Friday, October 31, 2008

PRIDE OF SAN PABLO CITY SCIENCE HIGH SCHOOL

Si Sandy Marie D. Belarmino (kaliwa) at Geri Mae A. Tolentino (kanan) kapwa 4th year student ng San Pablo City Science High School (SPCSHS) ay muling nag-uwi ng karangalan para sa kanilang paaralan matapos na mamayani sa katatapos lamang na DepEd Regional Schools Enviromental Camp (RSEC) na ginanap sa Siniloan, Laguna noong Oktubre 29-31, 2008. Si Belarmino ang nagkamit ng ikalwang karangalan sa Filipino essay writing contest, samantalang si Tolentino naman ang nakakuha ng unang karangalan sa English Essay Writing. (PEDRITO BIGUERAS)

TOLENTINO AT BELARMINO NG SPCSHS, NAMAYANI SA DEPED RSEC

Siniloan, Laguna - Nakamit ng San Pablo City Science High School ang unang karangalan sa essay writing (English) at ikalawang karangalan (Filipino) sa ginanap na Regional Science Environmental Camp (RSEC) sa bayang ito.

Sa temang GLOBAL PROTECTION AND CONSERVATION FOR MOTHER EARTH (Ingatan si Inang Kalikasan para sa masaganang kabuhayan ngayon at sa kinabukasan) ay napagwagian ni Geri Mae A. Tolentino ang unang karangalan sa English Essay Writing Contest, samantalang si Sandy Marie D. Belarmino naman ang nakakuha ng ikalawang karangalan sa Filipino essay writing.

Nagbuhat sa mga lalawigan at lunsod ng Region 4A (CALABARZON) ang mga mag-aaral na nagsilahok sa naturang timpalak paligsahan sa pagsulat ng sanaysay at tanging ang Lunsod ng San Pablo ang mayroon pinakamaliit na delegasyon ikumpara sa mahigit na isang daang kalahok ng iba’t-ibang lalawigan at lunsod ng rehiyon.

Naunang napanalunan nina Tolentino at Belarmino ang unang karangalan sa essay writing contest ng San Pablo City Division of Public and Private Schools noong nakaraang Oktubre 15, 2008 kung kaya’t ang nabanggit na mga 4th year student ng San Pablo City Science High School ang awtomatikong naging opisyal na kalahok sa tatlong araw na RSEC (Oct. 29-31) na itinataguyod ng DepEd Region 4A.

Lubos ang naging kasiyahan ni San Pablo City Mayor Vicente B. Amante ng makarating sa kanya ang balitang pagkapanalo ng mga mag-aaral ng SPCSHS: “Ito na marahil ang pinaka-magandang regalong natanggap para sa aking kaarawan nitong nakaraang Oktubre 27. Namumunga na ang bisyon at misyon ng ating lokal na pamahalaan sapagkat ng ipinatayo ng inyong lingkod ang SPCSHS ay nakatuon lang ito para sa pagpapalawak ng karunungan sa agham at makabagong teknolohiya subalit pati ang pagsibol ng magagaling na manunulat ay dito rin pala magmumula” wika ni Amante.

Si Bb. Helen A. Ramos (Education Supervisor I of Secondary Science) ang Officer-In-Charge ng SPCSHS samantalang ang tumatayong mga coach/trainor sa nagwaging sina Tolentino at Belarmino ay si Bb. Venus B. Endozo at Rosette P. Hernandez. (RAMIL BUISER/spc-cio)

Thursday, October 30, 2008

KASIGLAHAN TODO BIGAY

Sa ika-apat na pagkakataon ay matagumpay na nairaos ang taunang Kasiglahan Todo Bigay Year 4 na proyekto ng Liga ng mga Barangay sa pangunguna ni ABC President Gener B. Amante sa tulong ng mga barangay chairmen at ng Seven Lakes Press Corps sampu ng marami pang naniniwala sa kahalagahan ng naturang proyekto.

Kapansin-pansin ang nakagugulat na ipinakitang kakayanan ng bawat contestant sa timpalak awitan ng Original Pilipino Music (OPM) ng mga kalahok na hindi mo aakalaing sila ay amateur kundi mga professional singers na. Malaki ika nga ang ipinagbago sapul nang simulan ni Pangulong Gener ang proyekto, sa paglitaw ng maraming mahuhusay na talents buhat sa mga barangay.

Ito naman talaga ang nilalayon ni Pangulo kung kaya’t nalikha niya ang konsepto, apat na taon na ang nakararaan, sa kapakanan ng mga hidden talents sa bawat sulok ng lunsod, na talaga namang pinaglalaanan niya ng pagsasakripisyo bawat taon upang maitaguyod lamang. Wika nya’y tatlo o apat na buwang sweldo ang kanyang inilalaan kada taon upang ito ay maisulong.

Ikinatuwa ni Pangulong Gene rang husay ng bawat talent na sa elimination pa lang ay nahirapan na ang mga hurado sa pagpili ng mga papasok sa qualifying round. At sa mga hindi pinalad, sa maniwala kayo’t sa hindi, ay sila pa ang unang nakapag-uwi ng kanilang premyo.

May pangako si ABC President na sa susunod na taon daw kung loloobin ng Poong Maykapal ay mas higit na Kasiglahan Todo Bigay ang ihahandog ng Liga ng mga Barangay.(SANDY BELARMINO)

MGA OCTOBERIAN SA BJMP DISTRICT JAIL

Noong nakaraang lingo ay nagkaroon ng graduation ang mga nagsipagtapos ng elementarya at sekondarya sa loob ng San Pablo City District Jail na pinamumunuan ni Jail Warden J/S Insp. Arvin Abastillas.

Wala pong eskwelahan sa loob ng maliit na compound ng BJMP sapagkat ang mga mag-aaral na nagsipagtapos ay ang mga inmates na binigyan pagkakataong makapag-aral sa loob mismo ng piitan sa pamamagitan ng Alternative Learning System (ALS) kada Sabado at Linggo. Recognized po ito ng DepEd, katunayan ay isa sa mga nakapagtapos ay personal na kinausap ni Sec. Jesli Lapuz.

Proyekto ito nina City Warden Arvin Abastillas, BJMP Jail Administrator J/Supt Randel Latoza, BJMP Regional Director Norvel Mingoa at BJMP Director General Dial sa pakikipagtulungan ng ALS, DepEd at ng Tanggapan ni City Administrator Loreto “Amben” Amante. (SANDY BELARMINO)

Wednesday, October 29, 2008

SAN PABLO AND MAKATI CITY SISTERHOOD



Isinagawa nina San Pablo City Mayor Vicente B. Amante at Mayor Jejomar Binay ng Makati City ang paglagda sa isang City Sisterhood Agreement upang higit pang mapalawak ang ugnayan at pagkakaisa ng dalawang lunsod. Kapwa nagpahayag ng paghanga sa matagumpay na pamumuno sa kani-kanilang lunsod sina Amante at Binay at nangakong higit pang paiigtingin ang ugnayan ng San Pablo at Makati City. (SANDY BELARMINO)

KASIGLAHAN TODO BIGAY YEAR 4

Nasa larawan si media man Sandy Belarmino habang kasama ang mga finalists ng Singing Contest ng Kasiglahan Todo Bigay Year 4. Ang programang ito ay handog ng Liga ng mga Barangay sa pangunguna ni ABC Pres. Gener B. Amante na nagtaguyod nito sa nakalipas na apat na taon. (NANI CORTEZ/Pres. Seven Lakes Press Corps)

Tuesday, October 28, 2008

ALS GRADUATES NG BJMP KINILALA NG DEPED

San Pablo City - Pinagtibay ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ang 39 inmates na nagsipagtapos ng elementarya at sekondarya sa district jail ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa palatuntunan ng pagtatapos na ginanap dito kamakailan.

Sa temang Edukasyon, Susi sa Pagbabagong Buhay, ang mga bilanggong nagsipagtapos ay sinanay ng BJMP Region 4A sa ilalim ng Alternative Learning System (ALS) ng DepEd kung saan pito ang naka-kumpleto ng leksyon sa elementarya samantalang 32 ang nakatapos ng sekondaryang edukasyon.

Ayon kay District Jail Warden J/S Insp. Arvin Abastillas ay isinagawa ang pagtuturo sa mga araw ng Sabado at Linggo ng mga ALS mobile teacher na sina Marita Sanchez, Mirasol Balagtas at Catalino Pornobi, Jr..

Isa sa mga nagsipagtapos, si Michael Peralta ang pinahintulutan ni BJMP Provincial Supervisor J/Supt. Randell Latoza na makatungo sa tanggapan ni DepEd Secretary Jesli Lapuz para sa simbolikong pagkilala.

Si City Administrator Amben Amante ang panauhing pandangal sa isinagawang graduation rites sa compound ng naturang piitan na sinaksihan nina Division of City School Superintendent Dr. Formintilla at Dr. Miguela Marasigan ng ALS.

Kaalinsabay nito ay napagkalooban din ng katunayan ng kasanayan sa kursong reflexology ang 42 inmates na kanilang magagamit sa paghahanapbuhay sa panahon ng paglaya. Ang programa ay isinusulong ng BJMP 4A sa ilalim ni J/S Supt. Norvel Mingoa sa tagabulin ni BJMP Director General Dial. (SEVEN LAKES PRESS CORPS)

Friday, October 24, 2008

HAPPY BIRTHDAY MAYOR

Ngayong araw na ito, Oktubre 27, ay payak na ipagdiriwang sa City Hall Compound ang araw ng pagsilang ni Mayor Vicente B. Amante, kung saan inaasahang dudumugin ng maraming San Pableño at mga well-wishers upang siya ay mabati.

Ganitong petsa ilang dekada lang ang nakararaan ng ipinanganak ang isang batang lalaki sa lunsod na ito na nakatakdang mamuno sa atin, na sa halip lasapin na lamang ang angkop na kapangyarihan ay piniling magpaalipin sa taumbayan upang maging isang huwarang public servant. Ika nga’y mas nais niya ang katagang BORN TO SERVE THAN BORN TO LEAD.

Ito ang destiny ng batang si Vicente na wala mang mag-aakala sa maaaring marating ay nakaabot sa tugatog ng tagumpay, sapagkat hindi biro ang hirap na kanyang pinagdaanang mga pagsubok na pawang kanyang napagtagumpayan. Kasunod nito ay blessings na hindi niya ipinagdamot na ipamahagi sa mga nanngangailangan.

Sino ba ang mag-aakalang ang isang batang karsada na tulad ni Mayor Amante noong siya’y isang jeepney driver pa ay makakagalugad sa malayong lakbayin sa labas ng rutang kanyang ginagalawan. Marahil ay wala sapagka’t ang lahat ng bagay ay nangyayari kung ito ang nakatakda.

Nang matamo na ang sapat na tibay sa naranasang pakikibaka ay kapalaran na rin ang nagturo sa kanya na magtayo ng talyer ng jeep body building, at mula noon ay nagpatuloy na sa paglalakbay upang sa dako pa roon ay magampanan ang hamon ng isang misyon bilang lingkod bayan.

Ganoon pa man ay hindi ito naging madali. Lalong tinandis ng kabiguan ang kanyang hangaring makapaglingkod at ito’y sa tamang panahon na hindi nagluwat ay naipagkaloob din ayon sa atas na itinakda sa kanyang palad.

Naging punong lunsod si Vicente Amante sa loob ng limang (5) sunod-sunod na terminong kaloob ng kanyang mga kababayan. Malakas pa rin ang indikasyon sanhi ng malaking suporta at buong-buo pang tiwala ng taumbayan sa kanyang liderato na may pang-anim na termino ang sa kanya’y naghihintay.

Sa ngalan ng Seven Lakes Press Corps, at sa bumubuo ng pahayagang ito kasama na ang pitak na ito ay nais naming magpasalamat sa iyo Mayor Amante sa ibinibigay mong matapat na paglilingkod. At higit sa lahat ay Maligayang Kaarawan sa iyo and May You Have Many More Birthdays To Come. (SANDY BELARMINO-VP-Seven Lakes Press Corps)

STAKEHOLDERS INK MOU TO SAVE SILANG-SANTA ROSA RIVER


Aiming to ensure sustainable and equitable use and management of the freshwater resources in the Santa Rosa sub-watershed and enjoin all concerned stakeholders to support the implementation of an integrated watershed management plan, stakeholders signed a Memorandum of Understanding in Canyon Woods, Laurel, Batangas last October 23, 2008.

In the agreement, stakeholders declare and agree to "formally strengthen collaboration and complementarity" of their support and assistance to the further development and implementation of the Integrated Water Resources Management in the Santa Rosa sub-watershed.

Stakeholders are to develop a water management framework, land use and zoning plan, market-based instrument that will ensure sustainable use of freshwater resources to help sustain the sub-watershed. They are also to formulate guidelines for the development of project taking into consideration freshwater carrying capacities and ecological impacts.

In line with this, they are expected to conduct surveys, studies and/or assessments contributing to the development of information base for integrated water resources management. They are to exchange information, maps, documentary outputs produced under their respective programs and develop new projects to carry out the objectives of the memorandum.

The said memorandum of agreement is a collaboration between the River Basin LGUs composed of the City of Santa Rosa, the Municipalities of Biñan and Cabuyao in Laguna, the Municipality of Silang, Cavite, the Provincial Government of Laguna, the Laguna Lake Development Authority, the Save Silang-Santa Rosa River Basin Council and the Kabang Kalikasan ng Pilipinas Foundation, Inc.

They are to participate and contribute to the activities being develop under the existing memorandum of understanding, using available resources to their current programs.

Specifically, KKP shall support the conduct of research, planning and awareness raising activities subject to the availability of resources until 2010. LLDA will support in the capacity-building, information sharing, policy making and other activities on the watershed while the provincial government will support the full implementation of the watershed management plan.

The River Basin LGUs are to update ecological maps and profiles, and their Comprehensive Land and Water Use Plans. They commit their respective City/Municipality Planning and Development Office, Environmental and Natural Resources Office, Engineering Office, Education/Environment Committee and representatives from their barangays to do research, validation and planning activities.

This MOU will be in effect until December 31, 2010. (CIO/STA. ROSA CITY)

Sunday, October 19, 2008

ISULONG ANG TURISMO


Si PAGCOR Chairman Efraim Genuino (nasa gitna), Los Baños Mayor Caesar Perez, Laguna ABC Federation President Floro Esguerra at mga pangulo ng Liga ng mga Barangay sa Lalawigan ng Laguna ng magsagawa ng pagpupulong ukol sa turismo ng bansa na ginanap sa bayan ng Los Baños. (NANI CORT

LAGUNA, PINAGHANDA SA PAG-ANGAT NG TURISMO

Los Baños - Nananawagan si PAGCOR Chairman Efraim C. Genuino sa bawat pangulo ng Liga ng mga Barangay ng mga bayan sa lalawigang ito na maging handa sa nakatakdang pag-angat ng industriya ng turismo sa bansa.

Sa pagpupulong ng liga na isinagawa ni Mayor Caesar Perez dito kamakailan ay naging panauhing tagapagsalita si Chairman Genuino kung saan tinalakay ng PAGCOR Chairman ang napipintong simula ng konstruksyon ng Entertainment City sa reklamasyon ng Manila Bay sa darating na Enero 2009.

Aniya’y ito ang magpapabilis sa pag-usad ng turismo sa bansa sapagka’t ang $15-bilyong dolyar na proyekto ay kapapalooban ng mga luxury hotels, restaurants, shopping malls, convention centers, theaters, cultural centers, sport stadium, museum, amusement parks, residential villages at observation tower na pinakamataas sa buong daigdig.

Pribadong pondo ang gagamitin sa proyekto kung saan ang bawat investor ay nakapaglagak na ng tig- $100-milyong dolyar na show money sa pamahalaan.

Dalawang kahilingan lang ang binigyang diin ni Genuino kina Laguna ABC Federation President Floro Esguerra at kanyang mga kasamahan - ang siguruhin ang pananatili ng peace and order at ang pagyamanin ang natural wonder ng kanikanilang bayan sapagkat ang lalawigan ang unang makikinabang sa pagdagsa ng turista.

Ngayon pa lang payo pa ng PAGCOR Chairman sa mga ABC president ay isaayos na ang dapat ayusin. “Show these tourists what your town can offer” pagwawakas pa ni Ginuino. (NANI CORTEZ)

Saturday, October 18, 2008

DENR at TOYOTA, NAGSANIB PARA SA KAPALIGIRAN

Sta. Rosa City - Nagsanib pwersa ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Toyota Auto Parts Philippines, Inc. (TAP) sa inilunsad na programa upang mapalaganap ang kaalaman ukol sa pangangalaga ng kapaligiran.

Ang DENR sa pamamagitan ng National Solid Waste Management Commission (NSWMC) at TAP ay lumagda na sa isang kasunduang sasanayin ang mga mag-aaral sa 64 na paaralan ng lalawigang ito sa Training the Trainors Course kung saan ang mga magtatapos ang siyang magsasanay sa kanilang mga kapwa mag-aaral.

Nang nakalipas na taon ay matagumpay na naisakatuparan ng TAP sa 15 paaralan ang school based solid waste management program sa lunsod na ito at ayon kay TAP Administrator Matsuyuki Fujihara ay malaki ang maitutulong ng DENR upang ito’y higit na mapag-ibayo mula planning stage hanggang implementasyon.

Sa ilalim ng kasunduan ay bibigyan ng DENR ang TAP ng tulong teknikal sa pagsasagawa ng Trainors Training sa Ecological Solid Waste Management (ESWM) sa mga piling mag-aaral buhat sa mga eskwelahang tutukuyin ng TAP.

Nasa tadhanain ng RA 9003 o Solid Waste Management Act ang paghimok sa mga commercial at industrial establishment na mag-isip, makiisa at mag-ambag ng nararapat sa solid waste management sa komunidad para makamit ang epektibong pangangasiwa ng basura.

Sina DENR Sec. Lito Atienza, NSWMC Director Atty. Zoilo Andin at Matsuyuki Fujihara ng TAP ang mga nagsi-lagda sa naturang kasunduan. (NANI CORTEZ)

49 ANYOS LAMANG

Makulay ang linggong ito para sa Lunsod ng San Pablo na kapapalooban ng maraming aktibidades ng iba’t-ibang departamento ng lokal na pamahalaan. Magiging hitik ng paglilingkod sa ngalan ng serbisyo publiko ang bawat kagawaran ng lunsod.

Massive ang idaraos na medical mission na kung baga ay masisipag na ang mga taga City Health Office ay pag-iibayuhin pa nila ang kasipagan sa linggong ito. Ang feeding program ng City Population Office ay ganoon din ang gagawin sa bawat barangay ng San Pablo.

May nakahanda na ring mga gawain ang City Social Welfare and Development Office mula bukas na magpapatuloy hanggang sa kabilang linggo, busy ang lahat ng departamento sa isasagawang kasalang bayan sa Oktubre 23 at malaking Jobs Fair kinabukasan Oktubre 24. Ang lahat ay nakasisigurong magiging abala sa mga petsang nabanggit.

Kinagabihan ng Biyernes ay matutunghayan ng mga San Pableño ang pinanabikang Kasiglahan Todo Bigay na programa ng Liga ng mga Barangay sa kagandahang loob ni ABC President Gener B. Amante at sa pakikipagtulungan ng Seven Lakes Press Corps. Ito ay tatlong gabing paligsahan sa pag-awit mula Oct. 24 hanggang Oct. 26 araw ng Linggo.

Naglalakihan ang premyong naghihintay sa mga magwawagi sa dalawang kategorya na 15 years old below at 16 years old above. Lahat ng ito ay handog sa kaarawan ng ama ng lunsod na si Mayor Vicente B. Amante sa araw ng Lunes Oktubre 27.

Hindi naman pahuhuli ang ating mga senior citizens sapagkat tila ba ay ngayon pa lang ay nagkakasiyahan na parang bukod sa birthday ng alkalde ay may iba pang ipinagdiriwang. Walang humpay ang gagawin nilang sayawan bilang handog pagpapasaya.

May naulinigan ang pitak na ito na kaya aktibo ang mga senior citizens at masayang-masaya ay diumano’y dahil bilang welcome party sa punong lunsod sa kanilang samahan, na ito nama’y mahigpit na tinututulan ni Kagawad Kawad sapagkat si MAYOR VIC AMANTE ay 49 ANYOS LAMANG!!! HAPPY BIRTHDAY PO MAYOR VICENTE B. AMANTE (Sandy Belarmino)

Friday, October 17, 2008

SCHOOL SUPERINTENDENT IPATATAWAG NG SP

San Pablo City - Pagpapaliwanagin ng Sangguniang Panlunsod (SP) dito ang city school superintendent hinggil sa isyu ng balaking paghati sa San Pablo Central School upang likhain ang East at West Elementary School.

Sa resolusyong inihain ni Konsehal Ellen T. Reyes, Chairman ng Committee on Education sa SP, na pinagtibay ng buong sanggunian ay ipinasusumite kay Dr. Ester Lozada, ang Division of City Schools Superintendent ang mga kaukulang dokumento na magbibigay linaw ukol sa isyu.

Nabatid na tumutol si Vice-Mayor Martin A. Ilagan sa nasabing balakin na pinangalawahan ng buong sanggunian, samantalang una nang nagpahayag nang hindi pagsang-ayon ang mga guro, magulang at mag-aaral sampu ng mga nagsipagtapos sa naturang paaralan.

Ayon sa mapagkakatiwalaang ulat na nakalap ng pahayagang ito ay nabuo diumano ang planong paghati sa Central School upang mabigyang puwang ang isang school principal na may malakas na koneksyon sa DepEd kung kaya’t may basbas na ng kagawaran ang dibisyon ng naturang paaralan.

Ang Central School ang unang paaralang publiko na naitatag ng mga amerikano sa lunsod sa panahon ng kanilang pananakop at pangunahing pandayan ng isipan ng mga kilalang personahe na nakapag-ambag ng talino na ikinasulong ng San Pablo at Lalawigan ng Laguna.

Dito rin nagtapos ang ilan sa mga iginagalang nating mga national leader.

Sinikap ng pahayagang ito na kapanayamin si Lozada upang makuha ang kanyang panig ngunit hindi nagkapalad na siya ay makontak. (SANDY BELARMINO)

MGA KOOPERATIBA NG SPC, LALAHOK SA 1ST LAGUNA BUSINESS & INVESTMENT EXPO 2008


San Pablo City - Kaugnay sa ipinagdiriwang na Cooperative Month na may temang “Cooperatives Breaking Through Barriers and Beyond” ay sa ilalim ng pakikiisa at pagtataguyod nina Punong Lunsod Vicente B. Amante at OIC-City Cooperative Officer Concepcion “Beth” M. Biglete ay sa kauna-unahang pagkakataon ay lalahok ang mga kooperatiba ng lunsod na ito sa gaganaping 1st LAGUNA BUSINESS & INVESTMENT EXPO 2008 na sisimulan sa Nobyembre 5, SM Sta. Rosa Activity Center, Santa Rosa City.

Hangarin ng naturang Exposition na maipakita at maipakilala sa buong mundo ang mga produkto ng ating lunsod at ng kalakhang Lalawigan ng Laguna at makalikha na rin ng networking and linkages na kailangan ng mga negosyanteng taga-Laguna upang lalo pang mapasigla ang kalakalan sa bahaging ito ng kapuluan.

Isa sa mga kooperatibang lalahok ay ang Coco Natur Overseas Filipinos Worldwide and Producers Cooperative na pinamumunuan ni Bb. Estrella Dizon-Añonuevo. Samantala’y magtatayo rin ang mga ito ng libreng booth sa SM Sta. Rosa upang ipakilala ang ipinagmamalaking mga produktong gawa mula sa sangkap ng niyog, tulad ng sabong-pampaligo, lotion at massage oil na nagtataglay ng pambihirang kabanguhan at banayad sa balat ng gumagamit.

Naniniwala sina Amante at Biglete na malaki ang papel na gagampanan ng mga kooperatibang lalahok sapagkat maiibsan ng kanilang pakikiisa ang nararanasang dagok ng pandaigdigang krisis sa ekonomiya. (JONATHAN ANINGALAN/CIO-SPC)

Wednesday, October 15, 2008

BIGYAN PAGKAKATAON ANG KALIKASAN

Kahit matindi ang lakas ng ulan ay hindi natinag ang mula anim hanggang pitong libong katao na binubuo ng mga propesyunal, manggagawa at karamihang mag-aaral sa idinaos na Yakap sa Law noong Biyernes. Ito ay nangangahulugan lamang na marami ang naniniwalang ang lahat ay dapat kumilos alang-alang sa kalikasan.

May mga nagsasabing aabot sana sa sampung libo ang pariticipant kung hindi bumuhos ang ulan mula madaling araw hanggang sa buong maghapon. Ang ibang mag-aaral partikular ang mga nasa elementarya ay hindi na pinaalis ng mga guro sa paaralan sa payo na rin ng kani-kanilang mga magulang.

Natuloy ang simbolikong kapit-bisig sa Amante Stadium ng Central School sa kabila ng langitngit ng ulan. Kay aya sanang pagmasdan kung sa gilid mismo ng Sampalok Lake ito naganap kung ipinahintulot lamang ng panahon, magkaganoon man ay nakamit din ng Yakap sa Lawa ang banal nitong layunin.

Napag-isa nito ang maraming sektor ng lipunan tungo sa iisang paniniwala na kinakailangan nang tumayo at manindigan ang lahat para sa kapaligiran at para sa kalikasan. Sumasaludo ang pitak na ito sa mga nagtaguyod ng proyektong ito, sa mga NGO, samahang sibiko at Pamahalaang Lunsod ng San Pablo. Si Arvin Carandang ang nakipagtalastasan sa lahat upang itoy ganap na maging tagumpay.

Sa darating na Oktubre 22-24 ay magdaraos naman ng seminar-workshop ang Tanggol Kalikasan para sa mga media practitioners ng Camarines Sur, Batangas at Laguna sa Nawawalang Paraiso sa Lunsod ng Tayabas. Ito ay sa ilalim ng kanilang Wetlands Conservation Program at itataguyod ng Ecosystem Grant Program ng bansang The Netherlands.

Iisa ang ibig sabihin ng mga ito, na samakatuwid ay iisa rin ang mensahe. Lubhang malala na ang suliranin natin sa aspeto ng kapaligiran kung kaya’t nararapat nang mabatid ng lahat upang hindi man direktang makatulong ay hindi na makadagdag pa sa bumibigat na problemang pang-kalikasan.

Kay tagal nang inaabuso ng tao ang kapaligiran at kinakailangan nang malaman kung ano ang dapat at hindi nararapat gawin upang ang mga ito’y mahinto na.

May kaselanan na ang sitwasyon na dapat nang bigyan ng pansin. Kailangan na ang pagbabago ng pananaw ng bawat isa bago mahuli ang lahat. Bigyan natin ng pagkakataon ang kalikasan. (NANI CORTEZ)

SPCPS, KINILALA NG OCD

Camp Vicente Lim – Dahil sa ipinamamalas na kahandaan sa mga kalamidad at sakunang nagdaraan sa Lunsod ay kinilala ng Office of Civic Defense (OCD) ang kabayanihan ng San Pablo City Police Station sa pagtugon sa mga naturang kagipitan.

Sa seremonyang ginanap dito noong Biyernes ay ipinagkaloob nina OCC Regional Director Vicente E. Tomazar at PRO 4A Chief Supt. Ricardo Padilla bilang Regional Director Coordinating Council (RDCC) Chairman, ang special citation kay SPCPS Chief of Police P/Supt. Joel C. Pernito tanda ng pagpapahalaga sa naturang unit ng pulisya.

Kinilala rin si Atty. Marius Zabat bilang chairman ng City Disaster Coordinating Council (CDCC) ng nasabing lunsod.

Magugunitang mahusay na napangasiwaan ng SPCPS ang epekto ng pagkabagsak ng isang helicopter sa lunsod nang nakaraang taon, naiwasan na may masawi at ang sakuna ay hindi na nakalikha ng sunod, ganoon din ng pagsabog na karaniwang kaakibat ng isang plane crash.

Nitong kasagsagan ng Bagyong Milenyo ay sinuong ng kapulisan ang panganib sa pagtungo sa mga barangay upang umalalay at tumulong sa taumbayan bagama’t ang kanilang himpilan ay isa sa mga nagtamo ng malaking pinsala.

Sa kanyang acceptance speech ay pinasalamatan ni COP Pernito si City Mayor Vicente B. Amante sa suportang ibinibigay sa kapulisan ng lunsod na aniya’y sinusuklian lamang nila ng angkop na paglilingkod sa mga mamamayan. (SEVEN LAKES PRESS CORPS)

Monday, October 13, 2008

IMBESYONG PLASTIC SHREDDER, SUSUPORTAHAN NG PAGCOR

Los Baños, Laguna (October 12, 2008) - Nagkaroon ng kakampi ang lokal na pamahalaan dito sa isinusulong na Zero Plastic Ordinance sa lahat ng bahay kalakal, tanggapan at pamilihan nang suportahan ni PAGCOR Chairman Ephraim Genuino ang naturang programang pangkalikasan.

Ang ordinansang ipinatutupad ni Mayor Caesar Perez ay naglalayong malimitahan ang pag-gamit ng plastic bilang sisidlan sa mga tindahan sanhi ng nakababahalang epekto nito sa kapaligiran. Iminumungkahi rin ng nasabing ordinansa ang pagbabalik sa paggamit ng supot na yari sa papel.

Ayon sa alkalde ay sa bilyon-bilyong tonelada ng plastic bag na ginagawa sa buong mundo kada taon ay isang porsiento lang dito ang nari-recycle samantalang ang balance ay napapabilang sa mabigat nang non-biogradable waste ng daigdig.

Kaugnay nito ay ipinirisinta ni Perez kay Chairman Genuino ang modelo ng isang plastic Shredder na kanilang binubuo na kapag ganap nang operasyunal ay may kapasidad na gumiling ng tatlong tonelada ng plastic kada isang oras. Kakayanin din nitong pulbusin kahit ang maliliit na wrapper ng mga candy ayon pa sa alkalde.

Ikinatuwa ng Pagcor chairman ang imbesyon at agarang naghayag ng suporta sapagkat higit na mas madali ang pagrecycle sa mga pinulbos na plastic waste na kapag tinunaw na ay pangunahing sangkap sa paggawa ng mga monobloc na mesa, upuan at marami pang kahalintulad na pinag-gagamitan nito.

Ang Los Baños ay una nang kinilala bilang isang huwarang bayan sa larangan ng wastong waste management kung saan ang dating dumpsite na pinangingilagan ay nabihisan na parang parke at ang paligid ay naging kapaki-pakinabang bilang taniman ng mga halaman.

Si Chairman Genuino ay isa sa pangunahing nagtataguyod sa nakatakdang konstruksyon ng bagong municipal hall ng bayang ito. (NANI CORTEZ)

RECALL sa MAYOR NG CABUYAO, LAGUNA, SASAGUTIN

Cabuyao, Laguna (Oct. 11, 2008) – Handa na ang Tanggapan ng Alkalde ng bayang ito na sagutin ang isyu kaugnay sa nakaumang na recall laban sa punong bayan upang patunayan kung sino ang higit na paniniwalaan ng mga mamamayan.

Sinabi ni Roberto Manzanares, executive assistant ni Mayor Isidro Hemedez Jr. na mahina ang complain na loss of confidence na isinampa sa COMELEC ng mga nagsusulong ng recall laban sa alkalde, na ni hindi makatatayo sa hukuman, ganoon pa man aniya ay sumasailalim sila sa normal na prosesong ipinasusunod ng COMELEC.

Magugunitang naglabas ng memorandum si Bartolome J. Sinocruz Jr., Deputy Director for Operation ng COMELEC na may petsang Setyembre 26, 2008 kay Cabuyao Election Officer Evelyn Parayan na ang isinampang Petition for Recall ay may basehan batay sa Minute Resolution No. 08-0950 na may petsang Setyembre 16, 2008.

Ang nasabing resolusyon ay sa rekomendasyon nina Commissioners Rene V. Sarmiento, Nicodemo Ferrer at Lucenilo Tagle na bumubuo ng COMELEC en banc for Luzon.


Kaugnay nito ay agarang tinugon ng alkalde ang naturang memorandum sa pamamagitan ng paghahain ng mosyon na kasalukuyan pang pinag-aaralan ng COMELEC. (NANI CORTEZ, Pres. Seven Lakes Press Corps)

Friday, October 10, 2008

EAST at WEST ELEMENTARY SCHOOL, PAPALIT SA SPC CENTRAL SCHOOL

Nakatakdang mawala ang sariling identity ng San Pablo City Central School kapag tuluyang magtagumpay ang mga nagsusulong upang ito’y hatiin at gawing dalawang entity bilang San Pablo West at San Pablo East Elementary School.

Tulad ninyo ay inani ng marami nang masamang biro ang balaking ito na tuwirang pagyurak sa kasaysayan ng lunsod. Isang biro na sa hinagap ay walang mag-aakalang may magbabalak man lamang. Subalit seryoso ang mga namamahala sa edukasyon ng mga mag-aaral ng SPC Cenral School at hindi sila nagbibiro na palitan ang nakatitik sa itaas ng dalawang poste sa main gate ng eskwelahan sa may Avenida Rizal na tila baga buong giting na nakatayo upang ipagmalaki ang yaman ng mahabang tradisyon bilang pangunahing pandayan ng mga murang isipan.

Ang paghati sa Central School ay simbolo ng kawalang pakundangan sa kagandahang loob ng mga pamilyang naghandog ng lupaing pinagtayuan ng nasabing paaralan, na ang tanging pagkakamali ay hindi nalagyan ng kolatilya ang likod ng Titulo Torren na ang nasabing donasyon ay para sa San Pablo City Central School lamang!!! Mawawalan ng saysay ang “gesture” ng mga pamilyang ito na hindi man lamang humiling na ang nasabing paaralan ay sa kanila ipangalan.

Bagama’t hindi nagbibiro sina School Supt. Dr, Ester Lozada Et. Al. ay marami ang natatawa, na sa kawalan ng pag-aakalang may darating na ganitong pangyayari ay naiiling na lamang. Kung may sumasang-ayon man ay nakasisigurong malulunod sa sigaw ng pagtutol buhat sa mas higit na dami ng taumbayan. Tutol dito ang mga guro, tutol din ang mga magulang lalo’t higit ang mga alumni at mga kasalukuyang mag-aaral.

Ang lahat ay sumasang-ayon sa pagbabago kung dalisay ang layunin subalit kung kulapol ng kabaliwan ay ewan na lamang. Titindig ang lahat upang ito ay mapayapa at magalang na tutulan, sapagkat may pamantayan ang paglikha ng bagong anyo at ito’y sa pamamaraang wasto’t walang lisya, kapakipakinabang sa marami’t hindi sa iilan at kayang humarap sa pagsubok upang hindi yumuko magpakailan man.

Sobrang liit ng bakuran ng San Pablo City Central School kumpara sa ating kapanahunan, ang mga institusyong yumayabong ay umaatikha ng bagong paaralan upang mapagtayuan ng mga kinakailangang edepisyo subalit nandito tayo at lilikha ng paghahati-hati. Posibleng lagyan ng bakod upang ang nasa gawing Silangan ay tawaging East samantalang ang nasa Kanluran ay kilanling West. Ano ito? Lions and Rotary?

Lakip ang angkop na paggalang at pagpapahalaga sa sinumang nagbigay ng ganitong panukala, kayo po ay nagkakamali. Dobleng pagyukod bilang pitagan kina Dr. Ester Lozada Et. Al., ilan po sa inyo ang nagtapos sa San Pablo City Central School? (SANDY BELARMINO/School Year ’70-‘71/SAN PABLO CITY CENTRAL SCHOOL)

KASIGLAHAN TODO BIGAY YR. 4, AARANKADA NA

San Pablo City - Aarangkada na ang ika-4 na Kasiglahan Todo Bigay ng Liga ng mga Barangay mula bukas sa pamamagitan ng isasagawang pag-a-audition ng mga nais lumahok sa paligsahan ng pag-awit sa lunsod na ito.

Bukas sa lahat ng taal na residente ng bawat barangay ng lunsod, ang pagtuklas sa natatagong talino sa larangan ng pag-awit ay nahahati sa dalawang kategorya batay sa edad ng kalahok, ang under 15 years old at over 16 years old.

Araw-araw ang gagawing audition sa tanggapan ni ABC President Gener B. Amante, 5th Floor ng New City Hall Building tuwing ala-una hanggang ala-singko ng hapon (hanapin lang sina Ms. Helen Sandoval o dili kaya’y si G. Sandy Belarmino). Ang audition ay hanggang Oktubre 21 lamang, at sisimulan ang eliminasyon sa aktwal na paligsahan sa Oktubre 24-25, samantalang ang finals ay sa Oktubre 26.

Ayon kay Fiscal Florante “Ante” Gonzales, over-all coordinator ng Kasiglahan Todo Bigay ay may malaking gantimpalang naghihintay sa mga magwawagi, P10,000 sa first prize samantalang P5,000, P3,000, P2,000 at P1,000 sa second, third, fourth at fifth prizes sang-ayon sa pagkakasunod-sunod.

Ang kasayahang ito ay itinataguyod ng Liga ng mga Barangay sa pakikipag-tulungan ng Seven Lakes Press Corps bilang pakikiisa at handog sa mga programa at proyekto ni Mayor Vicente B. Amante at sa kanyang nalalapit na kaarawan sa Oktubre 27.

Pinaaalalahanan ang mga nais lumahok na magdala ng kanilang sariling tagalog CD sa panahon ng audition. (RAMIL BUISER)

Thursday, October 9, 2008

KAPASIYAHAN NG SANTA ROSA SP, PINAGDUDUDAHAN

STA ROSA City, Laguna - - - Nagsisimula nang pagdudahan ang tunay na layunin sa pagkakapasa ng Kapasiyahan Blg. 174-2008 sa Sangunaing Panglungsod (SP) dito na pinagtibay noong Hulyo 7, 2008 sanhi ng kakulangan ng kaukulang konsultasyon.

Ang kapasiyahan na inakda ni Kon. Jose Cartaño ay humihiling kay Mayor Arlene Arcillas-Nazareno na atasan ang himpilan ng pulisya na ipiatigil ang pagpapahimpil ng Jam Liner sa parking area ng Jolibee sa Sta Rosa Commercial Complex,Barangay Balibago lungsod na ito.

Batay sa mga dokumentong nakalap ng pahayagng ito ay una ng nagkaroon ng Contract of Lease ang Jam Liner at Jolibee sa paggamit ng parking space sa harapan ng naturang establisimyento na kapwa sa kapakinabangan ng dalawang pribadong kumpanya sampu ng kanilang mga kostumer at commuters.

Kinuwestyon ni Jehu Sebastian, Pangulo ng Jam Liner ang SP sa tunay na pakay ng kapasiyahan -174-208 na ayon sa kanya ay tahasang nanghihimasok sa private contract na kinasasangkutan ng pribadong pag-aari. Idinugtong pa ni Sebastian na ni minsan ay hindi sila naipatawag ng SP gayong sila ang party of interest sa naturang kapasiyahan.

Kaugnay nito ay magsasagawa ng imbestigasyon si Konsehal Ronald Ian De Guzman, Chairman ng Committee on Transportation sa pamamagitan ng pagrepaso sa minutes of proceedings ng naturang kapasiyahan upang alamin kung paano ito nakalusot sa SP.

Si De Guzman ay hindi nakadalo nang pagtibayin ang kapasiyahan samantalang hindi naman natuloy noong Lunes ang sesyon dahil may sakit si Vice Mayor Alipon bukod sa kawalan ng korum.

Samantala,isang barker ng Jam Liner ang inaresto ng mga tauhan ni Balibago Chairman Rodrigo Malapitan noong Biyernes gamit ang bisa ng kapasiyahan 174-2008.Ayon kay Isaias Patapat Vice President ng kumpanya,ay nakapiit pa ang barker habang sinusulat ng balitang ito.

Dahil tanging ang Jam Liner lang ang ginigipit ay pinag-aaralan ng kumpanya ang paghaharap ng reklamo laban kay Malapitan. (NANI CORTEZ/pres. 7LPC)

Monday, October 6, 2008

MGA NAKATATANDANG MAMAMAYAN NG SAN PABLO, PINAKA-AKTIBO SA BUONG BANSA

San Pablo City- Sa nakalipas na flag raising ceremony ng Lunsod na ito ay tahasang ipinahayag ni Mayor Vicente B. Amante na sa ganang kanya ay ang mga senior citizens ng San Pablo ang pinaka-aktibo at higit na nagkakaisang grupo ikumpara sa ibang bayan dito sa ating bansa.

Humigit kumulang sa 500 miyembro at opisyales ng samahan ng mga nakatatanda (PAMANA) ang dumalo sa naturang programa upang patuloy na ipakita at ipadama sa pamunuan ni Amante na ang grupo nila ay hindi magsasawang maging bahagi ng bawat programa at proyektong isinusulong ng lokal na pamahalaan.

“Sa aking nasaksihan sa nakalipas na halos labing-apat na taong panunungkulan bilang punong lunsod ay maituturing kong ang mga senior citizens ng San Pablo ang pinaka-aktibo sa buong bansang Pilipinas. Nakita at nadama ko ang kanilang pagmamahal at pakikiisa sa bawat proyekto at programang isinagawa ng aking administrasyon” ayon kay Amante.

Gaya ng nakasanayan kada araw ng Lunes, ay pinangunahan nina PAMANA President Bening Esquivil at OSCA Head Larry Cornista ang mga nakatatandang mamayan ng lunsod upang ipagdiwang ang Senior Citizens’ Week na itinadhana ng batas upang ipagbunyi at parangalan ang bawa’t 60 anyos pataas na mamamayan ng bansa.

“Hindi magbabago at hindi makakalimot si Mayor Vic Amante at ang ating lokal na pamahalaan sa ginuntuang tulong ng mga senior citizens. Higit pa nating pag-iibayuhin ang paglalaan ng mga programa at proyekto para sa kapakinabangan ng ating mga mahal na nakatatandang mamamayan bilang sukli sa kanilang taos-pusong pag-gabay sa ating pamunuan” pagtatapos ni Amante. (RAMIL BUISER/GERRY FLORES/cio)

AMBEN S. AMANTE CAMPUS JOURNALISM LECTURES

Nakapagsanay na ng humigit kumulang na 500 kabataan buhat sa elementarya at mataas na paaralan ang AMBEN S. AMANTE CAMPUS JOURNALISM LECTURE SERIES sa humigit kumulang na dalawang buwan nitong pag-ikot sa mga eskwelahan ng Lunsod ng San Pablo.

Sa tulong ni City Administrator Loreto “Amben” Amante ay nagabayan ang mga kabataang ito sa wastong pakikipagtalastasan partikular sa praktikal na pagsulat ng mga lathalain na kakailanganin ng mga mag-aaral habang sumusuong sa papataas na lebel ng kanilang pagtuklas ng karunungan.

Naniniwala ang pitak na ito na ang kaalamang natamo ng mga kabataang ito ay magiging kapaki-pakinabang hanggang sila ay maging mga propesyunal sapagka anuman ang kanilang kaharaping larangan ay palaging kaakibat ang aspeto ng komunikasyon.

Ang lecture series ay tumatalakay ng mga kaparaanan sa wastong pagsulat ng mga artikulong komposisyon na karaniwan nating nababasa sa mga pahayagan, na talagang dinisenyo upang mas madaling maunawaan at matutunan.

Sinasaklaw nito ang kabiguan ng maraming aklat na pahaphaw lamang na tumatalakay sa pag-akda ng isang komposisyon na madalas kaysa hindi ay naglalaman lang ng kung ano ang dipinisyon ng isang panulat. Wika nga’y the AMBEN’S AMANTE LECTURE SERIES not only tells you what and why but it also shows you how to write any form of composition.

Ito ang unang pagtataguyod ni City admin at sa mga susunod pang mga panahon ay umaasa tayo na higit pa itong lalawak upang mas marami pang kabataan ang matutulungan.

Ang proyektong ito ay naisakatuparan ng Heral Group of Publications at Seven Lakes Press Corps at ilang kaibigang naniniwala sa isinusulong ng pitak na ito.

Ngayon pa lang ay marami na tayong nakikitang mga positibong resulta na dala ng munting kursong ito. Ang mga bagay na ito ay nakapagbibigay inspirasyon sa atin upang patuloy na magsaliksik nang sa ganoon ay higit itong mapagbuti, sa kapakinabangan nng ating mga kabataan.(NANI CORTEZ)

Saturday, October 4, 2008

FATHER'S ROLE IN THE FAMILY, DISCUSSED IN ESSAY WRITING CONTEST


Sandy Marie B. Belarmino (left) with San Pablo City Science High School OIC Helen A. Ramos. (Photo courtesy of Jonathan Aningalan/CIO san Pablo city)

San Pablo City - Sandy Marie B. Belarmino, a fourth year student at the San Pablo City Science High School emerged as the first place winner in the essay writing contest coordinated by the City Population Office to help celebrate this year National Family Week. The theme is “Fathers and Families. Responsibilities and Challenges, Maabilidad si Dad.” She received a token cash reward of P2,000 provided by Mayor Vicente B. Amante.

Other winners are Peejeh P. Sahagun of Laguna College, second plance and received P1,500-cash reward, and Eric Mae M. Batralo of Santo Angel National High School, third place and received P1,000-cash reward.

The contest was participated by 12 fourth high school students representing 12 institutions providing secondary education in the City of San Pablo.

City Administrator Loreto S. Amante said they opted to sponsor an essay writing contest, because Mayor Vicente B. Amante believes that essay writing contest is a good medium to train the capability to express the feeling and sentiments of the young high school students on any particular subject or theme. It will also help enhance exemplary adherence towards English proficiency, to help achieve the dreams of many to be globally competitive as workers in communication industry, as well as in cultural inter-actions.

Just like the poster-making contest, which is a form of visual arts, Amante hope that the essay writing contest had helped encourage the youth in uplifting their proficiency level in communication arts, that would help them prepares to meet the rigors of college and the academic demands specific to the program to which they intend to purse higher education. (CIO/Pedrito D. Bigueras)

VILLAFLOR, TANINGCO AT EXCONDE 2008 HUWARANG AMA

San Pablo City- Hinirang sina G. Virgilio Villaflor (1st) ng Brgy. Bagong Bayan, G. Ruben Taningco (2nd) ng Mabini St. at G. Arcadio Exconde (3rd) ng Brgy. Sta. Catalina, bilang mga “Huwarang Ama” para taong 2008 kaugnay ng Family Week Celebration sa pangunguna ng Family Advocates at sa ilalim ng pagtataguyod ni Mayor Vicente Amante, sa isang simpleng palatuntunang ginanap noong Sept. 27, 2008, Latter Day Saints Hall, Mabini Extn., lunsod na ito.

Ang tatlong amang nabanggit ay nahirang mula sa 13 finalists na binubuo nina Rodelo Gapaz ng Brgy. Concepcion, Alexander Baldovino ng Brgy. San Buenaventura, Apolinario Malabanan ng Brgy. Sta. Ma. Magdalena, Crisanto Belen, Sebastian Areglado at Elpidio Siangko ng Brgy. San Mateo, Elpidio Magtibay ng Brgy. San Vicente, Rigoberto Gandia Sr. at Wilfredo Guia ng Brgy. Concepcio at Juanito Alidio ng Brgy. II-C.

Tumanggap ng cash prizes ang mga nagwagi ng P2,000, P1,500 at P1,000 mula sa Lokal na Pamahalaan.

Ang paghirang ay ibinatay sa mga criteria na Dakilang Ama (40%) na may mabuting puso at tapat sa asawa, walang ibang kinakasama, matiyaga at may matatag na hanapbuhay, kahit di nakatapos sa mataas na paaralan, hindi sugarol at lasenggo at di naging hadlang ang kahirapan upang mapaaral ang mga anak; Samahang Mag-anak (40%) na may maayos na relasyon sa asawa at anak at ibang kasambahay, maka-Diyos, anak ay di nasangkot sa anumang kaguluhan sa komunidad, nakatapos ng kurso ang mga anak at may sapat na panahon sa pamilya; at may pakikiisa sa komunidad (2%) na di naging problema sa komunidad, miyembro ng samahan, handang tumulong/dumamay sa kapwa at humigit kumulang na 10 taon ng naninirahan sa kanilang barangay. (CIO/SPC)

.

SPCSHS NUMBER ONE

Nabubuo na ang larawan sa unti-unting paglitaw ng imahe na kaylan lang ay isang pananaw upang malikha’t matatag ang San Pablo City Science High School (SPCSHS).

Masasabing bata pa sa kanyang ika-4 na taong pagkakatatag nang makalipas na buwan ay naipamalas na ng SPCSHS ang dapat patunayan. Nagbunga na ang pagsisikap ng mga guro at tagapangasiwa ng paaralang ito, ganoon din ng mga mag-aaral sapagkat sa kabila ng murang gulang ay nalampasan nila ang lahat ng higit sa inaasahan.

Bilang pandayan ng mataas na kaisipan ay naiagapay ng SPCSHS na maihanay ang kanyang pangalan hindi lamang dito sa San Pablo manapa’y sa kabuuan ng Timog Katagalugan at maging sa buong bansa. Nagkaroon ito ng sariling puwang sa kalipunan ng mga institusyong pangkarunungan.

Hindi pa man umaabot sa kalaghatian ng school year ay sari-sari ng karangalan ang nakamit ng SPCSHS. Kinilala ang paaralang ito bilang isa sa mga nangunguna sa larangan ng aptitude test sa buong Calabarzon, na nangangahulugan lamang na naaayon sa wastong tadhanain ang pamamaraan ng kanyang pagpapalaganap ng karunungan.

Ang pangyayaring ito ay isang malaking hamon sa lahat, mula sa kanyang mga faculty, sa mga mag-aaral lalo’t higit ay sa kanilang mga magulang, sapagkat mas higit na madali ang pagtahak ng landas ng pagka-dakila ayon sa kasabihan. Ang mahirap ay ang pagpapanatili sa pagiging dakila ayon pa rin sa naturang kasabihan.

Ano pa’t kung may hamon, asahan nating kasunod nito’y ang mga pananagutan. Ito ang dapat banghayin. Sa tagapangasiwa at mga guro ng SPCSHS ay wala tayong mahihiling pa sapagka’t saksi tayo sa kanilang walang hangganang pagsisikap upang matanghal ang naturang paaralan sa hanay ng mga kinikilala at iginagalang.

Sa mga mag-aaral, ang hamon ay payak lang – ang tugunin ang pagsisikap ng kanilang paaralan, at sa mga magulang ay ibayo pang pang-unawa. Tandaan sana ng lahat na sa pagpapakasakit lang matutunton ang tunay na landasin tungo sa adhikaing maging Number One ang SPCSHS. (sandy belarmino)

Thursday, October 2, 2008

PNP-PROVINCIAL DIRECTOR VISITS SAN PABLO

Part of establishing close coordination among local government officials Laguna PD P/S Supt. Manolito Labador made courtesy call to San Pablo City Mayor Vicente B. Amante yesterday. Also in the photo is SPC COP P/Supt. Joel C. Pernito. (NANI CORTEZ, President, Seven Lakes Press Corps)

Wednesday, October 1, 2008

BIR REGION 9 HAS NEW DIRECTOR

San Pablo City - The Bureau of Internal Revenue (BIR) Region 9, the biggest outside Metro Manila has new Regional Director (RD) effective September 16, 2008.

RD Jaime Santiago replaced Ms. Cely Francisco who was transferred to Tacloban City.

Without much funfare RD Santiago silently assumed his official function, a humble trademark of a career executive of the bureau like him.

He started as ordinary personnel with the rank of tax examiner, in his native place of Cebu City which marked the beginning of his long association with BIR now spanning more than 30 years.

BIR Region 9 is composed of ten Revenue District offices (RDO) located in Southern Tagalog Provinces of Laguna, Batangas, Cavite, Quezon that also includes two Mindoros and Palawan. This area is specifically reserved to a more capable senior official of the bureau. The new regional director was OIC-Asst. Commissioner on Tax Compliance Division prior his latest assignment.

The exigencies of the situation like the need to study the collection figures of the region, four of his RDO’s are relatively new and even considering there’s only a quarter left for the current taxable year explained the absence of formal turnover on his new position upon assumption.

This early, RD Santiago is focusing on tax information campaign to persuade tax payers to pay more, the bottom line of which is to increase voluntary compliance among tax payers in the region.(NANI CORTEZ)