Wednesday, November 5, 2008

BUSINESS SUMMIT sa SM CITY, PINASINAYAAN ni PGMA

Sta. Rosa City - Pinasinayaan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang paglulunsad ng Laguna Business and Investment Expo (LBIX) 2008 sa SM City rito kahapon

Ang LBIX ay nabuo sa pakikipagtulungan nina City Mayor Arlene Arcillas-Nazareno, Gob. Teresita Lazaro at business communities ng lalawigan sa pag-alalay ng maraming sector buhat sa academe. Ito ay may temang “Boundless Possibilities” kung saan ipakikita ang kakayanan at pagka-malikhain ng mga Lagunense sa pagharap sa krisis na dinaranas ng daigdig.

Kapapalooban ang anim na araw na business summit ng business fora, networking session, exhibits at entertainment and cultural events na sumisimbolo sa nakaraang pagsisikap at kaunlarang natamo ng lalawigan na pinapurihan ng pangulo sa kanyang talumpati. Ikinatuwa ni Arroyo ang layunin ng LBIX na papag-isahin ang lahat ng sektor ng industriya, negosyo at academe para sa ikasusulong ng kabuhayan ng mga Lagunense.

Bilang suporta ay tiniyak niyang patuloy ang kanyang administrasyon sa paghimok sa mga foreign investor na maglagak ng puhunan sa 18 industrial estate ng Laguna.

Ang summit ayon kay Mayor Arlene Arcillas-Nazareno ay kapapalooban ng Macro-Micro Situationer, Cooperative Forum, One Town One Product Forum, Tourism and Cultural Forum, Academe-Industry Forum at Laguna Jobs Fair Forum. Itatampok din dito ayon pa sa alkalde ang socio-cultural events para sa mga home grown talents ng probinsiya.

Bukod kay PGMA ay naging bisita rin sa pasinaya sina DTI Sec. Peter Fabila, Rep. Ivy Arago, BM Rey Paras, BM Neil Nocon, PCL President Danny Yang, Provincial Administrator Dennis Lazaro at Provincial Planning Officer Valentin Guidote, Jr.. Magtatapos ang summit sa Nobyembre 9. (NANI CORTEZ)

No comments: