Saturday, November 22, 2008

ALTERNATIBONG HANAPBUHAY NG LLDA SA LAGUNA

San Pablo City- Inilunsad ni Laguna Lake Development Authority (LLDA) General Manager Edgardo C. Manda ang alternatibong hanapbuhay para matugunan ang suliranin ng mga mangingisda sa pitong lawa ng lunsod na ito sa isinagawang konsultasyon ng nasabing tanggapan kahapon.

Naging bahagi sa naturang konsultasyon ang Tanggapan ni City Mayor Vicente B. Amante, Cenro, Tourism Council, Friends of Seven Lakes Foundation, OSAD, M2K, Farm-C, PNP, AFP at iba’t-iba pang NGO. Ang talakayan ay isinulong ni Arvin Carandang na isang mamamahayag at environmentalist.

Napag-alaman sa talakayan na ang bumababang kalidad ng tubig ang nagiging sanhi ng mahinang ani ng isda sa lawa at nagbuhat sa mga basura ng illegal settlers sa lugar. Dahil dito ay napagkasunduan na magkaroon ng 4 hanggang 5 metrong easement sa mga baybayin kung saan ipagbabawal na pagtayuan ng anumang istraktura.

Habang nilulutas ang suliranin ay sinang-ayunan ni City Administrator Loreto “Amben” Amante ang mungkahi ni Manda na Seven Lakes Diversity Program on Eco-Tourism.

Hinikayat din ni Manda sa mga apektado na samantalahin ang programa ng LLDA ukol sa pagtatanim ng kawayan sa bakanteng bahagi sa gilid ng lawa. Sa ilalim ng programa ay sasanayin ng nasabing ahensya ang mga mangingisda ng tatlong araw upang ituro ang teknolohiya sa pagpapatubo ng kawayan.

Inisa-isa pa ng LLDA general manager ang pakinabang sa kawayan na bukod, sa nakatutulong na sa watershed protection, eco-tourism ay mapagkukunan din ng pagkain at ornamental para karagdagang hanapbuhay.

Sa kasalukuyan ayon pa kay Manda ay hindi matugunan ng LLDA ang demand sa kawayan dahil sa kakulangan nito.

Kabilang sa mga nagsidalo sa pagpupulong sina COP Supt. Joel C.Pernito, Kon. Arsenio Escudero, City Assessor Celerino Barcenas, Atty. Lat, Bobby Chan, Nilo Tirones, dating RTC Judge Bienvenido Reyes, Lerma Prudente, Gene Orence ng 202 BDE, Donna Eseo, mga pangulo at miyembro ng Farm-C sa pitong lawa at iba pang stakeholder na umaasa’t nabubuhay sa biyaya ng lawa. (NANI CORTEZ/Pres. Seven Lakes Press Corps)

No comments: