Tuesday, March 25, 2008
CONGRESSMAN EGAY, HINDI KA NA NAG-IISA
Kung may kaugnayan man o paano maididikit ang pagdinig ng senado sa nabigong kontrata ng National Broadband Network at ZTE Corporation ng Tsina sa Lalawigan ng Laguna ay walang pinakamalapit na pagkaka-ugnay kung hindi ang impeachment complaint laban kay PGMA na inindorso ni Cong. Egay San Luis ng ika-4 na purok ng lalawigan.
Sari-saring paratang ang ipinukol kay San Luis nang dahil dito. Mahina raw na nakipagpaligsahan lang upang masamantala ang deadline sa probisyon ng impeachment sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, isang pagkukunwari upang bigyang proteksyon ang pangulo at masakit pa ay ang maparatangang pakawala ng Malakanyang. Ngunit nagkamali ang lahat at ang mga kasalukuyang kaganapan ang naglilinis ng kanyang pangalan.
Isang bindikasyon ito para kay San Luis sapagkat kung ano ang kanyang ipinaglalaban noon ay siya ring lumilitaw sa ngayon – ang paghahanap ng katotohanan. Hindi naging makatwiran ang maraming mambabatas nang hayaan siyang nag-iisa sa laban, na kung kanila lang isinaalang-alang ay hindi sana natin sasapitin ang kaparehong kalituhan na ating nararanasan ngayon.
Ang malalakas na sigaw ngayon na nagnanais malaman ang katotohanan ay iisa at pares lang ng munting tinig niya noon na kapwa may parehong pakay. Ang tatlong pahinang impeachment complaint na kanyang isinulong ay kasing halaga rin ng reklamong Plunder Charges laban sa pangulo na isinampa ni dating Senate President Jovito Salonga at Kilos Bayan.
Ang agam-agam ng ilang kongresista ngayon ay alalahanin na ni San Luis noon at ang mga katanungang namumutawi buhat sa mga senador sa ginagawang pagdinig ng senado ay matagal na niyang katanungang hindi pinagbigyang pagkakataon na magkaroon ng kasagutan. Sayang ang panahon dahil nanaig ang kasinungalingan, na matagumpay na naikubli ng pagsasawalang bahala ng kongreso.
Saan man tayo humantong, ano man ang ating patutunguhan at kailan natin matatamo ang linaw sa ating mga hinala ay mga katanungan ding naghihintay ng kasagutan. Hindi sana natin daranasin ang kainip-inip na katotohanan, ang dahan-dahang paglinis upang alisin ang putik na kumulapol dito at ang panganib na nakaamba upang tuluyan na itong mailantad. Totoong hindi sana, kung hindi natin hinayaang si Egay San Luis ay nag-iisa. (SANDY BELARMINO)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment