Friday, November 28, 2008

ANG MENSAHE NG MGA PAROL

Sa temang How to Fight Aids ay inilunsad ng City Health Office (CHO) ang Christmas Lantern Contest sa layuning pasiglahin ang paglaban sa sakit na Acquired Immunity Deficiency Syndrome (AIDS) na nakasisigurong makatatawag pansin at makakakuha ng suporta mula sa publilko sa isinasagawang educational campaign ng CHO ukol ditto.

Binabati natin ang kabuuan ng City Health Office mula kay Dr. Job D. Brion hanggang sa kaliit-liitang field personnel nito sa ganitong makabuluhang pagsusulong, na lingid sa lahat ay nakapag-iwan ng mahalagang mensahe sa pitak na ito sapagkat ang ginamit na materyales sa bawat parol ay mga recycled na gamit na kung walang inobasyon ang isang nilalang ay itatapon na lamang sa basurahan.

Hindi na sinubukang alamin ng pitak na ito kung sino ang nanalo dahil sa aking isipan ay pawang nagwagi na ang lahat ng kalahok. Marahil ang unang dahilan ay ang paghanga sa pagkamalikhain ng bawat isa sa pagbuo ng parol na halos walang ginastos ngunit naipararating pa rin ang diwa ng kapaskuhan. Sa panahong ito ng mga pagsubok sa ating ekonomiya ay ito ang ating kailangang gawin.

Maaari na’y pwede pa pala tayong magdiwang ng Pasko sa likod ng mga simpleng bagay sa ating paligid. Walang binago kundi ang disiplinahin ang ating sarili sa pagtitipid upang makaangkop sa hinihingi ng panahon, ngunit pareho pa ring nandoon ang ispiritu ng kapaskuhan.

Ang mensahe ay hindi kinakailangan ang rangya upang matamo ang tunay na kasiyahan sapagkat kung paano nagpakumbaba si Hesukristo nang Siya’y isilang ay ito na ang tampok na rurok sa nais Niyang iparating. Na ang ibig sabihin ay hindi lang salapi ang susi upang ang tao ay lumigaya.

Hinatulan ng mga inampalan ang bawat parol sang-ayon sa ipinaabot na mensahe na pinakamalapit sa tema at ang mga nagwagi ay ang mga nagbigay ng malinaw na pamamaraan upang maiwasan ang AIDS, sa ilalim ng basehang tugma sa layunin ng kampanya. Bukod dito ay nararapat din sana silang kilalanin, kabilang na ang mga hindi nagwagi sapagkat nabigyang halaga nila ang mga bagay na wala nang katuturan at higit sa lahat ay binuksan nila ang ating isipan na huwag bigyan ng pagkakataon ang lungkot sa ating buhay. (SANDY BELARMINO)

No comments: