Thursday, July 29, 2010

MAHIGIT 1,500 PASYENTE, NAKINABANG SA MEDICAL-DENTAL MISSION NI REP IVY

San Pablo City - Iniulat ni Punong Barangay Napoleon Calatraba na hindi kukulangin sa 1,500 na pasyente ang napaglingkuran ng Medical and Dental Mission na itinaguyod ng Tanggapan ni Congresswoman Ma. Evita “Ivy” Arago sa Barangay Del Remedio sa lunsod na ito.

Ginanap noong Sabado, Hulyo 24 at sinimulan wala pang alas-otso ng umaga, ang gamutan ay isinagawa sa covered court ng Del Remedio Elementary School kung saan mapayapang nakapaghintay ang mga may idinaraing na karamdaman para sila ay masuri sa batayang first-come-first-serve.

Ayon kay Chairman Calatraba ang mga dalang gamut ni Rep. Arago ay magkasamang branded at generic sapagkat ito ay inihanda batay sa irereseta ng mga manggagamot.

Nagiging matagumpay aniya ang mga medical and dental mission ni Rep. Arago dahil bago ito ganapin ay nagsasagawa muna ng survey o pagtaya ang mga tauhan ng City Health Office (CHO) sa tulong ng mga Barangay Nutrition Scholar at Barangay Health Worker upang mataya ang uri ng mga karamdamang tinataglay ng mga residente.

Tulad ng nangyari sa Barangay del Reneduo, si Rep. Arago ay may dalang “petty cash” upang kung wala sa imbentaryo ang ireresetang gamut ay makakagawa agad ng “emergency purchase” sa mga malalaking botika sa kalunsuran.

Isa pang napapansin ng mga pinunong barangay mula sa kalapit na pamayanan na habang ang mga pasyente ay naghihintay ng pagkakataong sila ay masuri ng manggagamot, may mga health educator na nagkakaloob ng tamang impormasyon upang maiwasan ang mga sakit na sa pana-panahon ay lumalaganap sa pamayanan tulad ng dengue fever.

Mayroon din mga nagpapayo sa tamang pangangalaga ng ngipin upang huwag itong magkaroon ng sira o sumakit.

Ang mga ito ay hindi lang nakalilibang sa mga nagsisipaghintay kundi nakakapagkintal ng kapakipakinabang na kamalayan, ayon naman sa ilang barangay health workers na nakikipagtulungan sa pag-aasikaso sa mga dumadalo sa medical and dental mission. (Seven Lakes Press Corps/RET)

Wednesday, July 28, 2010

MALIGAYANG PAGDATING CALE MISHA J. AMANTE

Ang malusog at magandang sanggol na nasa larawan ay ang ngayo’y pinagmumulan ng mga saya’t kalakasan ni San Pablo City Administrator Loreto “Amben” Amante. Si Cale Misha ang unang anak nina City Admin Amben at Ginang Claudette Amante na isinilang noong nakaraang July 14, 2010.(SANDY BELARMINO)

MANIBELA

Ang totoong kalagayan ng bansa ang inaasahang maririnig kapag binigkas na ni Pangulong Noynoy ang State of the Nation (SONA) mamamayang hapon sa harap ng joint session ng senado at kongreso.

Inaasahan ding buong katapatan niyang isusumbong sa bayan ang kalagayan ng ating bansa sa aspetong pananalapi – kung gaano kalaki na ang natapyas sa taunang budget at halagang natitira pa upang itaguyod ang bayan sa nalalabing kalahating taon.

Matatandaang una nang nanindigan si P’Noy na walang panibagong buwis siyang ipatutupad at kung mangyari ang lahat na ating pinangangambahang nagmalabis o nagmadali ang dating administrasyon sa paglustay ng pondo ay paano na kaya tayo makakaagapay sa maraming suliranin.

Kung sabagay ay maaari namang ipagharap ng reklamo ang mga umabusong opisyal ng bayan ngunit sa bandang huli ay nandoon pa rin ang katotohanang ang mga nalustay na pondo ay hindi na maibabalik.

Sa pagkakataong ganito ay pang-unawa ang pinakamahalagang ialay ng bayan kay P’Noy sakali mang mangailangan tayo na maghigpit ng sinturon, sapagkat sa panahong minamadali ang paglustay ay wala pa si P’Noy sa manibela. (TRIBUNE POST)

PLSP O ULSP

Well, ganito humigit kumulang ang magiging bigkas ng Dalubhasaan ng Lunsod ng San Pablo (DLSP) sakaling maisasakatuparan ang balaking gawin itong isang unibersidad.

Dalawa actually ang option sa magiging katawagan na maaaring pagpilian. Sakaling piliin ang Unibersidad ng Lunsod ng San Pablo ay ULSP, at kung tatagalugin ang unibersidad na pamantasan ay magiging Pamantasan ng Lunsod ng San Pablo (PLSP) as in PLM (Pamantasan ng Lunsod ng Maynila).

Ito kasi ang balakin ni Mayor Vicente B. Amante dahil mas marami nga naman ang matutulungan kong gagawing unibersidad ang DLSP, dadami ang mga kursong pwedeng pagpilian ang mga mag-aaral, tulad ng College of Engineering, Accountancy, Nursing at Medicine na maraming magulang ang dumadaing dahil sa napakamahal ang tuition sa mga nasabing kurso.

Ngunit bago dito ay kinakailangang tugunan muna ang mga pamantayang hinihingi ng Commission on Higher Education (CHED) para maisakatuparan ang conversion. At isa rito ay ang pagbubukas ng mga masteral o doctoral courses na kailangang taglayin muna ng DLSP.

Medyo nalalabuan ang pitak na ito sa patakaran ng CHED sapagkat may mga pagkakataong pinapayagan naman nila ang kahit bagong kasisimula lamang na paaralan maging unibersidad tulad nang buksan ang LU o LAGUNA UNIVERSITY na pinatatakbo ng panlalawigang pamahalaan.

0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0

Ipinagbibigay alam ng Tanggapan ni Cong. Ivy Arago ang nalalapit na Mega Jobs Fair na kanilang itataguyod sa Agosto 27, 2010, ganap na ika-8 ng umaga hanggang ika-3 ng hapon, sa Siesta Residencia de Arago, GreenValley Subd., Brgy. San Francisco Calihan, Lunsod ng San Pablo. Maganda itong pagkakataon sa mga naghahanap ng trabaho sapagkat tulad ng mga naunang jobs fair ni Rep. Ivy ay marami ang nabibigyang pagkakataon na ma-hire on the spot.

Sinisimulan na rin ni Cong. Ivy ang district wide niyang medical and dental mission na ang pagbubukas ay magsisimula sa Brgy. Del Remedio (Wawa) ni Chairman Nap Calatraba at inaasahang na namang libong maralitang mamamayan ng naturang barangay ang makikinabang. Keep up the good work outstanding Congresswoman Ivy Arago! (SANDY BELARMINO)

TUWID NA LANDAS

Abot tanaw na natin ang pag-asa sa pag-ugit ni P’Noy sa panguluhan ng bansa subalit hindi ganoon kadali ang gagawin nating pagbangon sapagkat nananatiling nasa ating paligid ang bakas ng ginawang pagmamalabis ng hinahalinhan niya sa kapangyarihan.

Ngayong alam na natin, apat na linggo makaraang maupo sa katungkulan ang tunay na istado na ating kinalalagyan ay sumunod muna tayo sa mga patakaraang ipatutupad ni P’Noy upang maibsan kahit paano ang magulong burukrasya na kanyang minana.

Wala na tayong magagawa sa mga kabulukang dinatnan ni P’Noy sa gobyernong nakalipas at ang tanging konswelo nating lahat ay ang naisapubliko ang mga pagkakamaling ito, dahil mula dito ay possible nang hanapin ang hustisya.

Subalit batid naman nating lahat na hindi ganoon kadali ang paghingi ng katarungan dito sa ating bansa batay sa umiiral na proseso ng justice system natin. Lubhang matatagalan pa bago ito makamit, na kung dito natin itutuon ang lahat ng pansin ay makakaapekto ito sa pagsasaayos ng ating kabuhayan.

Makabubuting bigyan ng prayoridad ang ekonomiya ng P’Noy administration, habang abala ang iba pang sangay ng pamahalaan na isailalim sa paglilitis ang mga nagkasala, mga nang-abuso o mga nagwalanghiya sa mga Pilipino, sapagkat at the end of day ay laging nandoon ang pangangailangan lamanan ang kumakalam nating mga sikmura.

Hindi madaling ituwid ang landas na pangunahin naisin ni P’Noy. Hindi niya kaya ito nang nag-iisa. Tandaan nating ang kanyang minana ay isang bangkaroteng gobyerno kung saan ang kurapsyon ay tila ginawang institusyon na madalas ang mga naghahanap ng katarungan ay sila pang napaparusahan.

Dahil dito ay nasa pinaka-mababang antas ang usapin ng ating moral na aspeto, na habang marami ang nagugutom sa literal na pagsasalarawan ay kasing dami naman halos ang nauuhaw sa katarungan.

Ganito kabigat ang gawain na dapat isaayos ni P’Noy. Tulungan natin siya upang mapagaan ang mga dalahin nang sa ganoon ay mas mapadali ang pagbangon ng lupasay nating bansa. (NANI CORTEZ)

LAGUNA SP PASSES RESOLUTION FOR INC 96TH ANNIVERSARY

Sta. Cruz, Laguna – The Sangguniang Panlalawigan (SP) unanimously passed a resolution greeting Iglesia ni Cristo (INC) on its 96th anniversary celebration on July 27, 2010.

Suspending the internal rules, the felicitation to INC was authored by BM Neil Nocom, ably seconded by BM Angelica Jones with no objection from all present at Wednesday session.

Present during the session when BM Palacol sponsored the resolution were BM Joseph Kris Benjamin Agarao, Carlo Almoro, Neptali Bagnes, Rey Paras, Juan Unico, Gab Alatiit, Emil Tiongco, Alejandro Yu and Floro Esguerra.

Vice-Governor and Presiding Officer Caesar P. Perez said that the resolution is one way of showing gratitude to INC contribution to the province peace and order as its members are known to be well-disciplined.

Perez also said that SP can not count out the role of INC and its importance to the spiritual needs of the people of Laguna.

Governor Jorge ER Ejercito immediately sent the congratulatory message to INC in time for the celebration on Tuesday, July 27.

IKA-96 ANIBERSARYO NG INC, IPINAGDIWANG

Bagama’t ang opisyal na pagkilala ng Iglesia Katolika sa Iglesia Ni Cristo (INC) bilang isang lumalagong sekta ng pananampalataya ay noon lang taong 2005, ay hindi na maipagkakailang hinangaan na ito ng nasabing iglesia sa pagbisita sa bansa ni Pope Paul IV noong 1983.

Hindi naiwasan ng Papa sa Roma na magtanong kung ano ang nadaraanan nilang mga istraktura na higit na makabago at malalaking kapilya ng INC sapagkat kaiba ang arkitektura ng mga ito kaysa sa kanilang simbahan.

Kung nabubuhay pa si Pope Paul IV marahil ay higit pa ang kanyang paghanga sa ngayon lalo pa’t ang iglesia na kanyang ipinagtanong 27 taon lang ang nakalilipas ay umaabot na sa 100 pang mga bansa.

PAYAK NA SIMULA

Matutunton ang payak na pinagmulan ng INC sa mga katanungang hindi nagkaroon ng malinaw na mga kasagutan.

Ito ang kadahilanan kung kaya’t mula sa pagiging katoliko ay nagsaliksik pa si Felix Y. Manalo sa mga sektang protestante na sa palagay niya’y makakasagot sa mga simpleng katanungan na umaayon sa aral ng Banal na Aklat.

Hindi niya natagpuan ang mga katugunan kung kaya’t makaraang sumangguni sa Banal na Aklat ay sinimulan niyang mangaral noong 1913 bilang sektang Iglesia ni Cristo na ipinatala niya nang sumunod na taon ng Hulyo 27, 1914. Marahan man at may mga sagwil kabilang na ang mga pangungutya ay unti-unti itong lumaganap sa kapuluan ng Pilipinas.

KATUPARAN NG HULA

Nagpatuloy sa paglago ang INC hanggang malipat ang pangangasiwa ng Iglesia kay Eraño Manalo sa pagyao ni Ka Felix noong 1963.

Inakala ng mga nagmamasid na ito na ang simula ng paghina ng INC dahil anila’y mahirap partisan ang karisma ng matandang Manalo. Subalit may katiyakan ang mga nasusulat na hula, mas higit na yumabong ang INC sa pamamahala ni Ka Eraño. Mula sa malayong silangan ay umabot ang ebanghelyo ng INC sa mga kanluraning bansa at sa buong daigdig.

IKATLONG HENERASYON

Sa pagitan ng mga tagpo ay ang taimtim na pagsasanay ni Ka Eraño sa kanyang anak na si Eduardo V. Manalo sa banal na pangangasiwa ng iglesia bilang executive minister.

Nagsimulang mangasiwa si Ka Eduardo nang mamayapa ang ama nang nakaraang taon, at sa ipinasunod na kinagisnang disiplina ang INC at kapatiran ay higit pang sumigla, na magdiriwang ng kanilang ika-96 taon

Sunday, July 25, 2010

JUANA SANCHEZ BELULIA

JUANA SANCHEZ BELULIA
Wife of the late Atty. Gregorio C. Belulia.

Peacefully joined her Creator in the loving presence of her family July 20. 2010 at the age of 93.

Interment took place yesterday July 25 at San Pablo Memorial park after the funeral mass at San Pablo City Cathedral.

Her children Dr. Tabitha & Engr. Felix Paraiso, Judge Dinah Evangeline & Jose M. Bandung, Judge Amy Melba Belulia, Grace & John B. Llamas, Dr. Athena Filipina Belulia.
AND
Grandchildren John Paul & Valerie, Mark, Jehan, Janjan and Jordan.

Wish to extend their thanks to those who offered prayers, condoled and joined the wake in their hour of bereavements.

Friday, July 23, 2010

SCHOOL PREXY LAUNCHES MATH-INIC COURSES

San Pablo City, Laguna - A school prexy here has designed Math-inic courses for kids and adults alike that aim to enhance the enthusiasm of children in the field of mathematics.

MSC High School President Prudencio “Ike” Prudente, 1964 graduate of Philippine Science High School graduate said that the short course are composed of different modules for different age levels and math abilities.

Prudente added that the little course will surely transform children from Math haters to Math lovers and eventually to math masters as the participants in the tutorial classes will be taught the exciting Mathematics short cuts and valuable tips to different mathematical computations.

The course also guaranteed that after the sessions each pupil will get high grades in Math, courtesy of the acquired mastery from the tutorial lessons.

Math-inic classes will start in July 17 (Saturday), but prior to it the parents are enjoined to attend the free 2-hour seminar to enable them get preview the inclusive lessons from the course.

Tutorial classes are likewise held daily or as per pre-arranged schedules.

MOTHER AND SON LEGACY

Kay ganda ng halimbawang ipinamamalas ni Pangulong Noynoy upang maipakita sa taumbayan na pagsisilbi ang kanyang layunin at hindi upang maghari katumbas man ito ng kapangyarihang kaloob ng sambayanan na katambal ng pribilihiyo ng kanyang tanggapan.
Bilang isang karaniwang Noynoy ay ramdam niya ang damdamin ng mga ordinaryong motorista na habang nagtitiis sa haba ng trapik ay nahahawi’t nasisingitan pa ng ilang abusadong opisyal na may wangwang at igigiya ng mahabang konboy, na makalampas lang ang mga nasabing opisyal ay dinig niya ang galit sa bulong ng taumbayan.
Ito ang kadahilanan kung bakit ang problema sa trapiko ay hindi maayos-ayos, dahil hindi nga nararanasan ng mga naturang opisyal sanhi ng wangwang na kahit karaniwang tao na may koneksyon ay gumagaya na rin.
Ngayong kitang-kita na natin ang pagka-huwaran ni P’Noy, sana naman lahat tayo ay matutong sumunod sa batas sapagkat kung ang ating pangulo ay hindi lumalabag eh sino naman tayo upang magbulag-bulagan at ito ang tamang panahon.
0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0
Nag-flash back sa aking isipan nang minsang pinagkalibungbungan ng mga stree vendor ang isang ginang sa gitna ng trapiko, nagbukas ito ng bintana ng kotseng kinalululanan at masayang nakipag-usap sa mga ito, hanggang umusad na ang mga sasakyan nang mag-green light na at sabay sabay nagsigawan ang mga vendor ng “CORY, CORY, CORY”.
Ang ginang na lulan ng sasakyan ay nagngangalang Corazon C. Aquino, pangulo ng Republika ng Pilipinas na araw-araw ay nagyayaot ditto sa Malacañang at Times St. sapagkat ayaw manirahan sa palasyo. Pinili ng ginang na mas mapalapit sa pulso ng taumbayan.
Isa itong security nightmare para sa PSG subalit paano mo nga naman pagbabawalan ang isang president na huwag magbubukas ng bintana upang kausapin ang mga karaniwang mamamayan, at paano mo susuwayin ang isang pangulo na itigil ang sasakyan sa isang supermarket upang mag-grocery.
Kung hindi dahil sa sunod-sunod na kudeta ay marahil natapos ni President Cory ang kanyang termino na uwian sa Times St. at hindi mapipilitang mangupahan sa Arlegui, malapit sa Malacañang.
0-0-0-0-0-0-0-0-0
May pagkakahawig noong 1986 at ngayong 2010, sina President Cory at P’Noy ay kapwa walang pasyon na manirahan sa Malacañang, na nais ang simpleng buhay sa Times St., kapwa ayaw maghariharian manapa’y ang manilbihan sa mga karaniwang mamamayan, at hindi ikinalaki ng ulo ang pagiging pangulo, na kayang abutin dahil ang mga paa’y nanatiling nakaapak sa lupa.(NANI CORTEZ)

PALABIS

May nais ipahiwatig ang mga natutuklasan ng bagong pamunuan ng Philippine Chairty Sweepstakes Office (PCSO) hinggil sa mga kagamitan ng ahensiya na ipamumodmod sa mga lokal na pamahalaan.

Tumambad sa kanilang pagsisiyasat ang daan-daang ambulansya na labis sa higit na kinakailagan upang matugunan ang mga request ng LGU at natuklasan din nila ang libu-libong medicine kit na magpahanggang sa ngayon ay hindi pa o nabigong ipamahagi ng nakalipas na pamunuan.

Totoong may mga kahiligan ukol sa ambulansya na lubhang kailangan ng mga bayan-bayan at lalawigan subalit lumilitaw na 59 lang ito, kumpara sa mahigit 200 binili ng PCSO sa bispiras ng paglisan ng nakaraang administrasyon.

Lumilitaw na labis ng 189 ang biniling ambulansya ng nasabing ahensiya na walang nakabinbing request ukol dito.

Marami ang nagtatanong kung bakit nangyari ang ganito, ganoon din naman sa libu-libong medicine kit na nakatiwangwang sa bodega ng PCSO sa kabila ng katotohanang may malalakas na iyakang nangyari noon partikular sa trahedyang idinulot ng bagyong si Ondoy na lahat ng mga biktima ay nananawagan para sa kaukulang gamot sa kanilang mga karamdaman.

Ang ganitong sitwasyon ay nangangailangan ng masusing pagsisiyasat, hindi lamang sa PCSO manapa’y sa lahat ng ahensiya ng pamahalaang matutuklasang nagkulang o nagpalabis. (TRIBUNE POST)

RIGHT SIDE OF HISTORY

Sa unang pagkakataon ay isa po tayo sa mga naging interviewer sa mga prospective applicants para sa scholarship ng IVY FOR THE PEOPLE na itinataguyod ni Laguna 3rd District Congresswoman Ma. Evita R. Arago na ginanap sa loob ng dalawang lingo sa Siesta Residencia de Arago.

Humigit kumulang sa 2,000 ang aplikante para sa college scholarship ngayong taong ito at ang lahat ay sumailalim sa pagsusulit upang malaman kung sino-sino ang magiging kwalipikado.

Hindi pa rin nababago ang pamantayan na ginamit last year at ito ang pagbibigay halaga at bigat o pagpapa-prayoridad sa tinatawag nating poorest of the poor.

Pagod man dahil sa dami ng aplikante ay hindi mo ito mararamdaman sapagkat ang makaulayaw mo ang mga mag-aaral na nagsusumikap upang makatapos ng kanilang college degree, sa kabila ng pagiging hikahos sa buhay ay damang-dama mo ang kanilang pagnanais na maabot ang mga pangarap sa buhay.

Malaking konsolasyon kasi na mapag-alaman sa pagsapit ng takdang panahon na minsan ang pitak na ito ay naging bahagi ng kanilang pangarap.

0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0

Binigkas na ni San Pablo City Mayor Vicente B. Amante ang kanyang State of the City Address noong nakaraang Martes sa harap ng sesyon ng Sangguniang Panlunsod. Inisa-isa ng alkalde ang kanyang mga nagawa noong lumipas na taon at mga balakin pa sa lunsod sa susunod na tatlong taon niyang panunungkulan.

Edukasyon, kalusugan at pagpapabuti pa ng basic services ng lunsod ang pagtutuunan ng pansin ni Mayor Amante, sabihin mang tagumpay naman niya itong naitaguyod sa nakaraan niyang limang termino. Katunayan ay higit na dumami ang mag-aaral sa 14 na annex high school na kanyang naipagawa sa mga barangay ng lunsod, bukod pa sa San Pablo City Science High School.

Kinikilala na kahit saan man dako ang pet project niyang Dalubhasaan ng Lunsod ng San Pablo (DLSP) na hindi lamang mga San Pableño ang nakikinabang kundi pati mga kanugnog lalawigan at bayan.

Operational na ang San Pablo City General Hospital (SPCGH) na kahit sino ang makakita ay inaakalang pribadong ospital sa ganda ngunit ang katotohanan dito ay ipinagawa ng alkalde para sa mga mahihirap.

Mabuhay ka mayor at good luck para sa iba mo pang plano sa lunsod. Proud kami sa iyo at kay Cong. Ivy Arago dahil tama ang sinasabi nilang – you’re both at the right side of history ng San Pablo City.(SANDY BELARMINO)

PAGSUSULIT NG IVY SCHOLARS, ISINAGAWA

San Pablo City, Laguna - Hindi bababa sa 2,000 aplikante ang sumailalim sa pagsusulit para sa college scholarship na itataguyod ng IVY FOR THE PEOPLE sa nakalipas na dalawang lingo dito.

Ang programa ay sa inisyatibo ni Congresswoman Maria Evita Arago na sadyang dinisenyo para sa kanyang mga constituents sa ikatlong purok ng lalawigan.

Napag-alamang ang serye ng eksaminasyon na kinapapalooban written exam at interview ay isinasagawa upang matiyak ang tagumpay ng programa at maiwasan ang kahalintulad na karanasan sa nakaraang school year na may mga scholar na tumitigil sa pag-aaral.

Dahil dito ay may mga scholarship slot na nasasayang sapagkat napupunta lamang sa ilang hindi interesadong mag-aaral.

Magkaganoon man ayon kay Cong. Arago ay nananatili ang pamantayang ang mapagkakalooban ng scholarship ay ang mga nagbubuhat sa mahihirap na pamilya.

Ang IVY FOR THE PEOPLE na social arm ng tanggapan ng kongresista ay nagkaroon ng 5,000 scholars nang nakaraang taon sa iba’t-ibang antas sa kolehiyo, high school, elementary at maging sa mga vocational courses ng TESDA.

Ito rin ang nagtataguyod ng mga medical missions at jobs fair sa buong distrito.

Bukod kay Cong. Ivy Arago ang interview sa mga aplikante ay naisagawa sa tulong nina Atty. Hizon A. Arago, Mrs. Eva R. Arago, Pao de Guzman, Sandy Belarmino, Helen Yuson, Dang Reyes Arago, Archie Alinea, Cecil Perez, Henry Gapit, Balsy de Guzman, Rikko Escaro, Dante Capistrano, Andrew Arago, Hipolito Tan, Ping Tiongson at Lucila A. Zaide.

Monday, July 5, 2010

CONG IVY ARAGO, NANUMPA KAY JUSTICE BRION

Nag-oath of office si Laguna 3rd District Congresswoman Maria Evita R. Arago sa harap ni Supreme Court Associate Justice Arturo D. Brion nang nakaraang Martes para sa kanyang ikalawang termino bilang mambabatas.

Ang panunumpa ni Arago sa tungkulin ay sinaksihan ng kanyang mga magulang na sina Atty. Hizon at Mrs. Eva Arago, kapatid na sina Andrew at Irish. at kanyang mister na si Henry.

Si Cong. Arago ay mananatili pansamantala sa kanyang tanggapan sa kongreso upang asikasuhin ang mga panukalang batas na kanyang ihahain kaugnay sa pagbubukas ng sensyon sa Hulyo a-bente sais.

Isa sa pinaka-maraming panukalang batas na naisumite ni Arago sa kongreso kung saan sampu sa mga ito ang ganap nang batas, at kasalukuyan niyang pinag-aaralan ang pagre-refile ng mga makabuluhang proposed bills na hindi nakasama sa order of business ng kapulungan.

Bilang opisyal ng Liberal Party (LP) ay abala rin ang mambabatas sa adhikain ng partido at pagtulong sa kandidatura ni Cong. Sonny Belmonte bilang speaker ng House of Representative.

Ayon sa mambabatas ay almost in the bag na ang speakership sa kanilang partido (LP), na mangangahulugang ibayo pang tulong at alalay ang maihahatid ng kanyang tanggapan sa distrito kung saan lumamang din ng malaki si President Benigno “Noynoy” Aquino nang nakaraang halalan laban sa pinakamalapit na katunggali.

Kapwa orihinal na miyembro ng LP sina Pangulong Noynoy at Cong. Ivy. Isa ang pangulo sa tumayong ninong sa kasal ng kongresista at Henry Gapit nang nakaraang buwan ng Hunyo.

LIWANAG

Simpleng-simple ang isinagawang inaugural address ni P’noy na ipinarating sa sambayanang Pilipino sa opisyal niyang pagsisimula bilang pangulo ng bansa.

Dito masasalamin ng bawat isang Pilipino ang laman ng kaisipan ni P’Noy na nagtataglay ng marubdob na hangaring wakasan na ang mahabang panahong ipinagtiis ni Juan de la Cruz sa kamay ng isang gobyernong naging makasarili.

Malinaw na naipabatid ni P’Noy na alam niya’t nasasaksihan ang bawat pangyayaring nagbubulid sa bayan sa bangin ng kasiphayuan na gawa ng isang lider na bingi sa mga daing ng taumbayang sumisigaw at nagsusumamo ng kalinga.

Walang naligtas sa masamang karanasang ito sapagkat katulad ng mga karaniwang Pilipino ay dinanas din ni P’Noy ang lahat, kung kaya’t matibay ang tiwalang namamayani sa bawat isa na tanaw na ang ilaw ng pagbabago.

Subalit hindi kaya ni Pnoy ang mga gawain ng nag-iisa at sa pagkakataong ito higit niyang kailangan ang sambayanan sa gagawing paglalakbay upang mapag-alab pa ang liwanag sa landasin.

Huwag tayong sumuko nang tuluyan nating makamit ang tunay na kaunlaran sa pamamagitan ni P’Noy. (TRIBUNE POST)

SP NI PABLOY

Opisyal nang nagsimula ang pang-anim at huling termino ni Mayor Vicente B. Amante sa bisa ng kanyang reeleksyon nang nakaraang halalan at inaasahang ibayo pang kaunlaran ang kanyang maihahatid sa Lunsod ng San Pablo sa susunod pang tatlong taon.

Napatunayan naman ang husay ni Mayor Amante sa ngalan ng pamamahala lalo na sa ikabubuti ng kanyang nasasakupan, na ang isang halimbawa dito ay ang ginawang panggigipit sa kanya ng mga kalaban sa pulitika, kung saan ang lahat ng kanyang mga proyektong isinusulong ay pilit hinaharang.

Sa dalawang taong nakalipas ay nagtagumpay ang kanyang mga kaibayo na huwag ipasa sa Sangguniang Panlunsod (SP) sa tamang panahon ang taunang budget, subalit hindi nagpatinag ang punong lunsod at sa halip ay ipinagpatuloy ang mga balaking kinakailangan ng mga kababayan.

Kahit sa huling sandali ay naging maigting ang pagkontra ng kanyang mga kalaban sa pulitika sa pagbubukas ng bagong gawang San Pablo City General Hospital (SPCGH), na sa halip ayudahan ng konseho ang alkalde ay pinapanghina ang loob upang huwag muna itong mabuksan.

Subalit lubhang kinakailangan nang maglingkod ang SPCGH sanhi na rin ng kakulangan ng pagamutang matatakbuhan ng mga pasyenteng indigent. Wala ng panahon upang maghintay pa sapagkat kumakatok na sa tanggapan ng alkalde ang mga mahihirap na pasyente na dumadaing sa dagdag pahirap ng mga pribadong pagamutan..

Salamat na lamang at kahit may nagawang pagkukulang ang Sangguniang Panlunsod ay hindi tumigil si Mayor Amante sa pagharap ng kaparaanan upang tuluyan nang makapaglingkod ang SPCGH bilang pagamutan ng lunsod, na kahit hindi tumugon ang SP ay maagap ang naging pagsaklolo ng mga kaibigang senador ni Mayor Amante.

Ngayon kahit paano ay bukas na ang SPCGH at naglilingkod na sa mga San Pableño. Kapuna-punang sa pagbubukas ng SPCGH gamit ang mga limos na budget ay kasabay namang nawala at hindi na ibinalik sa panunungkulan ang mga mahigpit na kumontra dito.

Inaasahang sa bagong komposisyon ng SP ay hindi na daranasin ng lunsod ang pagkakaroon ng reenacted budget at ibayong paglilingkod ang maihahatid kay Pabloy. (sandy belarmino)

PANATA NG PAGBABAGO

Paninilbihan ang pangunahing layunin ng Aquino Administration sa pagkakaluklok sa panunungkulan at hindi ang paghahari katulad ng naunang administrasyon na ikinadismaya ng taumbayan.

Ito ang mensaheng ipinaabot ni President Noynoy Aquino makaraang isalin sa kanya ang kapangyarihan bilang bagong pangulo ng Republika ng Pilipinas sa seremonyang dinaluhan ng humigit kumulang na 500,000 katao na pawang kinababanaagan ng sigla sanhi sa muling pagsilang ng pag-asa.

Bakit nga ba hindi ay sa talumpating binigkas ni P’Noy na lamang ang katapatan kaysa sa retorika ay nagbigay ito ng kasigaruhan sa taumbayan na tutugunan na ang malaon nang hinaing ng lahat sa hangaring magkaroon ng pagbabago.

Isang pagbabagong magbibigay ng kapanatagan at kapakinabangan sa higit na nakararaming mamamayan, na hindi maipatupad ng nakaraang administrasyon sapagkat nagpabihag sa maraming interes na sumasalungat dito, kung hindi man ay ang sektor din, na kanyang kinabibilangan.

Marami tayong dapat ipagpasalamat sa pagdating ni P’Noy sapagkat sa wakas ay may sumilang tayong lider na naninindigan para sa taumbayan at handang magsakripisyo alang-alang sa inilatag na pagbabago upang tayong lahat ay makaahon na sa pagtitiis.

Magiging daan din ito upang masagot ang mga malaon ng katanungang ikinukubli ng nagdaang administrasyon na madalas pang humahantong sa pagmamalabis makatiyak na walang sisingaw na impormasyon sapagkat batid nilang lubha itong ikagagalit ng taumbayan.

Sa pagdating ni P’Noy ay manangan tayong ito na ang simula upang mabigyang tuldok ang lahat nang sa ganoon ay mapawi na ang mga sagabal patungo sa tuluyan nating pag-unlad. Magtiwala tayo sa kanyang panata.

0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0

Minsan pang napatunayang hindi kailangan ang salapi upang matupad ang pangarap na makapaglingkod sa bayan, sa pagkakapagwagi ni Vice-Mayor Angie Yang ng San Pablo nang nakalipas na halalan.

Ang kailangan lang ay malinis ang hangarin ng isang kandidato tulad ni Vice-Mayor Angie na dahil salat sa budget ay kulang na kulang sa election parapharnelia sa panahon ng kampanya at may mga lugar pang hindi narating subalit sinuportahan pa rin ng mga San Pableño.

Unawa naman ng mga kababayan ang katayuan ni Vice-Mayor Angie na siyang ama’t-ina ng kanyang mga anak na pawang nag-aaral pa dahil isa nga siyang biyuda, kaya nga’t sa tuwi siyang nagpapasalamat ay lagi niyang nababanggit na wala man siyang material na maibigay sa mga kababayan bilang pasasalamat ay susuklian naman niya ito ng matapat at dalisay na paglilingkod.

Asahan daw natin ayon kay Vice Angie ang maagap na talakayan sa SP ng ating nakabinbing 20% Development Fund. (NANI CORTEZ0