Sunday, March 30, 2008





“HUWAG MAWALAN NG PAG-ASA,” – SEN. LOREN LEGARDA

San Pablo City – Pinayuhan ni Senadora Loren Legarda ang 728 nagsipagtapos sa Dalubhasaan ng Lunsod ng San Pablo (DLSP) na huwag panghinaan ng loob sa lumulubhang kalagayan ng bansa sapagkat may kapareho ring kalagayan nang siya ay nagtapos noong 1981, sa mensaheng kanyang ipinaabot sa ika-8 commencement exercises ng nasabing kolehiyo.

Ang national mood noong panahon ng martial law ay katulad ng nararamdaman ng bansa sa ngayon ngunit hindi dapat ikabahala at inamuki ang mga nagsipagtapos na huwag mawawalan ng pag-asa.

Ayon kay Legarda ay sa hirap na dinaranas ng bansa ay may ilang hindi nakatatapos ng elementarya, sumasahol pa sa high school ngunit sa pagtataguyod ni Mayor Vicente B. Amante ay nalulunasan ang suliranin sa pamamagitan ng mga City High School Annexes sa iba’t-ibang barangay.

Pinasalamatan rin ng senador si Amante sa pagkakatatag ng DLSP para sa mga mahihirap na mag-aaral ng lunsod dahil ito aniya’y nakatutugon sa pagkauhaw ng mga kabataan sa karunungan.

Hiniling ni Legarda sa mga nagsipagtapos na palakasin ang kanilang character. Nilinaw niya na hindi lang talino ang kailangan kundi pati sipag at disiplina. Bale wala aniya ang personalidad kung wala ang character sapagkat ang humuhubog dito ay values at kagandahang asal.

Kaugnay nito ay inialay ni Sen. Legarda sa mga magsisipagtapos ang kanyang mga naiakdang batas tulad ng Public Employment Service Office (PESO) para sa mga maghahanap ng trabaho, Countryside Barangay Business Enterprises (CBBE) sa mga nagnanais pumasok sa negosyo at law on Small and Medium Enterprises (SME) sa pangangailangan ng kapital. (NANI CORTEZ)

No comments: