Monday, October 6, 2008

MGA NAKATATANDANG MAMAMAYAN NG SAN PABLO, PINAKA-AKTIBO SA BUONG BANSA

San Pablo City- Sa nakalipas na flag raising ceremony ng Lunsod na ito ay tahasang ipinahayag ni Mayor Vicente B. Amante na sa ganang kanya ay ang mga senior citizens ng San Pablo ang pinaka-aktibo at higit na nagkakaisang grupo ikumpara sa ibang bayan dito sa ating bansa.

Humigit kumulang sa 500 miyembro at opisyales ng samahan ng mga nakatatanda (PAMANA) ang dumalo sa naturang programa upang patuloy na ipakita at ipadama sa pamunuan ni Amante na ang grupo nila ay hindi magsasawang maging bahagi ng bawat programa at proyektong isinusulong ng lokal na pamahalaan.

“Sa aking nasaksihan sa nakalipas na halos labing-apat na taong panunungkulan bilang punong lunsod ay maituturing kong ang mga senior citizens ng San Pablo ang pinaka-aktibo sa buong bansang Pilipinas. Nakita at nadama ko ang kanilang pagmamahal at pakikiisa sa bawat proyekto at programang isinagawa ng aking administrasyon” ayon kay Amante.

Gaya ng nakasanayan kada araw ng Lunes, ay pinangunahan nina PAMANA President Bening Esquivil at OSCA Head Larry Cornista ang mga nakatatandang mamayan ng lunsod upang ipagdiwang ang Senior Citizens’ Week na itinadhana ng batas upang ipagbunyi at parangalan ang bawa’t 60 anyos pataas na mamamayan ng bansa.

“Hindi magbabago at hindi makakalimot si Mayor Vic Amante at ang ating lokal na pamahalaan sa ginuntuang tulong ng mga senior citizens. Higit pa nating pag-iibayuhin ang paglalaan ng mga programa at proyekto para sa kapakinabangan ng ating mga mahal na nakatatandang mamamayan bilang sukli sa kanilang taos-pusong pag-gabay sa ating pamunuan” pagtatapos ni Amante. (RAMIL BUISER/GERRY FLORES/cio)

No comments: