Wednesday, July 28, 2010

TUWID NA LANDAS

Abot tanaw na natin ang pag-asa sa pag-ugit ni P’Noy sa panguluhan ng bansa subalit hindi ganoon kadali ang gagawin nating pagbangon sapagkat nananatiling nasa ating paligid ang bakas ng ginawang pagmamalabis ng hinahalinhan niya sa kapangyarihan.

Ngayong alam na natin, apat na linggo makaraang maupo sa katungkulan ang tunay na istado na ating kinalalagyan ay sumunod muna tayo sa mga patakaraang ipatutupad ni P’Noy upang maibsan kahit paano ang magulong burukrasya na kanyang minana.

Wala na tayong magagawa sa mga kabulukang dinatnan ni P’Noy sa gobyernong nakalipas at ang tanging konswelo nating lahat ay ang naisapubliko ang mga pagkakamaling ito, dahil mula dito ay possible nang hanapin ang hustisya.

Subalit batid naman nating lahat na hindi ganoon kadali ang paghingi ng katarungan dito sa ating bansa batay sa umiiral na proseso ng justice system natin. Lubhang matatagalan pa bago ito makamit, na kung dito natin itutuon ang lahat ng pansin ay makakaapekto ito sa pagsasaayos ng ating kabuhayan.

Makabubuting bigyan ng prayoridad ang ekonomiya ng P’Noy administration, habang abala ang iba pang sangay ng pamahalaan na isailalim sa paglilitis ang mga nagkasala, mga nang-abuso o mga nagwalanghiya sa mga Pilipino, sapagkat at the end of day ay laging nandoon ang pangangailangan lamanan ang kumakalam nating mga sikmura.

Hindi madaling ituwid ang landas na pangunahin naisin ni P’Noy. Hindi niya kaya ito nang nag-iisa. Tandaan nating ang kanyang minana ay isang bangkaroteng gobyerno kung saan ang kurapsyon ay tila ginawang institusyon na madalas ang mga naghahanap ng katarungan ay sila pang napaparusahan.

Dahil dito ay nasa pinaka-mababang antas ang usapin ng ating moral na aspeto, na habang marami ang nagugutom sa literal na pagsasalarawan ay kasing dami naman halos ang nauuhaw sa katarungan.

Ganito kabigat ang gawain na dapat isaayos ni P’Noy. Tulungan natin siya upang mapagaan ang mga dalahin nang sa ganoon ay mas mapadali ang pagbangon ng lupasay nating bansa. (NANI CORTEZ)

No comments: