Wednesday, October 15, 2008

SPCPS, KINILALA NG OCD

Camp Vicente Lim – Dahil sa ipinamamalas na kahandaan sa mga kalamidad at sakunang nagdaraan sa Lunsod ay kinilala ng Office of Civic Defense (OCD) ang kabayanihan ng San Pablo City Police Station sa pagtugon sa mga naturang kagipitan.

Sa seremonyang ginanap dito noong Biyernes ay ipinagkaloob nina OCC Regional Director Vicente E. Tomazar at PRO 4A Chief Supt. Ricardo Padilla bilang Regional Director Coordinating Council (RDCC) Chairman, ang special citation kay SPCPS Chief of Police P/Supt. Joel C. Pernito tanda ng pagpapahalaga sa naturang unit ng pulisya.

Kinilala rin si Atty. Marius Zabat bilang chairman ng City Disaster Coordinating Council (CDCC) ng nasabing lunsod.

Magugunitang mahusay na napangasiwaan ng SPCPS ang epekto ng pagkabagsak ng isang helicopter sa lunsod nang nakaraang taon, naiwasan na may masawi at ang sakuna ay hindi na nakalikha ng sunod, ganoon din ng pagsabog na karaniwang kaakibat ng isang plane crash.

Nitong kasagsagan ng Bagyong Milenyo ay sinuong ng kapulisan ang panganib sa pagtungo sa mga barangay upang umalalay at tumulong sa taumbayan bagama’t ang kanilang himpilan ay isa sa mga nagtamo ng malaking pinsala.

Sa kanyang acceptance speech ay pinasalamatan ni COP Pernito si City Mayor Vicente B. Amante sa suportang ibinibigay sa kapulisan ng lunsod na aniya’y sinusuklian lamang nila ng angkop na paglilingkod sa mga mamamayan. (SEVEN LAKES PRESS CORPS)

No comments: