Saturday, June 20, 2009

TAMANG PAG-IWAS SA A(H1N1), ITINURO NG CHO

San Pablo City - Hinihiling ni Dra. Mercydina Mendoza Caponpon ng City Health Office (CHO) sa mga pinuno at kawani ng pangasiwaang lunsod gayon din sa mga punong barangay at lider ng iba’t-ibang samahang sibiko at organisasyon na makipagtulungan para maipabatid sa taumbayan ang mabisang pamamaraan upang maiwasan ang Influenza A virus na kilala sa ngayon na A(H1N1).

Ipinabatid ni Dra. Caponpon ang mga hakbanging dapat isagawa sakali sila ay may mga kasambahay na kinapapansinan ng pagkakaroon ng mga ipinalalagay na sintomas ng H1N1.

Dapat aniya ang dagliang pagpapaabot ng impormasyon kay Dr. Job D, Brion, ang City Health Officer, upang ang hinihinalang apektado ng virus ay madalaw kaagad ng mobile surveillance team para masuri ang kanilang tunay na kalalagayang pangkalusugan.

Ayon kay Dra. Caponpon, kung ito ay karaniwang trangkaso ay may sapat silang dalang gamot para ito ay malunasan subalit kung ito ay dengue fever o H1N1 ay may proseso silang susundin upang ang pasyente ay maingat na mailipat sa tamang pagamutan gaya ng itinatagubilin ng kalihim ng Kagawaran ng Kalusugan.

Ang payak na payo ni Dra. Caponpon sa lahat ay iwasan muna ang pagtungo sa mga mall o sa mga saradong bulwagan.

Kung maaari, sinabi pa ng manggagamot na ang mga air conditioning room ay dapat na may malakas na exhaust fan upang ang maruming hangin ay maitaboy kaagad palabas ng silid kung saan maaari ay marami ang taong doon ay tumitigil. (RUBEN TANINGCO, Sec. Gen., 7LPC)

No comments: