Wednesday, December 22, 2010

PROGRAMA AT PROYEKTO SA SUSUNOD NA TAON, NAKAHANAY NA

San Pablo City – Inihanay na ng Tanggapan ni Laguna Third District Congresswoman Maria Evita Arago ang mga nakatakdang gawaing ipatutupad sa buong distrito sa pagpasok ng bagong taong 2011.

Napag-alamang kapwa binigyang diin ni Rep. Arago ang legislative duty sa kongreso at constituency work sa nasasakupang anim na bayan at isang lunsod na bumubuo sa ikatlong purok ng lalawigan.

Isa sa mga pinagtutuunan ng pansin ng mambabatas ay ang kanyang panukalang mabalik sa lunsod na ito ang pamamahala ng tanyag na pitong lawa na kinabibilangan ng Sampalok Lake,Bunot Lake, Palakpakin Lake, Yambo Lake, Pandin Lake, Calibato Lake at Mohicap Lake mula sa hurisdiksyon ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) upang higit itong mapangalagaan.

Pinagsisikapan rin ng mambabatas ma kilanlin ng pambansang pamahalaan ang sampung barangay high school tungo sa pagiging national high school upang maiwasan ang suliranin sa kakulangan ng pondo na sanhi sa paghina ng kalidad ng edukasyon sa bansa.

Isa rin sa maraming nakatala sa legislative agenda ni Cong. Ivy ay ang pagsusulong ng Magna Karta para sa mga barangay tanod para mapangalagaan at mabigyan ng angkop na proteksyon ang nasabing sektor na ang paglilingkod sa kanayunan ay hindi matatawaran. Ang ilan pa sa mga panukalang batas na isinusulong ng mambabatas ay may kinalaman sa kalusugan, edukasyon at peace and order.

Samantala ay ipinabatid ni Rep. Arago sa pahayagang ito na magpapatuloy ang kanyang Peoples’ Day tuwing Lunes upang direktang dinggin ang mga suliranin ng kanyang mga constituents na nais iparating sa pamahalaan, na kadalasang sa lebel pa lang ng kongresista ay nabibigyan na ng solusyon.

Nabatid na mas paiigtingin ng mambabatas ang pagsasagawa ng mga medical mission sa dalawa hanggang apat na barangay kada linggo, ganoon din ang jobs fair, TESDA scholarship, livelihood seminars at iba pang gawaing ang mabibiyayaan ay ang mga dahop na pamilya sa ikatlong purok.

No comments: