San Pablo City - Pagpapaliwanagin ng Sangguniang Panlunsod (SP) dito ang city school superintendent hinggil sa isyu ng balaking paghati sa San Pablo Central School upang likhain ang East at West Elementary School.
Sa resolusyong inihain ni Konsehal Ellen T. Reyes, Chairman ng Committee on Education sa SP, na pinagtibay ng buong sanggunian ay ipinasusumite kay Dr. Ester Lozada, ang Division of City Schools Superintendent ang mga kaukulang dokumento na magbibigay linaw ukol sa isyu.
Nabatid na tumutol si Vice-Mayor Martin A. Ilagan sa nasabing balakin na pinangalawahan ng buong sanggunian, samantalang una nang nagpahayag nang hindi pagsang-ayon ang mga guro, magulang at mag-aaral sampu ng mga nagsipagtapos sa naturang paaralan.
Ayon sa mapagkakatiwalaang ulat na nakalap ng pahayagang ito ay nabuo diumano ang planong paghati sa Central School upang mabigyang puwang ang isang school principal na may malakas na koneksyon sa DepEd kung kaya’t may basbas na ng kagawaran ang dibisyon ng naturang paaralan.
Ang Central School ang unang paaralang publiko na naitatag ng mga amerikano sa lunsod sa panahon ng kanilang pananakop at pangunahing pandayan ng isipan ng mga kilalang personahe na nakapag-ambag ng talino na ikinasulong ng San Pablo at Lalawigan ng Laguna.
Dito rin nagtapos ang ilan sa mga iginagalang nating mga national leader.
Sinikap ng pahayagang ito na kapanayamin si Lozada upang makuha ang kanyang panig ngunit hindi nagkapalad na siya ay makontak. (SANDY BELARMINO)
No comments:
Post a Comment