Wednesday, February 24, 2010

IKAKANDIDATO NG BIGKIS NG PAGKAKAISA

Sa ilang kalakarang kukos na isinasagawa kung malapit na ang panahon ng halalan, taas-noong humaharap sa mga mamamayan ang tambalan nina Mayor Vicente B. Amante, reeleksyonista, at Concejala Angelita “Angie” Lozada Erasmo-Yang, naghahangad na maging Bise Alkalde,

Naglahad ng kandidatura bilang isang nominee ng LAKAS-KAMPI-CMD si Alkalde Vicente B. Amante ang tagapanguna sa tiket ng Bigkis Pinoy, ang kowalisyon sa Lunsod ng San Pablo ng mga kasapi ng LAKAS, PDSP, KAMPI, CMD, at Partido Liberal, na nagtataguyod ng higit na maunlad na palatuntunan sa paghahatid at pagkakaloob ng mga paglilingkod na pang-edukasyon, pangkalusugan, at panglipunan, na salig sa umiiral na mapayapa at panatag na kapaligiran.

Ang mga nagsipaglahad ng certificate of candidacy para maging kagawad ng Sangguniang Panglunsod sa City Election Office noong Disyembre 1, 2009 sa ilalim ng Pangkating Bigkis Pinoy ay sina Concejal Dante B. Amante, dating Concejal Edgardo D. Adajar na naging isa ng three-termer councilor; dating Concejal Arthur U. Bulayan na kumakatawan sa mga magtatanim ng niyog at mga nagsisipaghalaman; , Rondel Diaz na isang kabataang negosyante; Prof. Eduardo O. Dizon, Ph D in Education, na dati na ring konsehal at isa sa naging tagapagtatag ng Dalubhasaan ng Lunsod ng San Pablo (DLSP); Secretary to the Mayor Rodelo U. Laroza na dati na ring three-termer councilor, Dr. Eman Loyola na isang kilalang general surgeon sa CALABARZON at lider sibiko; Punong Barangay Wilson Maranan na isang labor leader at kasalukuyang isang supervisor sa PLDT-San Pablo Business Office; Bantay Bayan Chairman Marcelino C. Rogador na kusangloob na nakikipagtulungan sa pangangalaga ng kapayapaan at kaayusan ng pamayanan; at Punong Barangay at College Instructor Arnel “Bobot” Cabrera Ticzon na malawak ang karanasan sa larangan ng pagpapaunlad ng kultura at sining. Si Bobot Ticzon ay tumapos ng karunungan sa University of the Philippines sa Diliman bilang “Iskolar ng Bayan.”(Ruben E. Taningco)

No comments: