San Pablo City, Laguna – Sa seremonya na may temang World Class University to a world class City of San Pablo ay ginawaran ng Laguna State Polytechnic University (LSPU) si Mayor Vicente B. Amante ng lunsod na ito ng Doctor of Philosophy in Humanities (Honoris Causa) noong Miyerkules ng hapon.
Ang nasabing doctorate degree ay ang pinakamataas na pagpapahalaga na natanggap ng alkalde buhat sa hanay ng academe sa loob ng limang termino niyang paglilingkod bilang punong lunsod, na ayon sa kanya’y isang panibagong hamon upang higit na pag-ibayuhin ang pagsisilbi sa bayan.
Isinagawa ang conferment sa pamamagitan ni Dr. Ricardo Wagan, ang pangulo ng LSPU na sinaksihan ng buong faculty ng naturang unibersidad, mga mag-aaral, pamilya ng alkalde, mga opisyal ng City Hall at pamunuan ng Dalubhasaan ng Lunsod ng San Pablo kung saan tumatayong founding president si Dr. Vicente B. Amante.
Si Dr. Vicente B. Amante ay isa sa mga lingkod bayang nagawaran na ng LSPU ng doctorate degree sa nakalipas na limampung taon mula nang matatag ang nasabing unibersidad, na kinabibilangan nina dating Speaker Jose de Venecia at Laguna 4th District Congressman Edgar San Luis.
Humigit kumulang sa 30 na ang nagawaran ng honorary degree ng LSPU sapul nang matatag, na kumakatawan sa maraming sektor ng lipunan sa loob at labas ng bansa. Bukod sa lunsod na ito ay may campus din ang LSPU sa Siniloan, Sta. Cruz at Los Baños, lalawigang ito.
Lubos na nagpapasalamat si City Administrator Loreto “Amben” Amante sa pamunuan ng LSPU sa napakalaking karangalang naipagkaloob sa kanyang ama at pamilya, kaalinsabay sa pagtanggap ng mga pagbati mula sa Asssociation of Barangay Chairmen, mga department head, mga kawani ng pamahalaang lunsod at DLSP. (Seven Lakes Press Corps/NCC-SAB)
Sunday, February 28, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment