Friday, July 23, 2010

MOTHER AND SON LEGACY

Kay ganda ng halimbawang ipinamamalas ni Pangulong Noynoy upang maipakita sa taumbayan na pagsisilbi ang kanyang layunin at hindi upang maghari katumbas man ito ng kapangyarihang kaloob ng sambayanan na katambal ng pribilihiyo ng kanyang tanggapan.
Bilang isang karaniwang Noynoy ay ramdam niya ang damdamin ng mga ordinaryong motorista na habang nagtitiis sa haba ng trapik ay nahahawi’t nasisingitan pa ng ilang abusadong opisyal na may wangwang at igigiya ng mahabang konboy, na makalampas lang ang mga nasabing opisyal ay dinig niya ang galit sa bulong ng taumbayan.
Ito ang kadahilanan kung bakit ang problema sa trapiko ay hindi maayos-ayos, dahil hindi nga nararanasan ng mga naturang opisyal sanhi ng wangwang na kahit karaniwang tao na may koneksyon ay gumagaya na rin.
Ngayong kitang-kita na natin ang pagka-huwaran ni P’Noy, sana naman lahat tayo ay matutong sumunod sa batas sapagkat kung ang ating pangulo ay hindi lumalabag eh sino naman tayo upang magbulag-bulagan at ito ang tamang panahon.
0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0
Nag-flash back sa aking isipan nang minsang pinagkalibungbungan ng mga stree vendor ang isang ginang sa gitna ng trapiko, nagbukas ito ng bintana ng kotseng kinalululanan at masayang nakipag-usap sa mga ito, hanggang umusad na ang mga sasakyan nang mag-green light na at sabay sabay nagsigawan ang mga vendor ng “CORY, CORY, CORY”.
Ang ginang na lulan ng sasakyan ay nagngangalang Corazon C. Aquino, pangulo ng Republika ng Pilipinas na araw-araw ay nagyayaot ditto sa Malacañang at Times St. sapagkat ayaw manirahan sa palasyo. Pinili ng ginang na mas mapalapit sa pulso ng taumbayan.
Isa itong security nightmare para sa PSG subalit paano mo nga naman pagbabawalan ang isang president na huwag magbubukas ng bintana upang kausapin ang mga karaniwang mamamayan, at paano mo susuwayin ang isang pangulo na itigil ang sasakyan sa isang supermarket upang mag-grocery.
Kung hindi dahil sa sunod-sunod na kudeta ay marahil natapos ni President Cory ang kanyang termino na uwian sa Times St. at hindi mapipilitang mangupahan sa Arlegui, malapit sa Malacañang.
0-0-0-0-0-0-0-0-0
May pagkakahawig noong 1986 at ngayong 2010, sina President Cory at P’Noy ay kapwa walang pasyon na manirahan sa Malacañang, na nais ang simpleng buhay sa Times St., kapwa ayaw maghariharian manapa’y ang manilbihan sa mga karaniwang mamamayan, at hindi ikinalaki ng ulo ang pagiging pangulo, na kayang abutin dahil ang mga paa’y nanatiling nakaapak sa lupa.(NANI CORTEZ)

No comments: