Wednesday, November 19, 2008

INDEPENDENT SENATE

Bagong yugto ng kabanata ang kakaharapin ng senado ng bansa sa ginawang pagbibitiw sa tungkulin ni Senate President Manny Villar bago pa man maipatupad ang resolusyon ng mayorya ng mga senador na nagdi-deklarang bakante ang nasabing posisyon. Kapagdaka’y nahalal na pangulo ng senado si Senador Juan Ponce-Enrile.

May kaselanan ang posisyon ng panguluhan ng senado dahil dito nakasalalay ang pagpapanatili ng nasabing tanggapan bilang isang institusyong Malaya kung saan bagamat maliit lang ang komposisyon ay nagtataglay ng napakalawak na kapangyarihan. Ito ang pangunahing katungkulan na nakaatang kay bagong Senate President Enrile na malugod niyang tinanggap.

Si Villar sa isang banda, sa kahuli-hulihang sandali ng kanyang panunungkulan bilang pangatlong pinakamataas na lider ng bansa ay nagpamalas ng pagka-maginoo sapagkat tanggap niya ang kalakarang ito sa mataas na kapulungan – ang paghahari ng mayorya.

Kung tutuusin ay hindi ito ang unang rigodon sa kapulungan ng senado na nagsimula pa noong panahon bago pa man ang Commonwealth era. Unang nagsagawa ng reorganisasyon si Senate President Quezon kung saan napatalsik niya sa tungkulin si Senate President Pro-Tempore Sergio OsmeƱa, Sr.. At sa makabago nating panahon ay ang pagka-kuha sa tungkulin ni Senador Angara buhat kay Senate President Neptali Gonzales, Sr..

Noon hanggang nagyon at sa maraming pagkakataon ay naipamalas ng senado ang katangian sa pagiging indipendyanteng batasan kung saan nananaig ang malayang kaisipan ng bawat senador. Si Senador Miriam Defensor-Santiago bagamat umaming kaalyado ng palasyo ay nagningning sa isinagawang pagsisiyasat ng naturang kapulungan sa P728-milyong Fertilizer scam.

Naipamalas rin ito ni Senate President Jovito Salonga at iba pang mga senador ukol sa isyu ng American Military Bases sa bansa nang salungatin nila ang kahilingan ng palasyo noon, at sa halip ay pinanaig nila ang damdamin sa mataas na kapulungan. Ang senado sa maraming pagkakataon sa mahabang panahon ay nasubok pa ng makailang ulit kung independence ang pag-uusapan.

Change of guard lang na maituturing ang pagkakahalal kay Senate President Enrile sapagkat kilala ang mamang ito sa tibay ng paninindigan katulad ng kanyang ipinamalas na pagkalas sa diktaturyang Marcos, maipaglaban lang ang kanyang prinsipyong kumakatig sa katotohanan. Iisa ang ibig ipakahulugan ng mga bagay na ito – na muling kikilos ang senado upang maging kaalyado ng taumbayan, noon at magpakaylan man. (NANI CORTEZ)

No comments: