Tuesday, November 18, 2008

13TH MONTH PAY SA CITY HALL IBINIGAY NA

Natanggap na ng mga government employee partikular sa San Pablo City Hall ang kanilang 13th month pay nang nakaraang linggo, na masasabing tamang-tama sa timing sapagkat higit na marami ang mabibili ng mga tumanggap nito kumpara sa kung malapit na ang kapaskuhan nila matatanggap.

Batay sa karanasan ng mga kawani ay nangangahulugan ito ng maagang pagpaplano sa kung ano-ano ang kanilang bibilihing mga pangangailangan ng kanilang pamilya sa panahon ng Christmas Season. Ilang bagay ang maisasagawa nito. Una marahil ay mas mura pa ang bilihin, maiiwasan ang pakikipag-siksikan at higit sa lahat ay kakayanang makapag-desisyon kung ano talaga ang kanilang higit na kailangan.

Ngayon na halos lahat ay nakararamdam ng hirap dulot ng economic crisis sa buong daigdig ay napakalaking tulong sa mga karaniwang kawani ang pagkakabigay sa tamang panahon ng kanilang 13th month pay. Hindi birong ginhawa ang maidudulot nito sa kanilang pamilya, na talaga naman lahat na ng pagtitiis ay naranasan na.

Kung kaya nga isang napakalaking insulto sa kanila na tuwing kanilang maririnig ang propaganda ng pambansang liderato na aniya’y ramdam na ramdam ang kaunlaran sa kabila ng katotohanang marami ang naghihirap at nagsisikap lamang na makaraos sa dumadaang kahirapan. Ito ang dahilan kung bakit ipinagkaloob ng maaga ng lokal na pamahalaan ang naturang 13th month pay.

Bago sumapit ang kapaskuhan, kung ipahihintulot ng budget ay baka muling makatanggap ang mga empleyado ng City Hall ni Pablo’y ng karagdagang cash bonus, na marahil ay isasabay sa mga kaswal ng lunsod at ito ay kung saka-sakali lamang. (SANDY BELARMINO)

No comments: