Dahil sa tibay ng paninindigan ay napiling Outstanding Neophyte Legislator ng bansa ang kinatawan ng ika-4 na purok ng lalawigang ito sa isinagawang pag-aaral ng isang developmental and investigative magazine sa performance ng 15th Congress kamakailan.
Kinilala ng Public Eye Magazine ang mga pagsusulong sa bulwagan ng Kamara, na ang hangarin ay bigyang linaw ang maiinit na isyung bumabalot sa bansa.
Magugunitang tumayong nag-iisa si Cong. San Luis batay sa kanyang paniniwala na dapat lang malaman ng bayan ang dalisay na katotohanan sa kanyang pagkatig sa impeachment complaint laban kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Hindi natinag si San Luis sa kabila ng pagiging baguhang kongresista na ipaglaban ang nilalaman ng kanyang kaisipan sa harap ng mga tahiran at mga datihan nang mambabatas.
Pinahalagahan ng naturang magazine ang paghingi ng kongresista ng katarungan para sa 200 pamilya sa Lumban, Laguna na nanganganib na mawalan ng tahanan na kanilang tinitirahan sa nakalipas na 30 taon sanhi diumano ng maanomalyang legal na maniobra.
Kabilang sa mga ipinaglaban ni Cong. San Luis ang karapatan ng mga indigent prisoner sa pagkaroon ng tagapagtanggol, paghahanap sa nawawalang pondo para sa mga beterano, paglalagay ng priority list sa mga barangay ng 4th district sa serbisyo ng kuryente at pangangalaga sa karapatan ng mga tagapakinig sa radio at mga manonood sa telebisyon.
At dahil sa repormang isinulong ni San Luis ukol sa LLDA ay nagising ang liderato ng bansa sa abang kalagayan ng Laguna de Bay na pinagkukunan ng ikinabubuhay ng maraming residente sa ika-4 na purok ng lalawigan.
Ang kongresista ay nakapaghain na ng mahigit 30 panukalang batas at resolusyon sa Kamara na pawang layunin ay maitaas ang antas ng edukasyon, kalusugan at kabuhayan ng ika-4 na distrito ng lalawigang ito.
Kasama ni Cong. Edgar San Luis na pinarangalang Most Outstanding Neophyte Legislators sina Cong. Elpidio F. Barzaga Jr., 2nd District, Cavite; Cong. Roberto V. Puno, 1st District, Antipolo City; Cong. Ma. Theresa Bonoan-David, 4th District, Manila; Cong. Antonio del Rosario, 1st district, Capiz; Cong. Teodulo M. Coquilla. Lone District, Samar at Cong. Diosdado M. Arroyo, 1st District, Camarines Sur. (NANI CORTEZ, President, Seven Lakes Press Corps)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment