Wednesday, July 28, 2010

MANIBELA

Ang totoong kalagayan ng bansa ang inaasahang maririnig kapag binigkas na ni Pangulong Noynoy ang State of the Nation (SONA) mamamayang hapon sa harap ng joint session ng senado at kongreso.

Inaasahan ding buong katapatan niyang isusumbong sa bayan ang kalagayan ng ating bansa sa aspetong pananalapi – kung gaano kalaki na ang natapyas sa taunang budget at halagang natitira pa upang itaguyod ang bayan sa nalalabing kalahating taon.

Matatandaang una nang nanindigan si P’Noy na walang panibagong buwis siyang ipatutupad at kung mangyari ang lahat na ating pinangangambahang nagmalabis o nagmadali ang dating administrasyon sa paglustay ng pondo ay paano na kaya tayo makakaagapay sa maraming suliranin.

Kung sabagay ay maaari namang ipagharap ng reklamo ang mga umabusong opisyal ng bayan ngunit sa bandang huli ay nandoon pa rin ang katotohanang ang mga nalustay na pondo ay hindi na maibabalik.

Sa pagkakataong ganito ay pang-unawa ang pinakamahalagang ialay ng bayan kay P’Noy sakali mang mangailangan tayo na maghigpit ng sinturon, sapagkat sa panahong minamadali ang paglustay ay wala pa si P’Noy sa manibela. (TRIBUNE POST)

No comments: