Friday, September 4, 2009

300 KATAO DUMALO SA SOFT BLESSING NG CHO EXTENSION SA BRGY. SAN JOSE

San Pablo City- Mayroon humigit kumulang na 300 katao ang dumalo at nakiisa sa isinagawang soft blessing ng City Health Office Extension sa pangunguna ni Mayor Vicente Amante at Dr. Job Brion, City Health Officer, nuong Agosto 28, 2009 ganap na ika-10 n.u. sa San Pablo City General Hospital Compound, Brgy. San Jose “Malamig”.

Pinamunuan ni Rev. Fr. Melchor Barcenas ang pagbabasbas ng CHO Extension na dinaluhan din ni P/Supt Raul Bargamento, Chief of Police at Councilors Gener Amante, Dante Amante, Gel Adriano, Angie Yang at Pamboy Lopez. Nakiisa rin si Atty. Hizon Arago, mga Punongbarangay at iba pang Barangay Officials, Department at Asst. Dept. Heads at ilang kawani ng Lokal at Nasyonal na Pamahalaan, Mediamen, DLSP Family at ilang pang mga panauhin.

Lubos naman ang pasasalamat ni Dr. Job Brion kay Mayor Amante sapagkat mayroon na silang mas malaki at maayos na lugar kung saan mas maraming pasyente at mga mamamayan ng lunsod ang mabibigyan ng agaran at magandang serbisyong medikal.

Ayon naman kay Mayor Vicente Amante ang bagong gusaling ito ay isang kaganapan ng kanyang ipinangako sa kanyang mga kababayan na pag-ibayuhin ang serbisyo sa larangan ng kalusugan. Dagdag pa niya na sa sandaling maging operasyonal na ang SPC General Hospital ay marami pang mamamayan lalong-lalo na ang mga mahihirap ang mabebenepisyuhan nito. Kaya naman labis ang kanyang pasasalamat sa lahat ng tumulong upang magkakaroon ng tunay na kaganapan ang kanyang mga proyekto para sa lahat ng taga-lunsod.

Sa pagwawakas naman ng maikling programa ay pinasalamatan din ni Coun. Angie Yang ang punonglunsod sa kanyang mga magagandang proyekto para sa lunsod. Nanawagan din siya sa lahat ng mga dumalo na patuloy na makiisa at tumulong sa iba pang programa ng punonglunsod. (CIO-SPC)

No comments: