Friday, October 10, 2008

EAST at WEST ELEMENTARY SCHOOL, PAPALIT SA SPC CENTRAL SCHOOL

Nakatakdang mawala ang sariling identity ng San Pablo City Central School kapag tuluyang magtagumpay ang mga nagsusulong upang ito’y hatiin at gawing dalawang entity bilang San Pablo West at San Pablo East Elementary School.

Tulad ninyo ay inani ng marami nang masamang biro ang balaking ito na tuwirang pagyurak sa kasaysayan ng lunsod. Isang biro na sa hinagap ay walang mag-aakalang may magbabalak man lamang. Subalit seryoso ang mga namamahala sa edukasyon ng mga mag-aaral ng SPC Cenral School at hindi sila nagbibiro na palitan ang nakatitik sa itaas ng dalawang poste sa main gate ng eskwelahan sa may Avenida Rizal na tila baga buong giting na nakatayo upang ipagmalaki ang yaman ng mahabang tradisyon bilang pangunahing pandayan ng mga murang isipan.

Ang paghati sa Central School ay simbolo ng kawalang pakundangan sa kagandahang loob ng mga pamilyang naghandog ng lupaing pinagtayuan ng nasabing paaralan, na ang tanging pagkakamali ay hindi nalagyan ng kolatilya ang likod ng Titulo Torren na ang nasabing donasyon ay para sa San Pablo City Central School lamang!!! Mawawalan ng saysay ang “gesture” ng mga pamilyang ito na hindi man lamang humiling na ang nasabing paaralan ay sa kanila ipangalan.

Bagama’t hindi nagbibiro sina School Supt. Dr, Ester Lozada Et. Al. ay marami ang natatawa, na sa kawalan ng pag-aakalang may darating na ganitong pangyayari ay naiiling na lamang. Kung may sumasang-ayon man ay nakasisigurong malulunod sa sigaw ng pagtutol buhat sa mas higit na dami ng taumbayan. Tutol dito ang mga guro, tutol din ang mga magulang lalo’t higit ang mga alumni at mga kasalukuyang mag-aaral.

Ang lahat ay sumasang-ayon sa pagbabago kung dalisay ang layunin subalit kung kulapol ng kabaliwan ay ewan na lamang. Titindig ang lahat upang ito ay mapayapa at magalang na tutulan, sapagkat may pamantayan ang paglikha ng bagong anyo at ito’y sa pamamaraang wasto’t walang lisya, kapakipakinabang sa marami’t hindi sa iilan at kayang humarap sa pagsubok upang hindi yumuko magpakailan man.

Sobrang liit ng bakuran ng San Pablo City Central School kumpara sa ating kapanahunan, ang mga institusyong yumayabong ay umaatikha ng bagong paaralan upang mapagtayuan ng mga kinakailangang edepisyo subalit nandito tayo at lilikha ng paghahati-hati. Posibleng lagyan ng bakod upang ang nasa gawing Silangan ay tawaging East samantalang ang nasa Kanluran ay kilanling West. Ano ito? Lions and Rotary?

Lakip ang angkop na paggalang at pagpapahalaga sa sinumang nagbigay ng ganitong panukala, kayo po ay nagkakamali. Dobleng pagyukod bilang pitagan kina Dr. Ester Lozada Et. Al., ilan po sa inyo ang nagtapos sa San Pablo City Central School? (SANDY BELARMINO/School Year ’70-‘71/SAN PABLO CITY CENTRAL SCHOOL)

No comments: