Saturday, June 20, 2009

SIYA'Y GANITO, HINDI KA BA GANOON?

Palaisipan sa may akda ang palaging isinisigaw ng mga aspirante sa mga posisyong paglalabanan sa darating na halalan, na palitan ang mga kasalukuyang nanunungkulan sa paghahangad ng reeleksyon.

Sa mga magreretiro dahil umabot na sa term limits ay wala tayong masyadong problema, sapagkat otomatikong papalit sa kanila ang mananalo sa halalan sa naturang pwesto.

Ang medyo nakagugulo sa ating isipan ay ang mga mapapangahas na paratang na ipinupukol ng isang challenger kung baga sa isang kampeon na kinakatawan naman ng incumbent official. Pero dapat nating aminin na totoong may dapat palitan at ito ay nakadepende sa isang particular na lunan at posisyon.

Mahirap tanggapin na minsan ay kakulangan sa mga bagay-bagay kung kaya hindi masyadong kumukutitap ang panunungkulan ng ilan sa ating paligid, subalit sa kabila nito ay napapansin ng taumbayan ang kanyang pagsisikap upang mapabuti ang governance. May tali ang kamay kung ihahambing sa boksingero kaya’t hindi masyadong makapanagupa. Ugaling “ilokano” sa pagpapakawala ng mga biradas. Pati pagsuntok ay tinitipid! Paano ka magiging kampeon?

Hindi man ganap na performer ika nga ay larawan naman siya ng isang buhay na dibuho na binabatikos ng bagong aspirante na kung sa drawing ay isang krokis lamang. Wala pa itong tibay kung baga, puro sketch at hindi natin nalalaman kung siya ay obra maestra kapag nabuo na.

Wala tayong katiyakan kung siya ay magiging tapat kapag nagwagi na, o higit na mahusay sa nais nating palitan. Ito iyong tinatawag nating dilemma dahil wala nga tayong kasiguruhan, sapagkat kung siya’y nakaupo na’t nakatikim ng kapangyarihan ay baka maghari-harian lamang. Kung hindi man siya’y ang kanyang tatay? Ang kanyang nanay o dili kaya’y si kuya’t si ate? O ang kanyang mga taga-tambol na naghahangad din naman ng kaginhawahan sa buhay?

Masusing pagsusuri ang kailangan nating lahat. Kapag may narinig tayong paratang ay makabubuting tanungin natin ang ating mga sarili. Siya kaya ay hindi ganoon? Baka naman siya’y mas masahol pa? (SANDY BELARMINO)

No comments: