Tuesday, March 25, 2008



SAN PABLEÑO… ART D. BRION, NATALAGA SA KORTE SUPREMA

San Pablo City –

Pormal nang nanumpa bilang associate justice ng Korte Suprema si dating Labor Secretary Arturo D. Brion sa harap ni Punong Mahistrado Reynaldo Puno kamakailan, na hahalili sa nabakanteng pwesto na iniwan ng nag-retirong si Justice Angelina Sandoval-Gutierrez.

Ang pagkakatalaga kay Brion ay sa bisa ng rekomendasyon ng Judicial and Bar Council na tuwinang pinangungunahan ng dating kalihim noon pa mang associate justice pa siya ng Court of Appeals at batay na rin sa lawak ng kanyang kaalaman sa batas.

Nag-aral si Brion sa Ateneo de Manila at bar topnotcher sa gradong 91.65% noong 1974. isa siyang matagumpay na manananggol noong mapansin at akitin sa public service ng yumaong Senador Blas Ople. Nahalal si Brion bilang assemblyman ng Laguna sa regular na Batasang Pambansa.

May kasanayan si Justice Brion sa mga labor laws ng bansa at mga alituntunin sa Foreign Service, kung saan nakapag-akda siya ng maraming aklat ukol dito na ipinatutupad at sinusunod pa hanggang ngayon ng mga nasabing kagawaran.

Si Justice Brion ay tubong San Pablo City. Ang kanyang mga magulang ay sina Judge Edon Brion at Laura Dizon na kapwa iginagalang na angkan ng naturang lunsod. Naging kolumnista ang bagong associate justice ng mga local na pahayagan, kabilang na ang Herald Publications, noong kanyang kabataan.

Bukas palad na tinanggap ng mga legal luminary ang pagkakatalaga kay Brion kabilang na ang mga kritiko ng administrasyon dahil sa kanyang angking kakayanan at track record sa larangan ng serbisyo publiko. (NANI CORTEZ-Pres. 7LPC)

No comments: