Friday, June 26, 2009

KATARUNGAN PARA KAY BM YANG ET. AL.

Hindi sa pinangungunahan ang imbestigasyon ng pulisya sa kung anong motibo ang nasa likod ng pagpaslang kay San Pablo City Councilor at Philippine Councilors League Laguna Chapter President Danny Yang ay maituturing na isa itong kaso ng election related violence dito sa Calabarzon na ang biktima ay isa mga major player sa darating na 2010 election.

Una ito sa Lalawigan ng Laguna at kauna-unahan sa Lunsod ng San Pablo na kahit anong higpit ng tunggalian sa larangan ng pulitika ay kalian ma’y hindi pa nababahiran ng karahasan.

Maaga pa at malawak ang angulong maaaring tingnan at pagsimulan ng pulisya, ngunit ang humantong ito sa kadahilanang sanhi ng pulitika ay huwag naman po sana.

Kilala ang nasawing bokal bilang isa sa mga haligi ng partidong PDSP sa ilalim ng pangangasiwa ni National Security Adviser Norberto Gonzales, na magbubukas sa posibilidad na ang mga hindi kasundo ng kalihim ay ang maaaring kaaway rin ang turing kay BM Yang.

Bukas rin ang pintuan ng posibiliad sa mga tinatayuang isyu ng bokal na matibay niyang ipinaglalaban. Ito ay sa bulwagan ng Sangguniang Panlunsod o maging sa Sangguniang Panlalawigan. Hindi nagkakasya si Yang, ni hindi rin tumitigil hanggat hindi nakakamit ang kaukulang linaw sa isang partikular na usapin.

May puwang rin ang pagiging crime buster ni Yang na maaaring sa isang panig ng nagdaang panahon ay mayroon siyang nasagasaan na nagkimkim ng paot na dinala hanggang sa kasalukuyan. Subalit sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya ay napag-alamang marami ang bilang ng suspek sa pataksil na pagpatay kay BM Yang.

Magbubukas ito sa kaisipan ng pulisya na ang nagsagawa ng krimen ay grupong organisado na madali nang matutukoy ng kapulisan ang pagkakakilanlan, lalo pa nga’t tuluyang matutuklasan ang pagkatao ng suspek na kasamang nasawi ng mga biktimang sina BM Yang, kanyang bodyguard-driver na si Brando de los Santos at dating Barangay Chairman Manolo Barcenas na pawang ang isinisigaw ng mga naulila ay katarungan. (The Tribune Post/Nani Cortez)

No comments: