Friday, June 26, 2009

KATARUNGAN SA PAGKAMATAY NI D.Y. AT MGA KASAMA

Marahas, kasuklam-suklam at pagpapakita ng karuwagan ang ginawang pagpaslang kay PCL President BM Danny Yang at kanyang mga kasamang sina Brando de los Santos at dating barangay chairman Manolo Barcenas.

Simbolo ng karahasan ang gawan mo ng masama ang isang taong kahit lampas na sa takdang oras ng trabaho bilang public servant ay lumalabas pa sa komportable niyang tahanan upang makapaglingkod sa mga taga barangay. Karahasan ding masasabi na paslangin mo ang isang taong nagkakaloob ng oras sa mga kababayang gayong ang mga sandali sanang iyon ay para sa kanyang pamilya.

Kasuklam-suklam naman ang tawag sa taong pataksil kung pumatay, ang kumitil ng buhay sa mga walang kalaban-laban at magsamantala sa kahinaan ng kalaban sa hindi inaasahang pagkakataon.

Sa pagpapakita ng karuwagan ng mga salarin na hindi makalaban ng harapan at animo’y takot sa anino ng kalaban kaya’t kung kailan pusikit na’y doon isinasakatuparan ang imbing gawain. Iisa na nga ang kalaban ay pinag-lilimahan pa!

Ang kalisyaang ito ay nauuri sa mga kasumpa-sumpa, isang makahayop na gawain at taglay ng mga taong walang puwang sa sibilisadong lipunan. Sila ang mga uring walang budhi at ang mga kaluluwa’y sinusunog na kahit pisikal pang nasa lupa. Ang mga tipong ganito kahit buhay pa’y siguradong pulo-pulong apoy ang kakahantungan.

Tahasang matatawag na duwag ang taong takot sa anino ng kanyang kapwa, tulad ng mga taong patraydor na bumaril kina BM Danny Yang. Natakot sila sa anino ni D.Y. gayong kung lilitaw sila sa liwanag ay sila’y may anino rin.

Bigyan natin ng katarungan ang pagkamatay nina D.Y., Manolo at Brando. Kondenahin natin ang mga salarin, iharap sa batas at hayaang magdusa sa bigat ng nagawa nilang kasalanan. (SANDY BELARMINO)

No comments: