Nang makipagkita sina Konsehal Jaime M. Banzuela at ABC President Oscar M. Masa noong nakaraang Linggo ng umaga kina Congresswoman Ma. Evita R. Arago at District Engineer Federico L. Concepcion sa isinagawang Barangay Day sa Sityo Baloc, nabatid mula sa mambabatas na sa ilalim ng subsidy policy ng pamahalaan ay masasakop ng Rural Electrification Program ang paglalagay ng mga linyang sekondarya ng kuryente sa kahabaan ng Alaminos Section ng San Pablo City – Lipa City Road, na lalong kilala sa katawagang CALABARZON Road, upang ito ay masama sa service area ng Manila Electric Company (MERALCO). Subali’t ang pagsasapalatuntunan nito ay isasagawa pagkalipas ng May 10, 2010 National and Local Elections, sa dahilang sa tagubilin ng Department of Energy ay wala munang pagpapalawak ng serbisyo ng kuryente ang ipatutupad dahil sa isinasagawang paghahanda upang magtagumpay ang paggamit ng computer sa isasagawang halalan.
Nangangamba ang mga policy-maker ng pamahalaan na ang ano mang ekspansyon sa lawak na pinadadaluyan ng kuryente ay maaring makapagpataas sa posibilidad ng brown-out sa panahon ng halalan.
Magugunitang sa inisyatibo nina Konsehal Jaime M. Banzuela at Oscar M. Masa ay napagtibay ang isang kapasiyahan na humihiling sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na ang 7.4-Kilometer Alaminos Section ng CALABARZON Road ay malagyan ng mga linya ng kuryente, sa dahilang ang mga barangay na tinatahak nito ay klasipikasyong Industrial Zone noong pang 1989 sa inisyatibo ni Alkalde Samuel F. Bueser sa dahilang ang topograpiya at heograpiya nito ay angkop para pagtayuan ng mga bodega na mapag-iimbakan ng mga kalakal na ipapasok sa International Port of Batangas.
Sa pag-aaral ng National Economics and Development Authority (NEDA), dahil sa makitid ng green belt o kakahuyan sa paligid ng Port of Batangas, ang storage facilities o mga bonded warehouses ay dapat itayo pagkalampas ng Poblacion ng Lipa City at ito ay mga lupa ng Santo Tomas sa Batangas at Alaminos sa Laguna. Maraming interesadong dito sa Alaminos magtayo ng bodega at light industry dahil sa ang bayang ito ay tinatahak ng Maharlika Highway na main corridor mula sa Maynila patungong Katimugan ng bansa. Tatahakin din ito ng Proposed Extension ng South Luzon Expressway na binabalak ituloy hanggang Lucena City kaya interesado si Congresswoman Ivy Arago na ang Alaminos Section ng San Pablo City – Lipa City Road ay malagyan kaagad ng mga linya ng kuryente para mapasigla at mapabilis ang pagkakaroon ng mga developmental activities sa nabanggit na munisipyo. (Ruben E. Taningco)
Thursday, February 25, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment