Friday, February 26, 2010

COMELEC RULES, IPINAUNAWA NI OIC ARBILO

Pinulong ni OIC Patrick H. Arbilo ng City Election Office ang mga punong barangay ng lunsod, kasama ang hepe ng kanilang barangay tanod, noong Biyernes ng hapon sa PAMANA Hall sa City Hall upang ipaunawa ang mga itinatagubilin ng Resolution No. 8758, upang ganap na maipatupad ang mga iniuutos ng Republic Act No. 9006, na lalong kilala bilang “Fair Election Practices Act “ kaugnay ng nalalapit na halalan sa Mayo 10, 2010.

Ang campaign period para sa mga posisyong panglokal ay magsisimula na sa Marso 26, araw ng Biyernes.

Dumalo rin ang mga kinatawan ng Department of the Interior and Local Government, ng Philippine National Police, at ng Armed Forces of the Philippines. Dumalo rin ang ilang kinatawan ng Seven Lakes Press Corps bilang pakikipagtulungan upang maging mabilis at malawakan ang desiminasyon ng mga mahahalagang impormasyon mula sa COMELEC sa mga karaniwang mamamayan.

Tinawag na Forum on Fair Election Practices Act, inisa-isa ni Arbilo ang mga campaign materials na inihanda ng labag sa ipinaiiral na mga batas at alituntuning panghalalan, at ang mga kapangyarihan at pananagutan ng mga punong barangay, at ng kanilang mga tanod na ipatupad ang alituntunin sa kanilang hurisdiksyon.

Ipinaliwanag din ni Arbilo ang mga pamamaraan ng pagpapatupad ng batas, lalo na ang mga pagtatanggal ng mga propaganda materials sa labas ng lawak na itinakda para pagkabitan ng mga poster. Kasama na ang pagpapaalaalang maaari lamang maglagay ang isang kandidato ng kanyang mga poster o tarpaulin sa mga pribadong lugar sa kapahintulutan ng may-ari ng gusali o istraktura, kasama na ang mga pader o bakod, subali’t dapat ay tama ang sukat sa pamantayang itinatakda ng Commission on Elections.

Napag-alamang bawal ang pangangampanya sa Araw ng Huwebes Santo at Biyernes Santo, gayon din sa Mayo 9 o sa bisperas ng halalan., at tulad ng ano mang kabawalan, ang mga mararapatang lalabag dito ay malalapatan ng disiplina o kaparusahan.

Bago ang Forum on Fair Election Practices Act para sa mga pinunong nayon, napag-alamang una ng pinulong ni OIC Patrick H. Arbilo ang mga kandidato sa mga posisyong panglokal na ginanap sa Barangay Training Center noong Biyernes ng umaga, upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan sa magkabilang panig sa panahong ipinatutupad na ang batas.

Samantala, napag-alamang sa nakaraang buwanang pulong ng Liga ng mga Barangay, ang mga punong barangay sa lunsod ay pinaalalahanan ni Pangulong Gener B. Amante na pagkakalooban ng laya ang lahat ng pangkat ng kandidato na makapamahayag sa nasasakupan ng kanilang pananagutan.At napatunayan na sa nakaraan na ang pinunong nayon sa sakop ng Lunsod ng San Pablo ay “civil” at demokratiko, at simula noong halalan noong 1987, pagkalipas ng Rebolusyon sa EDSA, ay walang karahasang nagaganap na maiuugnay sa pagkakaiba-iba ng paniniwalang pampulitika. (Seven Lakes Press Corps)

No comments: