Sunday, November 30, 2008

YOUNG ESSAYISTS

Inset are the winners in the recently concluded English Essay Writing Contest for senior high school students sponsored by the Rural Bank of Seven Lakes (San Pablo City), Inc. that commemorated their 34th Founding Anniversary last November 21, 2008. The awarding ceremonies held last Saturday, November 29, 2008 presided by Bank Chairman and President Odilon I. Bautista and witnessed by the representatives of the academic, business, and research and development (R&D) communities in the Province of Laguna. From left are Lanna Alvarez of San Pablo Colleges, champion; Sandy Marie Belarmino of San Pablo City Science High School, first runner-up; and Jeanne Loraine Amponin of Laguna College, second runner-up. They received cash prizes and plaques of recognition from the bank. The contest was participated by 21 students representing 21 public and private secondary institutions in the city. (Seven Lakes Press Corps)

Friday, November 28, 2008

ANG MENSAHE NG MGA PAROL

Sa temang How to Fight Aids ay inilunsad ng City Health Office (CHO) ang Christmas Lantern Contest sa layuning pasiglahin ang paglaban sa sakit na Acquired Immunity Deficiency Syndrome (AIDS) na nakasisigurong makatatawag pansin at makakakuha ng suporta mula sa publilko sa isinasagawang educational campaign ng CHO ukol ditto.

Binabati natin ang kabuuan ng City Health Office mula kay Dr. Job D. Brion hanggang sa kaliit-liitang field personnel nito sa ganitong makabuluhang pagsusulong, na lingid sa lahat ay nakapag-iwan ng mahalagang mensahe sa pitak na ito sapagkat ang ginamit na materyales sa bawat parol ay mga recycled na gamit na kung walang inobasyon ang isang nilalang ay itatapon na lamang sa basurahan.

Hindi na sinubukang alamin ng pitak na ito kung sino ang nanalo dahil sa aking isipan ay pawang nagwagi na ang lahat ng kalahok. Marahil ang unang dahilan ay ang paghanga sa pagkamalikhain ng bawat isa sa pagbuo ng parol na halos walang ginastos ngunit naipararating pa rin ang diwa ng kapaskuhan. Sa panahong ito ng mga pagsubok sa ating ekonomiya ay ito ang ating kailangang gawin.

Maaari na’y pwede pa pala tayong magdiwang ng Pasko sa likod ng mga simpleng bagay sa ating paligid. Walang binago kundi ang disiplinahin ang ating sarili sa pagtitipid upang makaangkop sa hinihingi ng panahon, ngunit pareho pa ring nandoon ang ispiritu ng kapaskuhan.

Ang mensahe ay hindi kinakailangan ang rangya upang matamo ang tunay na kasiyahan sapagkat kung paano nagpakumbaba si Hesukristo nang Siya’y isilang ay ito na ang tampok na rurok sa nais Niyang iparating. Na ang ibig sabihin ay hindi lang salapi ang susi upang ang tao ay lumigaya.

Hinatulan ng mga inampalan ang bawat parol sang-ayon sa ipinaabot na mensahe na pinakamalapit sa tema at ang mga nagwagi ay ang mga nagbigay ng malinaw na pamamaraan upang maiwasan ang AIDS, sa ilalim ng basehang tugma sa layunin ng kampanya. Bukod dito ay nararapat din sana silang kilalanin, kabilang na ang mga hindi nagwagi sapagkat nabigyang halaga nila ang mga bagay na wala nang katuturan at higit sa lahat ay binuksan nila ang ating isipan na huwag bigyan ng pagkakataon ang lungkot sa ating buhay. (SANDY BELARMINO)

Tuesday, November 25, 2008

ANG LAGUNA SA 2010

Nalantad man ang pagkilos ng panibagong proponent ng Charter Change (CHACHA) sa Mababang Kapulungan ng Kongreso upang muling tangkain sa pamamagitan ng constituent assembly na baguhin ang saligang batas ay hindi ito nakapagpapalamig sa naisin ng mga nagbabalak na pumailanlang sa pampanguluhang halalan sa 2010.

Kung ang mga nagbabalak na tumakbo sa pambansang posisyon ay hindi nangangamba ukol dito, sa paniwalang hindi naman ito nagtatagumpay, ay mas lalong hindi ang nag-a-aspire sa local elective position. Saan mang dako ay masigla na ang galawan upang makaungos sa kung sino man ang kanyang makakatunggali.

Sa lalawigan ng Laguna, malayo pa man 2010 ay batid na ng taumbayan ang posibleng magkalaban sa pagka-gobernador. Dalawa ang matunog na madalas pag-usapan sa mga umpukan, ngunit hanggang sa ngayon ay wala pang makapagsabi kung sinong nakalalamang kina dating Gob. Joey Lina at Provincial Administrator Dennis Lazaro. Napapabalita na sumang-ayon si Ex-Vice Gov. Edwin Olivarez na tumiket kay Lina at sakaling ito’y may katotohanan, well, nakalalamang ang dating gobernador.

Si Cong. Dan Fernandez pa lang ng 1st District ang kumpirmadong may hahamon sa katauhan nina BID Comm. Rey Almaro at BM Dave Almarinez. Matibay pa rin daw si Cong. Timmy Chipeco sa 2nd District at wala pang lumulutang o nagpaparamdam na katunggali, na ayon sa mga dalubhasa ng halalan ay pumapabor kay Cong. Chipeco ang sitwasyong ganito.

Marami ang nakakapansin sa pagiging aktibo ni Cong. Maria Evita Arago sa kanyang distrito sa ikatlong purok. Sinasabi ng mga nagmamasid na mahirap tapatan ang sipag ng batang kongresista bukod pa sa mga proyektong naipararating niya sa mga kanayunan na dating hindi naaabot ng kalinga ng mga nagdaang congressman. Habang papalapit ang 2010 ay mas tumatatag umano ang pundasyong kinatatayuan ni Cong. Arago.

Ayon sa mga taga 4th District ay mahihirapan nang gibain si Cong. Edgar San Luis dahil sa ipinakikita nitong kakayanan at paninindigan bilang mambabatas. Madali din daw itong lapitan sa oras ng pangangailangan ng kanyang constituents at may nakatalaga pang tauhan na siyang aalalay sa mga panahong tumutupad siya ng tungkuling sa mababang kapulungan bilang congressman.

Done deal na rin ang tatlong city mayor sa Laguna batay sa mga nasasagap ng pitak na ito. Ang magandang performance bilang punong lunsod ni Mayor Arlene Arcillas-Nazareno ang pinaka-mabisang campaign manager ng alkalde tungo sa kanyang re-eleksyon ayon sa mga taga Sta. Rosa. Mahahatak din daw ni Mayora pataas sino man ang kanyang bise-alkalde na batay sa ulat ay malamang na si Kon. Arnel Gomez dahil si Kon. Ian de Guzman ay pang-congressman sa 1st District sa 2013.

Old reliable na umano sina Calamba City Mayor Joaquin “Jun” Chipeco at San Pablo City Mayor Vicente B. Amante kaya kapwa solido pa rin ang suporta ng kanikanilang mga constituent. Kapwa din daw may naipundar ng pangalan ang dalawang opisyal dahilang upang magdalawang isip ang mga nagnanais na sila’y harapin sa larangan ng pulitika.

Ang lahat pong ito ay general sentiments ng taumbayan na kasalukuyan na nakararating sa pitak na ito, na nagsilbing tagahanay lamang. Sa susunod pong isyu ay ilalathala natin ang saloobin sa iba pang bayan ng lalawigan. (NANI CORTEZ)

DFA REGION 4, AKTIBO SA MOBILE PASSPORTING

Naging aktibo ang Department of Foreign Affairs (DFA) Region 4 sa pagsasagawa ng mobile passporting service mula buwan ng Enero hanggang sa kasalukuyan sa mga nasasakupang lalawigan ng Calabarzon at Mimoropa.

Ito ay bilang katugunan sa kahilingan ng mga lokal na pamahalaan sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Rizal, Batangas, Quezon at mga siyudad o munisipalidad dito. Nakapagsagawa rin ng mobile passporting ang naturang tanggapan sa mga island province ng Mindoro at Palawan.

Ayon kay DFA Regional Director Edmundo Mangubat ay 16 Mobile Passporting na ang kanilang natugunan sa ibat-ibang panig ng rehiyon at muling nakatakdang magsagawa nito sa San Pablo City sa Nobyembre 29 sa paanyaya ni Cong. Maria Evita Arago.

Sa 75,715 passport na prenoseso ng kanilang tanggapan ay 6,203 ang nagmula sa mobile passporting. Sinabi ni Mangubat na bago matapos ang taon ay inaasahang aabot sa sampung porsiento ang output ng field passporting sa kabuuang passport na kanilang mapoproseso

Nagbigay katiyakan ang regional director sa mga LGU’s na kanyang tutugunan ang bawat kahilingan sa katulad na serbisyo angkop sa panahon upang mas marami ang makinabang nang sa ganoon aniya ay makatipid sa gastusin habang nag-a-apply ng trabaho.

Napag-alaman buhat kay RD Mangubat na ang kanyang tanggapan ay binubuo ng 20 staff kung saan ay hinahati sa tatlong grupo kapag may mga out of town passporting upang makasigurong mga episyenteng makagaganap sa misyon ang DFA sa mga malalayong lugar.

Si Mangubat ay isang career official ng kagawaran, na nagsimula bilang kaswal labing-isang taon na ang nakararaan. Nakapaglingkod na siya sa embahada ng bansa sa Nigeria, West Africa, England at USA, bago naging regional director sa Region 4. (NANI CORTEZ)

Saturday, November 22, 2008

BEAUTIFICATION NG CITY PLAZA AT MOBILE SOUVENIR SHOP, PREMYONG NATANGGAP NG LUNSOD MULA SA ANILAG 2007

San Pablo City- Naging kapuna-puna sa lahat ng taga-lunsod ang pagpapaganda ng 10 islands sa kahabaan ng Rizal Avenue patungong City Plaza at pagkakaroon ng isang Mobile Souvenir Shop (multi-cab) ang Pamahalaang Lunsod.

Ang landscaping ng city plaza at pagkakaroon ng isang multi-cab bilang isang mobile souvenir shop ay mula sa P500,000.00 worth of projects na premyong natanggap ng lunsod mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna sa pamumuno ni Gob. Teresita Lazaro.

Lubos na pasasalamat namang tinanggap ni Mayor Vicente Amante at City Administrator Loreto Amante ang mga nabanggit na proyekto bilang premyo ng lunsod sa pagiging 3rd place sa float competition nuong nakaraang Anilag 2007.

Ang landscaping ay isinagawa ng Forest Wood Garden na matatagpuan sa Brgy. San Francisco, lunsod na ito. Mahigit sa 7,000 halaman ang itinanim sa may 10 islands na binubuo ng Spada, White Angel, Blodedred, Golden Lily, Pandanus, at Pokien Tea Topiary. Makikita din dito ang 7 Handcarved Woods kung saan nakaukit ang pangalan ng 7 lawa ng lunsod.

Magsisilbi namang isang mobile souvenir shop ang multi-cab kung saan maaaring maglagay at magdisplay ng iba’t-ibang produkto ng lunsod, partikular ang mga coconut products. Ito ay upang makabili naman ng mga pasalubong at mga souvenir items ang mga local at foreign tourists na nabisita sa lunsod. Ang nasabing multi-cab ay under supervision ng City Tourism Office sa ilalim ng pamumuno ni Exec. Asst. at Tourism Officer-in-Charge Edwin Magcase. (CIO-SPC)

ALTERNATIBONG HANAPBUHAY NG LLDA SA LAGUNA

San Pablo City- Inilunsad ni Laguna Lake Development Authority (LLDA) General Manager Edgardo C. Manda ang alternatibong hanapbuhay para matugunan ang suliranin ng mga mangingisda sa pitong lawa ng lunsod na ito sa isinagawang konsultasyon ng nasabing tanggapan kahapon.

Naging bahagi sa naturang konsultasyon ang Tanggapan ni City Mayor Vicente B. Amante, Cenro, Tourism Council, Friends of Seven Lakes Foundation, OSAD, M2K, Farm-C, PNP, AFP at iba’t-iba pang NGO. Ang talakayan ay isinulong ni Arvin Carandang na isang mamamahayag at environmentalist.

Napag-alaman sa talakayan na ang bumababang kalidad ng tubig ang nagiging sanhi ng mahinang ani ng isda sa lawa at nagbuhat sa mga basura ng illegal settlers sa lugar. Dahil dito ay napagkasunduan na magkaroon ng 4 hanggang 5 metrong easement sa mga baybayin kung saan ipagbabawal na pagtayuan ng anumang istraktura.

Habang nilulutas ang suliranin ay sinang-ayunan ni City Administrator Loreto “Amben” Amante ang mungkahi ni Manda na Seven Lakes Diversity Program on Eco-Tourism.

Hinikayat din ni Manda sa mga apektado na samantalahin ang programa ng LLDA ukol sa pagtatanim ng kawayan sa bakanteng bahagi sa gilid ng lawa. Sa ilalim ng programa ay sasanayin ng nasabing ahensya ang mga mangingisda ng tatlong araw upang ituro ang teknolohiya sa pagpapatubo ng kawayan.

Inisa-isa pa ng LLDA general manager ang pakinabang sa kawayan na bukod, sa nakatutulong na sa watershed protection, eco-tourism ay mapagkukunan din ng pagkain at ornamental para karagdagang hanapbuhay.

Sa kasalukuyan ayon pa kay Manda ay hindi matugunan ng LLDA ang demand sa kawayan dahil sa kakulangan nito.

Kabilang sa mga nagsidalo sa pagpupulong sina COP Supt. Joel C.Pernito, Kon. Arsenio Escudero, City Assessor Celerino Barcenas, Atty. Lat, Bobby Chan, Nilo Tirones, dating RTC Judge Bienvenido Reyes, Lerma Prudente, Gene Orence ng 202 BDE, Donna Eseo, mga pangulo at miyembro ng Farm-C sa pitong lawa at iba pang stakeholder na umaasa’t nabubuhay sa biyaya ng lawa. (NANI CORTEZ/Pres. Seven Lakes Press Corps)

Thursday, November 20, 2008

LURAY NA ANG LAWA KO

Maaaring totoo nga na ang kahapon ay hindi na magbabalik pa ngunit ang anino naman nito sa pamamagitan ng gunita gamit ang mapaglarong isipan ay posibleng likhain ang larawan ng lumipas lalo pa’t ang buod ay ibayong kasayahan ng nagdaang kabataan.

Isa sa mga kinagigiliwan ng may-akda ay ang pagbalik-balikan sa alaala ang anyo ng Lawa ng Sampalok noong likas pa ang kanyang ganda, natural sa kung paano nalikha ng Poong Maykapal at ligtas pa sa kapangahasan ng tao. Ang kanyang kaanyuan na may malinis na tubig ay kasiya-siyang pagmasdan, lalo pa’t sa kalagitnaan ng lawa ay hihihip ang hanging amihan na marahang pinahahalik ang kanyang munting alon sa damuhan ng kanyang baybayin.

Sa malayo kung umuulan ay kaiga-igayang panoorin ang bawat butil ng tubig buhat sa alapaap, na parang sabik sa kanyang pagbabalik makaraang dalahin sa itaas sa pamamagitan ng alinsangan. Ramdam ng bawat nakakakita ang pagniniig ng ulan at malinis na tubig ng lawa.

Sa katag-arawan, ang tubig ng Lawang Sampalok ay animo’y kristal na ipinababanaag ang buhangin na kanyang nalililiman. Parang ipinasusukat ang kanyang lalim. Ito ang silbing anyaya sa akin at kapwa batang kalaro na parang himok ng kasiguruhan na ligtas at walang panganib na lumangoy at maligo.

Dahil sa angking ganda ng Sampalok lake ay hinandugan siya ng tao ng Hagdang Bato upang mas maraming makapunta at mamasdan ng malapitan. Ikinalugod ito ng lawa dahil naragdagan ang kanyang kaulayaw. Nagdugtong ito sa kanyang alamat kung kaya’t naging simbolo ang hagdanan ng Lunsod ng San Pablo.

Mas natuwa ang lawa ng ligiran ng daan ang kanyang baybayin. Siya’y naging bukambibig sapagkat lumitaw ang kanyang kariktan, naging pasyalan bawat oras, dinayo at naging libangan hanggang mapansin ng mga tampalasan. Siya’y inalila, inabuso at kinasangkapan sa hanapbuhay. Pinilit niyang makaganap ngunit may hangganan ang lahat.

Ngayong luray na ang aking Lawang Sampalok, tao kailan ka titigil? (SANDY BELARMINO/Baybayin ng Lawang Sampalok, Barangay V-A, Lunsod ng San Pablo)

Wednesday, November 19, 2008

INDEPENDENT SENATE

Bagong yugto ng kabanata ang kakaharapin ng senado ng bansa sa ginawang pagbibitiw sa tungkulin ni Senate President Manny Villar bago pa man maipatupad ang resolusyon ng mayorya ng mga senador na nagdi-deklarang bakante ang nasabing posisyon. Kapagdaka’y nahalal na pangulo ng senado si Senador Juan Ponce-Enrile.

May kaselanan ang posisyon ng panguluhan ng senado dahil dito nakasalalay ang pagpapanatili ng nasabing tanggapan bilang isang institusyong Malaya kung saan bagamat maliit lang ang komposisyon ay nagtataglay ng napakalawak na kapangyarihan. Ito ang pangunahing katungkulan na nakaatang kay bagong Senate President Enrile na malugod niyang tinanggap.

Si Villar sa isang banda, sa kahuli-hulihang sandali ng kanyang panunungkulan bilang pangatlong pinakamataas na lider ng bansa ay nagpamalas ng pagka-maginoo sapagkat tanggap niya ang kalakarang ito sa mataas na kapulungan – ang paghahari ng mayorya.

Kung tutuusin ay hindi ito ang unang rigodon sa kapulungan ng senado na nagsimula pa noong panahon bago pa man ang Commonwealth era. Unang nagsagawa ng reorganisasyon si Senate President Quezon kung saan napatalsik niya sa tungkulin si Senate President Pro-Tempore Sergio Osmeña, Sr.. At sa makabago nating panahon ay ang pagka-kuha sa tungkulin ni Senador Angara buhat kay Senate President Neptali Gonzales, Sr..

Noon hanggang nagyon at sa maraming pagkakataon ay naipamalas ng senado ang katangian sa pagiging indipendyanteng batasan kung saan nananaig ang malayang kaisipan ng bawat senador. Si Senador Miriam Defensor-Santiago bagamat umaming kaalyado ng palasyo ay nagningning sa isinagawang pagsisiyasat ng naturang kapulungan sa P728-milyong Fertilizer scam.

Naipamalas rin ito ni Senate President Jovito Salonga at iba pang mga senador ukol sa isyu ng American Military Bases sa bansa nang salungatin nila ang kahilingan ng palasyo noon, at sa halip ay pinanaig nila ang damdamin sa mataas na kapulungan. Ang senado sa maraming pagkakataon sa mahabang panahon ay nasubok pa ng makailang ulit kung independence ang pag-uusapan.

Change of guard lang na maituturing ang pagkakahalal kay Senate President Enrile sapagkat kilala ang mamang ito sa tibay ng paninindigan katulad ng kanyang ipinamalas na pagkalas sa diktaturyang Marcos, maipaglaban lang ang kanyang prinsipyong kumakatig sa katotohanan. Iisa ang ibig ipakahulugan ng mga bagay na ito – na muling kikilos ang senado upang maging kaalyado ng taumbayan, noon at magpakaylan man. (NANI CORTEZ)

Tuesday, November 18, 2008

SANA'Y IKAW NA NGA

MARAMING HIWAGA, MAHIRAP ARUKIN
AT KABABALAGHAN, SA ATING PANINGIN
MGA PANGYAYARING, DI SUKAT ISIPIN
NGUNIT NAGAGANAP, HINDI MAN GUSTUHIN

NOON AY WINIKA, NG PAHAM AT PANTAS
ANG NGALANG “MAREA”, GAGAWA NG LANDAS
PAMUMUNUAN DAW, SOBERENYA’T BATAS
BILANG PRESIDENTE, NITONG PILIPINAS

ANG UNA’Y SI MARCOS, SUNOD SI AQUINO
RAMOS AT ESTRADA, NGAYO’Y SI ARROYO
HINDI NAGKAMALI, ANG HUMULA NITO
SADYANG NAGANAP NA, ANG LAHAT NG ITO

SAPAGKAT TAPOS NA, ANG NAUNANG LIMA
NA SIYANG KABUUAN, TITIK NA “MAREA”
MAY BAGO NG HULA, SA BAGONG PAG-ASA
JESUS…JOSE… MARIA.., NGALANG PINAG-ISA

AT ITO’Y “JEJOMAR”, NA KANYANG PANGALAN
PUSONG MAKATAO, AT GINTONG ISIPAN
SUBOK NA MATATAG, SA PANININDIGAN
SA PAGKAKAISA, AT PANG-KAUNLARAN

MGA KAHIRAPAN, AY KANYANG TINIIS
SA WASTONG LANDASIN, AY DI NAPALIHIS
NAGSIKAP TUMAYO, NA KANAIS-NAIS
UPANG MAGING LIDER, NA PUSO’Y MALINIS

NGAYO’Y KILALA NA, ANG KANYANG PANGALAN
PANG-APAT SA MUNDONG, “ALKALDE NG BAYAN”
AT SA BUONG ASYA, SIYA ANG NAMBER WAN
ANG MAKATI CITY, LIPOS KAUNLARAN

ANG LUNSOD NA ITO, ANG BUSINESS CAPITAL
NITONG PILIPINAS, BANSA NATING MAHAL
BILANG PILIPINO, LIGAYA NA’T DANGAL
DISIPLINA RITO, PINA-IIRAL

SANA’Y IKAW NA NGA, O, JEJOMAR BINAY
ANG MAGING PANGULONG, AMING KAAGAPAY
BANSANG PILIPINAS, SAYO’Y NAGHIHINTAY
DIYOS ANG BAHALA, SA IYONG TAGUMPAY
(tula ni romy "palasig" evangelista)

GBI SPC CHAPTER NEW SET OF OFFICERS











Nasa larawan ang mga bagong halal na mga opisyales ng Guardians Brotherhood Incorporated (GBI) San Pablo City Chapter na maglilingkuran sa naturang kapatiran para sa taong 2009-2010. Nahalal na pangulo ng GBI SPC Chapter si kapatid Bernie Ramos, Bernie E. Perez, vp for operation; Rene Q. Brion, vp for admin; Loreto Gaurana, secretary at Bro. Victorino Anyayahan, treasurer. Ginanap ang halalan noong nakaraang Linggo, Nobyembre 9. (SANDY BELARMINO)

DYARYO SA TELEBISYON, TATLONG TAON NA

Tatlong taon na ang ating programa sa local cable na DYARYO SA TELEBISYON ngayong buwang ito. Hindi natin namamalayan ang paglipas ng panahon na kahit wala tayong sponsor ay umabot tayo ng ganitong katagal.

Nais nating samantalahin ang pagkakataon upang mag-pasalamat sa kagandahang loob ng TELMARC CABLE TV at CELESTRON CABLE TV na sa loob ng tatlong taon ay nagtiwala sa atin kahit tayo ay masasabing non-revenue generating program.

Thank you din sa ating mga nakapanayam at mga naging panauhin sa palatuntunan, sa ating director at editor na si “Bambu”, sa ating mga cameramen, mga kasamahan sa local na pamamahayag, sa City Information Office, sa pahayagang ito at sa mga matiyagang sumubaybay sa DYARYO SA TELEBISYON. God Bless You and God Bless Everybody!!! (SANDY BELARMINO)

13TH MONTH PAY SA CITY HALL IBINIGAY NA

Natanggap na ng mga government employee partikular sa San Pablo City Hall ang kanilang 13th month pay nang nakaraang linggo, na masasabing tamang-tama sa timing sapagkat higit na marami ang mabibili ng mga tumanggap nito kumpara sa kung malapit na ang kapaskuhan nila matatanggap.

Batay sa karanasan ng mga kawani ay nangangahulugan ito ng maagang pagpaplano sa kung ano-ano ang kanilang bibilihing mga pangangailangan ng kanilang pamilya sa panahon ng Christmas Season. Ilang bagay ang maisasagawa nito. Una marahil ay mas mura pa ang bilihin, maiiwasan ang pakikipag-siksikan at higit sa lahat ay kakayanang makapag-desisyon kung ano talaga ang kanilang higit na kailangan.

Ngayon na halos lahat ay nakararamdam ng hirap dulot ng economic crisis sa buong daigdig ay napakalaking tulong sa mga karaniwang kawani ang pagkakabigay sa tamang panahon ng kanilang 13th month pay. Hindi birong ginhawa ang maidudulot nito sa kanilang pamilya, na talaga naman lahat na ng pagtitiis ay naranasan na.

Kung kaya nga isang napakalaking insulto sa kanila na tuwing kanilang maririnig ang propaganda ng pambansang liderato na aniya’y ramdam na ramdam ang kaunlaran sa kabila ng katotohanang marami ang naghihirap at nagsisikap lamang na makaraos sa dumadaang kahirapan. Ito ang dahilan kung bakit ipinagkaloob ng maaga ng lokal na pamahalaan ang naturang 13th month pay.

Bago sumapit ang kapaskuhan, kung ipahihintulot ng budget ay baka muling makatanggap ang mga empleyado ng City Hall ni Pablo’y ng karagdagang cash bonus, na marahil ay isasabay sa mga kaswal ng lunsod at ito ay kung saka-sakali lamang. (SANDY BELARMINO)

Friday, November 14, 2008

13th MONTH PAY


Maagang ipinagkaloob ng Lunsod ng San Pablo ang 13th month pay ng mga empleyado ng city hall upang umabot ang mga ito sa agarang pangangailangan ng kani-kanilang pamilya para sa kapaskuhan. Sinisikap din ng lokal na pamahalaan na matugunan ang kahilingan ng mga empleyado na magkameron ng kaunting “extra bonus” sa darating na pasko upang kahit paano’y maging malaking tulong ito sa mga naturang manggagawang pampubliko, (SANDY BELARMINO)

JOLLIBEE PUREGOLD BRANCH IN SPC

JollibeeMascot flashes No. 1 sign as it opens its 5th outlet to be located at Puregold along C. Colago Ave.. Officials of said establishment made a courtesy call to San Pablo City Mayor Vicente B. Amante to seek his assistance in their recruitment of personnel. (Seven Lakes Press Corps)

KAMUSTA NA PO MA LARRY?

Si former Vice-Mayor Lauro “Larry” Vidal habang masayang sinasalubong ni City Administrator Loreto “Amben” Amante at City Secretary Rody Laroza noon ito’y bumisita sa dati niyang mga kasamahan sa City Hall ng San Pablo. Magpahanggang ngayon ay todo suporta pa rin si Vice-Mayor Vidal sa mga proyekto at programang isinusulong ng administrasyon ni Mayor Vicente B. Amante. (SANDY BELARMINO)

Wednesday, November 12, 2008

PROBLEMA SA CHEMICAL WASTE, LUTAS NA

San Pablo City - Umaabot na sa tinatayang 300 tonelada ng kemikal at toxic waste ang nahahakot buhat sa ipinasarang treatment plant sapul nang magbaba ng kautusan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) hinggil dito

Ang kautusan ng Pollution Adjudication Board (PAB) ng DENR ay nag-aatas sa mga kompanyang nagtambak ng mga naturang chemical at toxic waste sa compound ng ipinasarang Clean Earth Solution International (CESI) sa Barangay Balanga lunsod na ito na ito’y malipat sa ibang processing plant para sa kaukulang treatment.

Magugunitang umani ng batikos ang PAB buhat sa iba’t-ibang sektor bago ang naturang pagpapasya kung kaya’t umaksyon ng mabilisan si DENR Sec. Lito Atienza upang magkaroon ng agarang kalutasan.

Sabay na nag-akda ng resolusyon ang mga kagawad ng Sangguniang Panlunsod ng San Pablo at si 3rd Dist. Board Member Reynaldo Paras para naman sa Sangguniang Panlalawigan na humiling sa kalihim ng agarang aksyon sanhi ng pangambang baka ito makapinsala sa kalusugan ng mga mamamayan.

Ayon kay PENRO Isidro Mercado ay matatapos ang paghakot ng 900 toneladang kemikal waste sa susunod na buwan kung saan ay sisimulan na nila ang rehabilitasyon ng naturang lugar. (NANI CORTEZ/President-Seven Lakes Press Corps)

Monday, November 10, 2008

PISTODPILA, WALANG LEGAL NA PERSONALIDAD



Inihayag ng Kaisahan ng mga samahan ng magtatraysikel sa Lunsod ng San Pablo,KASAMA-LSP (nasa kaliwang larawan), na walang legal na personalidad ang Pinag-isang Samahan ng Traysikel drayber association sa pitong lawa PISTODPILA (nasa kanang larawan), upang ang mga ito’y maghain ng petisyon sa Sanggunian Panlunsod upang pawalang saysay ang akreditasyon ng KASAMA-LSP sa naturang kapulungan. Madiin na binanggit ng KASAMA-LSP na mula pa noong taoong 2005 ay “revoked” na ang Security & Exchange Commission (SEC) registration at paso na rin ang akreditasyon sa Sangguniang Panlunsod ng PISTODPILA bilang isang legal na samahan. Noong nakaraang biyernes, Nobyembre 7, isinagawa ang Committee Hearing hinggil sa naturang usapin ng 2 grupo ng mga magta-traysikel at ito’y dininig nina Konsehal Dante B. Amante at Leopoldo M. Colago. (SANDY BELARMINO)

Saturday, November 8, 2008

PISTODPILA/PETITIONERS, NO LEGAL PERSONALITY (Accreditation having been revoked by operation of law)

San Pablo City - In a committee hearing on the petition filed by Pinag-isang Samahan ng Traysikel Drayber Association sa Pitong Lawa Inc. (PISTODPILA) represented by its alleged president, Hermis Hernandez, Elvin Leonzon, Virgilio Gesmundo, Rolando Atienza, Cesar de Leon and Edwin Ilagan, before the Sanggunian Panlunsod, the hearing officers composed of City Councilors Dante A. Amante and Leopoldo M. Colago allowed the parties to substantiate their respective stand.

Fernandez initially raised the issue that respondent Kaisahan ng Mga Samahan ng Magtatraysikel sa Lunsod ng San Pablo (KASAMA-LSP Inc.) did not hold election of officers at the same time he questioned the propriety of the accreditation granted by the August Body to the respondent. He also questioned the appearance of Mr. Perfecto a.ka. “Talbos Tubo” Marcelo in the hearing contending that he (Marcelo) is not the President of KASAMA-LSP.

Marcelo produced a document signed by all the officers and notarized by Atty. Esperidion L. Gajitos to prove his legal capacity to represent KASAMA-LSP. The document was read by Councilor Amante for the information and guidance of everybody then allowed Marcelo to speak in behalf of the respondent.

It was alleged that Fernandez has “no legal capacity” to file the petition much more to represent the PISTODPILA considering that up to the present time, all the records of the organizations is still in the name of Cesar Agno. “Si Mr. Hermis Fernandez ay walang legal personality dito”, said Marcelo.

He also pointed out that the accreditation of PISTODPILA at the Securities & Exchange Commission (SEC) and at the Sangguniang Panlunsod had long been deemed revoked by operation of law considering that the same was never renewed since December 1, 2005. These statements of Marcelo were not controverted by the petitioners.

When asked about the issue raised by Fernandez, after the hearing, Marcelo said: “we will file the proper pleading in due time just to comply with the request of Councilor Amante but I am confident that the petition of Fernandez, ET. Al., will not prosper”. (mbe/seven lakes press corps)

Friday, November 7, 2008

DILG-LIGA NG MGA BARANGAY SEMINAR-WORKSHOP

Nang nakaraang buwan ng Setyembre at Oktubre ay ginanap sa One Stop Shop Processing Center ang refresher course para sa 80 barangay dito sa lunsod na ito sa pamamagitan ng DILG San Pablo City Office sa pangunguna ni City Director Herminia Arcelo.

Ang taunang seminar-workshop ay isinasagawa upang higit na matutunan ng mga barangay official ang local governance. Ito ay kadalasang ginagawa sa labas ng lunsod ngunit upang makatugon sa hinihingi ng panahon na dala ng economic crisis na dinaranas ng daigdig ay nag-isip ang pamunuan ng liga na dito na ganapin upang makatipid.

Hindi lamang katipiran ang natamo nito buhat sa pondo ng mga barangay, manapa’y napatunayang mas higit itong epektibo sapagkat halos 100% ng mga barangay official ang nakadalo sa dalawang buwang pagpupulong na ginaganap tuwing Sabado at Linggo. Bukod ditto ay nagagampanan pa ng mga chairmen ang kanilang tungkulin dahil sa nakauuwi sila sa kani-kanilang mga barangay tuwing hapon, at anumang oras ay laging on-call sa mga hindi inaasahang aberya sa kanilang mga barangay.

Ilan lamang ito sa mga pakinabang ng mga barangay na natamo na ayon kay ABC President Gener B. Amante ay naging bonus bukod pa sa kanilang natutunan sa naturang Seminar-Workshop ng DILG. Binabati natin ang DILG at ang Liga ng mga Barangay sa kanilang gawain sapagkat ang halagang kanilang natipid ay mailalaan ng mga barangay sa iba pang pangangailangan na dulot ng dinaranas nating economic crisis. (SANDY BELARMINO)

BENDISYON NG LUNSOD, MAHALAGA SA MGA PRESIDENTIABLE

Dalawang opposition presidentiable ang bumisita sa San Pablo City nang nakaraang lingo. Unang dumating noong Lunes si Senate President Manny Villar upang bumati sa kaarawan ni Mayor Vicente B. Amante, samantalang Miyerkules dumating si Makati City Mayor Jejomar Binay upang lumagda sa sisterhood agreement sa pagitan ng San Pablo at City of Makati.

Kapwa opisyal ang kanilang biyahe pagtungo sa atin ngunit bilang sentro ng mga mamamayang nagtataglay ng malayang kaisipan ay tila humihingi sina Binay at Villar ng bendisyon buhat sa mga San Pableño sa kanilang susuunging larangan. Ang dalawa ay kapwa malapit sa damdamin ni Pangulong Erap, si Binay ay kaylan ma’y hindi umalis sa tabi ng dating pangulo sa kabila ng pang-uusig na siya’y personal na maigupo, samantalang si Villar ay minanok ni Erap bilang senate president.

Masusi nang pinag-aaralan ng mga San Pableño kung sino sa dalawa ang ipangtatapat sa kandidato ng administrasyon sa 2010 presidential election. Sino at kanino kayo papanig? (SANDY BELARMINO)

Thursday, November 6, 2008

USAPIN LABAN SA CLINICAL LABORATORY, ISINAMPA NA SA HUKUMAN

San Pablo City - Dahil sa nakitang probable cause ay isinampa na ng piskalya sa hukuman ang reklamo ng isang senior citizen laban sa isang clinical laboratory na nabigong magkaloob ng discount na lumalabag sa tadhanain ng RA 9257 na nangangalaga sa mga senior citizen.

“Probable cause has been sufficiently established and the defenses raised by respondent are evidentiary in nature and should be ventilated in full blown court trial. Appropriate information shall be filed against the respondent” ayon kay Assistant Regional State Prosecutor Elnora Largo-Nombrado na may pag-sangayon mula kay City Fiscal Dominador A. Leyros.

Ang usapin ay nag-ugat nang si Office of Senior Citizen Affairs (OSCA) Chairman Hilario Cornista ay hindi pinagkalooban ng 20% discount ng DBD Clinical Laboratory sa kabila ng pagpresenta ng ID bilang senior citizen ng lunsod sangayon sa ipinag-uutos ng RA9257 o Expanded Senior Citizens Act.

Minaliit ng piskalya ang katwiran ng respondent na hindi personal na humarap sa kanila ang complainant at sa halip ay kanyang maybahay lamang na may dalang authorization letter buhat kay Cornista. Kalakaran na at ipinahihintulot ng batas ang ganitong sitwasyon sa lahat ng botika sapagkat walang pagbabawal ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng RA 9257 hinggil dito.

Hindi rin binigyang halaga ng piskalya ang katwiran ng respondent na messenger lamang ng klinika ang naka-transaksyon ng complainant sapagkat ito ang tumanggap ng urine sample at nag-isyu ng resibo sa halagang P650.00 na walang discount.

Sinikap na makapanayam ng pahayagang ito ang may-ari ng DBD Clinical Laboratory na si Dolores D. Monzones upang makuha ang kanyang panig ngunit hindi siya natagpuan. (Seven Lakes Press Corps)

CHAMPAGNE, CAKE AND CAMERA


Ipinagtataka ng marami na kapag may kasalang bayan sa lunsod ay sina CIO officer Ito Bigueras at Exec. Asst. Paul Cuadra ang palaging namamahala sa disenyo ng wedding cake at ang pagbubukas ng champagne na palagian ding ikinukober ni mediaman Sandy Belarmino. (seven lakes press corps)

Wednesday, November 5, 2008



WELCOME SENIOR CITIZEN MAYOR VIC AMANTE - Sinalubong ng mag-asawang Mayor Vicente B. Amante at Ginang Nercy S. Amante sa pamamagitan ng isang awitin ang ika-60 taong kaarawan ng pagsilang ng alkalde. Simpleng tanghalian ang inihanda ng mga pinuno ng iba’t-ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan upang maipakita at maipadama ang kanilang pakikisaya at pagbubunyi sa mahalagang araw na ito ni Amante. Ipinahayag ng alkalde na higit pa niyang pag-iibayuhin ang paglilingkod sa kanyang mga nasasakupan lalo na’t ganap na siyang Senior Citizen. (Seven Lakes Press Corps)

MAYOR BINAY, WALANG PAGKALUPIG


Sa hanay ng mga Pilipinong lider ng ating makabagong panahon ay isa si Makati City Mayor Jejomar Binay sa mga hinahangaan ng balana dahil sa naipamalas at ipinakikitang tibay ng paninindigan sa kabila ng hayagang pananakot at pananabotahe ng kanyang mga nakalaban sa pulitika.

Masasabing sa aspeto ng pakikibaka ay laging nangunguna si Binay sa pagtatanggol sa mga nagnanais magpahayag ng kanilang damdamin dahil sa pagsasaalang-alang sa tamang katwiran. Sanhi nito ay ang pagka-irita ng mga nasa kapangyarihan na harapan siyang binabalikan at pinagbabantaan.

Ngunit ni minsan ay hindi natinag si Binay, ipinagtanggol ang katwiran na mas lalong nagpainit sa damdamin ng mga palalong nangaghahawak sa timon ng kapangyarihan. Bumigay na ang maraming lider at nilasap ang biyaya sa ilalim ng mga hunghang subali’t nanatiling nakatayo si Binay na lumalaban, hindi yumuko ni sumuko at hindi nagpalupig sapagkat taglay niya’y kakaibang sandata ng wastong pangangatwiran.

Kung may mga katangian si Binay na naghatid sa kanya sa tugatog na kanyang kinalalagyan sa ngayon, sa loob o sa labas man ng Lunsod ng Makati, ay ito’y ang paninindigang wala pang nagkakalakas na loob na tularan. Simbolo si Binay ng mga taong nanaisin pa na masakripisyo ang sariling kapakanan kaysa kaginhawahang natamo sa pagluhod sa mga imbing nasa kapangyarihan.

Hindi iilang ulit na tinangka ng kanyang kaibayo sa pulitika na pasukuin si Binay subalit ang mga ito’y pawang nangabigo. Mas higit ang nalikha nitong kinang sa pagkatao ng alkalde na umani ng paghanga at paggalang buhat sa masang Pilipino. Para kay Binay ay ginagawa lang niya ang kanyang tungkulin bilang punong lunsod, bilang manananggol at bilang isang taong naniniwala sa pantay na karapatan ng bawat isa.

Dahil sa paniniwalang ito ay kaylan ma’y hindi nagdalawang isip si Binay sa pagkakaloob ng tahanan sa mga mamamayang nais maghayag ng damdamin sa dinaranas at nakikitang kabulukan na ginagawa ng ilang opisyal ng pamahalaan. Marami pang pagbabanta ang ibinigay ng liderato ng bansa, muli’t-muli ay hindi siya natinag at sa halip ay hinayaang manaig ang malayang daloy ng opinyong publiko.

Iisa ang ibig ipakahulugan ng mga bagay na ito. Si Binay ay isang nilikhang hindi para sa kanyang sarili lamang, hindi lang sa Makati, hindi lang para sa oposisyon manapa’y sumasagisag sa tunay na damdamin ng masang Pilipino.(NANI CORTEZ)

BUSINESS SUMMIT sa SM CITY, PINASINAYAAN ni PGMA

Sta. Rosa City - Pinasinayaan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang paglulunsad ng Laguna Business and Investment Expo (LBIX) 2008 sa SM City rito kahapon

Ang LBIX ay nabuo sa pakikipagtulungan nina City Mayor Arlene Arcillas-Nazareno, Gob. Teresita Lazaro at business communities ng lalawigan sa pag-alalay ng maraming sector buhat sa academe. Ito ay may temang “Boundless Possibilities” kung saan ipakikita ang kakayanan at pagka-malikhain ng mga Lagunense sa pagharap sa krisis na dinaranas ng daigdig.

Kapapalooban ang anim na araw na business summit ng business fora, networking session, exhibits at entertainment and cultural events na sumisimbolo sa nakaraang pagsisikap at kaunlarang natamo ng lalawigan na pinapurihan ng pangulo sa kanyang talumpati. Ikinatuwa ni Arroyo ang layunin ng LBIX na papag-isahin ang lahat ng sektor ng industriya, negosyo at academe para sa ikasusulong ng kabuhayan ng mga Lagunense.

Bilang suporta ay tiniyak niyang patuloy ang kanyang administrasyon sa paghimok sa mga foreign investor na maglagak ng puhunan sa 18 industrial estate ng Laguna.

Ang summit ayon kay Mayor Arlene Arcillas-Nazareno ay kapapalooban ng Macro-Micro Situationer, Cooperative Forum, One Town One Product Forum, Tourism and Cultural Forum, Academe-Industry Forum at Laguna Jobs Fair Forum. Itatampok din dito ayon pa sa alkalde ang socio-cultural events para sa mga home grown talents ng probinsiya.

Bukod kay PGMA ay naging bisita rin sa pasinaya sina DTI Sec. Peter Fabila, Rep. Ivy Arago, BM Rey Paras, BM Neil Nocon, PCL President Danny Yang, Provincial Administrator Dennis Lazaro at Provincial Planning Officer Valentin Guidote, Jr.. Magtatapos ang summit sa Nobyembre 9. (NANI CORTEZ)