Los Baños, Laguna (October 12, 2008) - Nagkaroon ng kakampi ang lokal na pamahalaan dito sa isinusulong na Zero Plastic Ordinance sa lahat ng bahay kalakal, tanggapan at pamilihan nang suportahan ni PAGCOR Chairman Ephraim Genuino ang naturang programang pangkalikasan.
Ang ordinansang ipinatutupad ni Mayor Caesar Perez ay naglalayong malimitahan ang pag-gamit ng plastic bilang sisidlan sa mga tindahan sanhi ng nakababahalang epekto nito sa kapaligiran. Iminumungkahi rin ng nasabing ordinansa ang pagbabalik sa paggamit ng supot na yari sa papel.
Ayon sa alkalde ay sa bilyon-bilyong tonelada ng plastic bag na ginagawa sa buong mundo kada taon ay isang porsiento lang dito ang nari-recycle samantalang ang balance ay napapabilang sa mabigat nang non-biogradable waste ng daigdig.
Kaugnay nito ay ipinirisinta ni Perez kay Chairman Genuino ang modelo ng isang plastic Shredder na kanilang binubuo na kapag ganap nang operasyunal ay may kapasidad na gumiling ng tatlong tonelada ng plastic kada isang oras. Kakayanin din nitong pulbusin kahit ang maliliit na wrapper ng mga candy ayon pa sa alkalde.
Ikinatuwa ng Pagcor chairman ang imbesyon at agarang naghayag ng suporta sapagkat higit na mas madali ang pagrecycle sa mga pinulbos na plastic waste na kapag tinunaw na ay pangunahing sangkap sa paggawa ng mga monobloc na mesa, upuan at marami pang kahalintulad na pinag-gagamitan nito.
Ang Los Baños ay una nang kinilala bilang isang huwarang bayan sa larangan ng wastong waste management kung saan ang dating dumpsite na pinangingilagan ay nabihisan na parang parke at ang paligid ay naging kapaki-pakinabang bilang taniman ng mga halaman.
Si Chairman Genuino ay isa sa pangunahing nagtataguyod sa nakatakdang konstruksyon ng bagong municipal hall ng bayang ito. (NANI CORTEZ)
Monday, October 13, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment