Tuesday, November 25, 2008

ANG LAGUNA SA 2010

Nalantad man ang pagkilos ng panibagong proponent ng Charter Change (CHACHA) sa Mababang Kapulungan ng Kongreso upang muling tangkain sa pamamagitan ng constituent assembly na baguhin ang saligang batas ay hindi ito nakapagpapalamig sa naisin ng mga nagbabalak na pumailanlang sa pampanguluhang halalan sa 2010.

Kung ang mga nagbabalak na tumakbo sa pambansang posisyon ay hindi nangangamba ukol dito, sa paniwalang hindi naman ito nagtatagumpay, ay mas lalong hindi ang nag-a-aspire sa local elective position. Saan mang dako ay masigla na ang galawan upang makaungos sa kung sino man ang kanyang makakatunggali.

Sa lalawigan ng Laguna, malayo pa man 2010 ay batid na ng taumbayan ang posibleng magkalaban sa pagka-gobernador. Dalawa ang matunog na madalas pag-usapan sa mga umpukan, ngunit hanggang sa ngayon ay wala pang makapagsabi kung sinong nakalalamang kina dating Gob. Joey Lina at Provincial Administrator Dennis Lazaro. Napapabalita na sumang-ayon si Ex-Vice Gov. Edwin Olivarez na tumiket kay Lina at sakaling ito’y may katotohanan, well, nakalalamang ang dating gobernador.

Si Cong. Dan Fernandez pa lang ng 1st District ang kumpirmadong may hahamon sa katauhan nina BID Comm. Rey Almaro at BM Dave Almarinez. Matibay pa rin daw si Cong. Timmy Chipeco sa 2nd District at wala pang lumulutang o nagpaparamdam na katunggali, na ayon sa mga dalubhasa ng halalan ay pumapabor kay Cong. Chipeco ang sitwasyong ganito.

Marami ang nakakapansin sa pagiging aktibo ni Cong. Maria Evita Arago sa kanyang distrito sa ikatlong purok. Sinasabi ng mga nagmamasid na mahirap tapatan ang sipag ng batang kongresista bukod pa sa mga proyektong naipararating niya sa mga kanayunan na dating hindi naaabot ng kalinga ng mga nagdaang congressman. Habang papalapit ang 2010 ay mas tumatatag umano ang pundasyong kinatatayuan ni Cong. Arago.

Ayon sa mga taga 4th District ay mahihirapan nang gibain si Cong. Edgar San Luis dahil sa ipinakikita nitong kakayanan at paninindigan bilang mambabatas. Madali din daw itong lapitan sa oras ng pangangailangan ng kanyang constituents at may nakatalaga pang tauhan na siyang aalalay sa mga panahong tumutupad siya ng tungkuling sa mababang kapulungan bilang congressman.

Done deal na rin ang tatlong city mayor sa Laguna batay sa mga nasasagap ng pitak na ito. Ang magandang performance bilang punong lunsod ni Mayor Arlene Arcillas-Nazareno ang pinaka-mabisang campaign manager ng alkalde tungo sa kanyang re-eleksyon ayon sa mga taga Sta. Rosa. Mahahatak din daw ni Mayora pataas sino man ang kanyang bise-alkalde na batay sa ulat ay malamang na si Kon. Arnel Gomez dahil si Kon. Ian de Guzman ay pang-congressman sa 1st District sa 2013.

Old reliable na umano sina Calamba City Mayor Joaquin “Jun” Chipeco at San Pablo City Mayor Vicente B. Amante kaya kapwa solido pa rin ang suporta ng kanikanilang mga constituent. Kapwa din daw may naipundar ng pangalan ang dalawang opisyal dahilang upang magdalawang isip ang mga nagnanais na sila’y harapin sa larangan ng pulitika.

Ang lahat pong ito ay general sentiments ng taumbayan na kasalukuyan na nakararating sa pitak na ito, na nagsilbing tagahanay lamang. Sa susunod pong isyu ay ilalathala natin ang saloobin sa iba pang bayan ng lalawigan. (NANI CORTEZ)

No comments: