of Christ San Pablo City) ay patuloy sa paglago sa bilang, sa pagkakaisa, sa pananampalataya at sa pag-asa sa buhay na walang hanggan na siyang ipinangako ng Panginoong Hesus sa Kanyang Iglesia. SA KANYA ANG KAPURIHAN!!

No comments: