Sunday, February 28, 2010

MAYOR VICENTE B. AMANTE, PhD

Noong Miyerkules, Pebrero 24 ay tinanggap ni Mayor Vicente B. Amante ang itinuturing niyang pinakamakabuluhang pagpapahalaga sa kanya bilang lingkod bayan nang siya ay gawaran ng Doctor of Philosophy in Humanities Honoris Causa ng Laguna State Polytechnic University (LSPU).

Sa mga nagdaang panahon ay karaniwan na kay Dr. Vicente B. Amante ang pagtanggap ng mga parangal mula sa ibat-ibang sangay ng pamahalaan, lokal man o nasyunal na kadalasan ay taon-taon iginagawad sa kanya sanhi ng ipinamamalas na taos-pusong paglilingkod sa mga nasasakupan.

Kinikilala rin si Dr. Amante ng mga NGO’s, mga samahang sibiko at mga karaniwang taumbayan dahil sa pagsusulong ng mga adbokasiyang siya ang kumatha at nagbuhat sa kanyang malawak na kaisipan na sa kanyang paningin ay sagot sa pangangailangan ng bayan.

Dito naitanghal ni Dr. Amante ang Lunsod ng San Pablo sa pedestal ng paghanga ng mga kalapit bayan ganoon din ng marami pang lunsod saan mang panig ng bansa. Laging una ang mga San Pableño sa pagkakaroon ng mga bagay na ni sa guni-guni ay hindi nila naisip, kaya naman ang San Pablo City ang ginagawa nilang modelo partikular sa mga naglalakbay-aral.

Una tayo sa pagkakaroon ng One Stop Shop Processing Center kung saan ang transaksyon sa local na pamahalaan ay naisasagawa sa ilalim lamang ng iisang bubong. Lubha itong naging kapaki-pakinabang kaya naman ginawang huwaran ng DILG upang ipasunod at tularan ng marami pang Local Government Unit (LGU).

Nandyan din ang Agora-Type nating Shopping Mall na bukod tangi sapagkat mula sa kabang yaman ng lunsod nagbuhat ang ipinagpatayo, na hindi katulad ng sa mga mayayamang bayan na naitayo sa pamamagitan ng build-operate-transfer (BOT).

Si Dr. Amante ang unang naglapit at nagdala ng City High School Annexes sa mga barangay na sa ngayon ay mayroon nang 12 kampus sa nalooban ng 80 barangay ng lunsod. Ang alkalde rin ang nakaisip sa pagtatayo ng Dalubhasaan ng Lunsod ng San Pablo (DLSP) na pinakikinabangan na ng libo-libong mag-aaral, modernong 8-storey City Hall bldg., City Science High School at marami pang pagawain bayan na tayo ang una sa buong rehiyon tulad ng sanitary landfill.

At katatapos lang kamakailan ng State of the Art San Pablo City General Hospital.

Dahil dito ay umani na si Dr. Amante ng hindi na mabilang na pagkilala, pagpapahalaga at mga parangal.

Ang conferment sa kanya ng LSPU ng doctorate degree particular ng Doctor of Philosophy in Humanities (PhD) ay ang itinuturing niyang pinakamataas na parangal na kanyang natanggap sapagkat higit pa ito sa pagkilala, pagpapahalaga at parangal sa kanyang mga nagawa na, lalo pa’t buhat ito sa daigidg ng academe ng prestihiyusong unibersidad ng bansa.

“Ito ay isang hamon upang higit na pagbutihin pa ang aking paglilingkod” ayon sa alkalde nang magpasalamat siya kay Dr. Ricardo Wagan, pangulo ng LSPU. (Sandy Belarmino)

MAYOR VICENTE B. AMANTE, PhD

The Laguna State Polytechnic University (LSPU) conferred Doctor of Philosophy in Humanities (honoris causa) to San Pablo City Mayor Vicente B. Amante in an appropriate ceremony last Wednesday Feb. 24. The conferment is the academe’s recognition for Dr. Amante’s contribution in the field of public service, that for the last 20 years his dedication to duty was the living proof of his aspirations to the common good. That for so many terms as a city executive, had touched the lives of his constituents and has brought the city to a greater glory.

MAYOR VICENTE B. AMANTE, GINAWARAN NG DOCTORATE DEGREE

San Pablo City, Laguna – Sa seremonya na may temang World Class University to a world class City of San Pablo ay ginawaran ng Laguna State Polytechnic University (LSPU) si Mayor Vicente B. Amante ng lunsod na ito ng Doctor of Philosophy in Humanities (Honoris Causa) noong Miyerkules ng hapon.

Ang nasabing doctorate degree ay ang pinakamataas na pagpapahalaga na natanggap ng alkalde buhat sa hanay ng academe sa loob ng limang termino niyang paglilingkod bilang punong lunsod, na ayon sa kanya’y isang panibagong hamon upang higit na pag-ibayuhin ang pagsisilbi sa bayan.

Isinagawa ang conferment sa pamamagitan ni Dr. Ricardo Wagan, ang pangulo ng LSPU na sinaksihan ng buong faculty ng naturang unibersidad, mga mag-aaral, pamilya ng alkalde, mga opisyal ng City Hall at pamunuan ng Dalubhasaan ng Lunsod ng San Pablo kung saan tumatayong founding president si Dr. Vicente B. Amante.

Si Dr. Vicente B. Amante ay isa sa mga lingkod bayang nagawaran na ng LSPU ng doctorate degree sa nakalipas na limampung taon mula nang matatag ang nasabing unibersidad, na kinabibilangan nina dating Speaker Jose de Venecia at Laguna 4th District Congressman Edgar San Luis.

Humigit kumulang sa 30 na ang nagawaran ng honorary degree ng LSPU sapul nang matatag, na kumakatawan sa maraming sektor ng lipunan sa loob at labas ng bansa. Bukod sa lunsod na ito ay may campus din ang LSPU sa Siniloan, Sta. Cruz at Los Baños, lalawigang ito.

Lubos na nagpapasalamat si City Administrator Loreto “Amben” Amante sa pamunuan ng LSPU sa napakalaking karangalang naipagkaloob sa kanyang ama at pamilya, kaalinsabay sa pagtanggap ng mga pagbati mula sa Asssociation of Barangay Chairmen, mga department head, mga kawani ng pamahalaang lunsod at DLSP. (Seven Lakes Press Corps/NCC-SAB)

CONGRESSWOMAN IVY ARAGO, GRAND SLAM AWARDEE BILANG OUTSTANDING CONGRESSMAN

San Pablo City - Naka-grand slam si Laguna 3rd District Congresswoman Maria Evita Arago nang muling mapili ng Congress Magazine bilang isa sa mga Outstanding Congressman sa taong 2009.

Magugunitang nagwagi si Arago ng kaparehong pagkilala noong unang taon niya sa Mababang Kapulungan nang 2007, naulit noong 2008 at 2009 dahil extra-ordinary performance sa Kongreso kung saan siya naging aktibo sa mga committee hearing at mismong sa plenaryo ng Lower House.

Nakapagtala ang mambabatas ng near perfect attendance na pinahalagahan ng house leadership at nakapagsulong ng humigit kumulang sa 80 panukalang batas kung saan 15 sa mga ito ay personal niyang iniakda at matagumpay na naidepensa sa floor debates.

Pinakabuhi na napagtibay ng bicameral committee ay ang panukalang batas HB 1387 na nagtatadhana ng pagtatatag ng Office for Person with Disability Affairs (PDAO) sa bawat bayan, lunsod at lalawigan.

Naging bahagi rin si Arago sa mga landmark legislations tulad ng Cheaper Medicines Bill at Mts. Banahaw and San Cristobal Protected Landscape Act na nalagdaan ng pangulo ng bansa.

Kasalukuyang ipinaglalaban pa ni Arago sa Kongreso ang kanyang mga panukalang batas na Magna Carta para sa mga Barangay Tanod, ang pagbabalik ng pitong lawa sa pamamahala ng city government ng San Pablo mula sa Laguna Lake Development Authority (LLDA), at pagtatayo ng Skills Training Center for out of school youth ng distrito.

Pina-follow up pa ni Arago sa Senado ang iba pa niyang panukala tulad ng pagtatayo ng Tuy-Baanan National High School sa Liliw, San Pablo City National Science High School, Mabacan National High School sa Calauan, Laguna; at San Benito National High School sa Alaminos.

Si Arago ay nasa kanyang unang termino bilang kinatawan ng ika-3 distrito ng lalawigang ito. (Seven Lakes Press Corps)

TODO UNLAD MALAMIG FESTIVAL, ISANG LINGGONG PAGDIRIWANG

San Pablo City - Nakatakdang ganapin ang ika-2 Todo Unlad Festival 2010 sa Brgy. San Jose Malamig dito sa Marso 13-19, na kapapalooban ng isang linggong pagdiriwang bilang pasasalamat sa kanilang mahal na patron saint sa patuloy na pag-unlad.

Katulad ng mga nagdaang kapistahan ay magkakaroon muli ng buong linggo ng gabi-gabing pagtatanghal na itataguyod ng mga opisyal ng barangay sa pangunguna ni Brgy. Chairman/ABC President Gener B. Amante.

Magiging open competition ang gagawing Search for Miss Gay San Jose sa unang gabi ng Marso 13, samantalang bukas lang sa mga San Pableño ang KANAYON Talent Night and Singing Contest sa Marso 14 na itataguyod ng Pharmawealth at Universal Robina Corporation.

Ang DSL Night-Dance Competition ay bukas din sa publiko sa Marso 15 at ang Mayor’s Night – San Jose Got Talent ay para lang sa mga residente ng barangay at mga kawani ng mga institusyong nasasakupan nito sa Marso 17. Ang Marso 16 naman ay para sa SK Night.

May malaking pagtatanghal sa Barangay Council’s Night – Starry Starry Night na kapapanooran ng variety shows ng mga artista buhat sa pinilakang tabing at telebisyon sa Marso 18 at Battle of the Band sa Rondel Diaz Night, araw ng kapistahan Marso 19 kung saan sa umaga ay may gaganaping Palarong Bata at Bata Batuta.

Inaasahang ibayong kasiyahan ang naghihintay sa mga makikipagdiwang sapagkat ang Todo Unlad Malamig Festival ay ang natatanging barangay sa lalawigan na nagdaraos ng kakaibang pestibal sa kanilang kapistahan. (SANDY BELARMINO/VP-Seven Lakes Press Corps)

Friday, February 26, 2010

COMELEC RULES, IPINAUNAWA NI OIC ARBILO

Pinulong ni OIC Patrick H. Arbilo ng City Election Office ang mga punong barangay ng lunsod, kasama ang hepe ng kanilang barangay tanod, noong Biyernes ng hapon sa PAMANA Hall sa City Hall upang ipaunawa ang mga itinatagubilin ng Resolution No. 8758, upang ganap na maipatupad ang mga iniuutos ng Republic Act No. 9006, na lalong kilala bilang “Fair Election Practices Act “ kaugnay ng nalalapit na halalan sa Mayo 10, 2010.

Ang campaign period para sa mga posisyong panglokal ay magsisimula na sa Marso 26, araw ng Biyernes.

Dumalo rin ang mga kinatawan ng Department of the Interior and Local Government, ng Philippine National Police, at ng Armed Forces of the Philippines. Dumalo rin ang ilang kinatawan ng Seven Lakes Press Corps bilang pakikipagtulungan upang maging mabilis at malawakan ang desiminasyon ng mga mahahalagang impormasyon mula sa COMELEC sa mga karaniwang mamamayan.

Tinawag na Forum on Fair Election Practices Act, inisa-isa ni Arbilo ang mga campaign materials na inihanda ng labag sa ipinaiiral na mga batas at alituntuning panghalalan, at ang mga kapangyarihan at pananagutan ng mga punong barangay, at ng kanilang mga tanod na ipatupad ang alituntunin sa kanilang hurisdiksyon.

Ipinaliwanag din ni Arbilo ang mga pamamaraan ng pagpapatupad ng batas, lalo na ang mga pagtatanggal ng mga propaganda materials sa labas ng lawak na itinakda para pagkabitan ng mga poster. Kasama na ang pagpapaalaalang maaari lamang maglagay ang isang kandidato ng kanyang mga poster o tarpaulin sa mga pribadong lugar sa kapahintulutan ng may-ari ng gusali o istraktura, kasama na ang mga pader o bakod, subali’t dapat ay tama ang sukat sa pamantayang itinatakda ng Commission on Elections.

Napag-alamang bawal ang pangangampanya sa Araw ng Huwebes Santo at Biyernes Santo, gayon din sa Mayo 9 o sa bisperas ng halalan., at tulad ng ano mang kabawalan, ang mga mararapatang lalabag dito ay malalapatan ng disiplina o kaparusahan.

Bago ang Forum on Fair Election Practices Act para sa mga pinunong nayon, napag-alamang una ng pinulong ni OIC Patrick H. Arbilo ang mga kandidato sa mga posisyong panglokal na ginanap sa Barangay Training Center noong Biyernes ng umaga, upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan sa magkabilang panig sa panahong ipinatutupad na ang batas.

Samantala, napag-alamang sa nakaraang buwanang pulong ng Liga ng mga Barangay, ang mga punong barangay sa lunsod ay pinaalalahanan ni Pangulong Gener B. Amante na pagkakalooban ng laya ang lahat ng pangkat ng kandidato na makapamahayag sa nasasakupan ng kanilang pananagutan.At napatunayan na sa nakaraan na ang pinunong nayon sa sakop ng Lunsod ng San Pablo ay “civil” at demokratiko, at simula noong halalan noong 1987, pagkalipas ng Rebolusyon sa EDSA, ay walang karahasang nagaganap na maiuugnay sa pagkakaiba-iba ng paniniwalang pampulitika. (Seven Lakes Press Corps)

Thursday, February 25, 2010

ELEKTRIPIKASYON SA CALABARZON ROAD

Nang makipagkita sina Konsehal Jaime M. Banzuela at ABC President Oscar M. Masa noong nakaraang Linggo ng umaga kina Congresswoman Ma. Evita R. Arago at District Engineer Federico L. Concepcion sa isinagawang Barangay Day sa Sityo Baloc, nabatid mula sa mambabatas na sa ilalim ng subsidy policy ng pamahalaan ay masasakop ng Rural Electrification Program ang paglalagay ng mga linyang sekondarya ng kuryente sa kahabaan ng Alaminos Section ng San Pablo City – Lipa City Road, na lalong kilala sa katawagang CALABARZON Road, upang ito ay masama sa service area ng Manila Electric Company (MERALCO). Subali’t ang pagsasapalatuntunan nito ay isasagawa pagkalipas ng May 10, 2010 National and Local Elections, sa dahilang sa tagubilin ng Department of Energy ay wala munang pagpapalawak ng serbisyo ng kuryente ang ipatutupad dahil sa isinasagawang paghahanda upang magtagumpay ang paggamit ng computer sa isasagawang halalan.

Nangangamba ang mga policy-maker ng pamahalaan na ang ano mang ekspansyon sa lawak na pinadadaluyan ng kuryente ay maaring makapagpataas sa posibilidad ng brown-out sa panahon ng halalan.

Magugunitang sa inisyatibo nina Konsehal Jaime M. Banzuela at Oscar M. Masa ay napagtibay ang isang kapasiyahan na humihiling sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na ang 7.4-Kilometer Alaminos Section ng CALABARZON Road ay malagyan ng mga linya ng kuryente, sa dahilang ang mga barangay na tinatahak nito ay klasipikasyong Industrial Zone noong pang 1989 sa inisyatibo ni Alkalde Samuel F. Bueser sa dahilang ang topograpiya at heograpiya nito ay angkop para pagtayuan ng mga bodega na mapag-iimbakan ng mga kalakal na ipapasok sa International Port of Batangas.

Sa pag-aaral ng National Economics and Development Authority (NEDA), dahil sa makitid ng green belt o kakahuyan sa paligid ng Port of Batangas, ang storage facilities o mga bonded warehouses ay dapat itayo pagkalampas ng Poblacion ng Lipa City at ito ay mga lupa ng Santo Tomas sa Batangas at Alaminos sa Laguna. Maraming interesadong dito sa Alaminos magtayo ng bodega at light industry dahil sa ang bayang ito ay tinatahak ng Maharlika Highway na main corridor mula sa Maynila patungong Katimugan ng bansa. Tatahakin din ito ng Proposed Extension ng South Luzon Expressway na binabalak ituloy hanggang Lucena City kaya interesado si Congresswoman Ivy Arago na ang Alaminos Section ng San Pablo City – Lipa City Road ay malagyan kaagad ng mga linya ng kuryente para mapasigla at mapabilis ang pagkakaroon ng mga developmental activities sa nabanggit na munisipyo. (Ruben E. Taningco)

TEAM "AA", GAGABAY TUNGO SA KAUNLARAN

Alaminos, Laguna - Naninindigan ang maraming lider barangay sa bayang ito na ang Tambalang Ruben D. Alvarez at Benito D. Avenido, na karaniwang tinatawag na “Team AA”, kung mahahalal na lahat o kung sila ang makakakuha ng mayorya sa sangguniang bayan ay may katiyakang magagabayan nila ang mga mamamayan tungo sa isang maunlad na pamumuhay.

Si kasalukuyang Vice-Mayor Ruben D. Alvarez, na naghain ng kandidatura sa pagka-Alkalde, ay nagsimula sa paglilingkuran bilang isang pinunong barangay, na naging daan upang siya ay higit na makilala na naging daan upang tatlong ulit na mahalal bilang Number One Councilor, at pagkatapos ng kanyang three-term ay mapaluklokl na Pangalawang Punong Bayan dito. Kaya nasa kanya ang sapat na katangian at karanasan upang maging punong tagapagpaganap ng bayang ito na mayroon ng populasyong mahigit sa 40,000.

Samantala si Konsehal Benito D. Avenido ay dating officer ng Rural Bank of Alaminos, kaya siya ay nagkaroon ng malawak na kabatiran at unawa sa micro-financing na makatutulong upang ang mga residente ay mahikayat na magkaroon ng sariling hanapbuhay, o maging bahagi ng informal labor sector.

Ang bumubuo ng mga pambato ng PDSP/Liberal Party ay sina Vice Mayor Ruben Donato Alvarez sa pagka-Alkalde, Konsehal Benito D. Avenido sa pagka-Bise Alkalde, at sina Konsehal Jaime M. Banzuela, Konsehal Rocel A. Macasaet, Rodolfo B. Jampas, Edgardo B. Faylona, Rolando L. Perez, Harold C. Jaron, Elvie K. Manalo, at Renato S. Ramos sa pagka-Konsehales. Sila ay kumakatawan sa iba’t ibang disiplina ng kaisipan, na pawang naniniwalang ang kaunlaran ng isang munisipyo ay salig sa kaunlaran ng bawa’t barangay na bumubuo nito, at ang kaunlaran ng mga barangay ay salig sa barangay development plan. Na kanilang nakasanayan ng gawain.

Ayon kay Alvarez, lubhang kailangan ang barangay development planning sapagka’t isang katotohanang limitado ang pinagkakakitaan ng pangasiwaang munisipal, at ang barangay development planning ang gagabay upang maayos na mapag-una-una ang mga palatuntunang ipatutupad, na kung makakaugnay-ungay ay magiging daan tungo sa higit kaunlaran ng buong munisipyo. (Sandy Belarmino)

Wednesday, February 24, 2010

PITONG KILOMETRONG LANSANGAN SA ALAMINOS, PAUUNLARIN NG DPWH-SAN PABLO

Bunga ng maayos na rekomendasyon ni Congresswoman Ma. Evita R. Arago, na tugon sa nagkakaisang kahilingan nina Vice Mayor Ruben D. Alvarez, Councilor Jaime M. Banzuela, Punong Barangay Urbano Balog ng San Gregorio, Punong Barangay Eustaquio Abril ng San Roque, Punong Barangay Ramel Banzuela ng San Miguel, at Punong Barangay Ernesto Sahagun ng Santa Rosa, ang pitong (7) kilometrong seksyon ng lansangan sa Ibayiw na tumatahak sa nabanggit na mga barangay ay lalatagan ng asphalt overlay ng Laguna Sub-District Engineering Office na naka-base sa San Pablo City, na sang-yon kay District Engineer Federico L. Concepcion ay ipatutupad bago sumapit ang kalaghatian ng susunod na buwan ng Marso.

Ayon kay Konsehal Jimmy Banzuela na siyang pursigido sa pagpa-follow-up upang mabigyan ng DPWH ng prayoridad ang asphalting ng Ibayiw Road, ang lahat ng lansangang sa Poblacion ay nalagyan na ng asphalt overlay na nakatulong ng malaki upang mapasigla ang pagpasok ng mga turista sa Hidden Valley Resort sa Calauan, gayon din ang kahabaan ng Maharlika Highway na pinalawak pa ang roadway at nilagyan ng kongkretong wheel guard para sa kaligtasan at katiwasayan ng mga motoristang nagdaraan sa pambansang lansangan. Kaya nilinggo-linggo niya sa Congresswoman Ivy Arago para hilingin sa DPWH na ang Ibayiw Road ay masama sa mga proyektong ipatutupad bago ipatupad ang ban o pagpapatigil sa mga paggawaing bayan dahil sa nalalapit na araw ng halalan.

Kung isasaalang-alang ang ulat ng National Statistics Office, ang tuwirang makikinabang sa pagpapaunlad ng pitong kilometrong seksyon ng lansangan ay 10,282. Ang kabuuang populasyon ng Alaminos ay 40,387.

Nang makipagkita sina Konsehal Jimmy Banzuela at ABC President Oscar M. Masa kay Congresswoman Ivy Arago noong Linggo ng tanghali, nabanggit ng Pangulo ng Liga ng mga Barangay na ang bawa’t barangay sa Alaminos ay may malinaw na tatak na “Ivy Arago” at bibilang ng maraming taon bago ito malimutan ng mga mamamayan dito.

Bukod sa ang lahat ng lansangan dito ay napaunlad sa tulong ng intervention ni Ivy Arago, ang karagdagang tulong ng bawa’t barangay ay barangay hall, o covered court, o gusaling pampaaralan, o mga multicab. o palatuntunan sa pagtatanim ng iba’t ibang gulay, at mga panglilingkod na panglipunan at pangkalusugan, pag-aalaala ng dalawang konsehal. (BENETA News)

IKAKANDIDATO NG BIGKIS NG PAGKAKAISA

Sa ilang kalakarang kukos na isinasagawa kung malapit na ang panahon ng halalan, taas-noong humaharap sa mga mamamayan ang tambalan nina Mayor Vicente B. Amante, reeleksyonista, at Concejala Angelita “Angie” Lozada Erasmo-Yang, naghahangad na maging Bise Alkalde,

Naglahad ng kandidatura bilang isang nominee ng LAKAS-KAMPI-CMD si Alkalde Vicente B. Amante ang tagapanguna sa tiket ng Bigkis Pinoy, ang kowalisyon sa Lunsod ng San Pablo ng mga kasapi ng LAKAS, PDSP, KAMPI, CMD, at Partido Liberal, na nagtataguyod ng higit na maunlad na palatuntunan sa paghahatid at pagkakaloob ng mga paglilingkod na pang-edukasyon, pangkalusugan, at panglipunan, na salig sa umiiral na mapayapa at panatag na kapaligiran.

Ang mga nagsipaglahad ng certificate of candidacy para maging kagawad ng Sangguniang Panglunsod sa City Election Office noong Disyembre 1, 2009 sa ilalim ng Pangkating Bigkis Pinoy ay sina Concejal Dante B. Amante, dating Concejal Edgardo D. Adajar na naging isa ng three-termer councilor; dating Concejal Arthur U. Bulayan na kumakatawan sa mga magtatanim ng niyog at mga nagsisipaghalaman; , Rondel Diaz na isang kabataang negosyante; Prof. Eduardo O. Dizon, Ph D in Education, na dati na ring konsehal at isa sa naging tagapagtatag ng Dalubhasaan ng Lunsod ng San Pablo (DLSP); Secretary to the Mayor Rodelo U. Laroza na dati na ring three-termer councilor, Dr. Eman Loyola na isang kilalang general surgeon sa CALABARZON at lider sibiko; Punong Barangay Wilson Maranan na isang labor leader at kasalukuyang isang supervisor sa PLDT-San Pablo Business Office; Bantay Bayan Chairman Marcelino C. Rogador na kusangloob na nakikipagtulungan sa pangangalaga ng kapayapaan at kaayusan ng pamayanan; at Punong Barangay at College Instructor Arnel “Bobot” Cabrera Ticzon na malawak ang karanasan sa larangan ng pagpapaunlad ng kultura at sining. Si Bobot Ticzon ay tumapos ng karunungan sa University of the Philippines sa Diliman bilang “Iskolar ng Bayan.”(Ruben E. Taningco)

Friday, February 19, 2010

BEST TOURISM ESTABLISHMENTS SA LAGUNA, MATATAGPUAN SA SPC

San Pablo City – Kabilang ang Maria Paz Royale Garden Resort ng Brgy. Sta. Filomena, The Coco Palace Hotel ng Brgy. San Francisco, Palmera’s Garden Restaurant ng Brgy. San Rafael, Sulyap Gallery Café ng Brgy. Del Remedio at Exact Petroleum (TOTAL) Service Station ng Brgy. San Rafael sa mga nahirang sa gaganaping “12th Search for the Best Tourism Establishments in the Province of Laguna”.

Ang parangal ay gaganapin sa FAITH Training Center, Provincial Capitol Compound, Sta. Cruz, Laguna sa darating na March 12, 2010, sa ganap na ika-5:00 n.h. Ito ay sa pangunguna ng Provincial Tourism Office sa ilalim ng pamumuno ni Gov. Teresita s. Lazaro .

Ang araw ng parangal ay maituturing na isa sa highlights ng Anilag Festival, ang tinuturing na “Mother of All Festivals in Laguna” kung saan ay nasa ika-6 na taon na ng selebrasyon at dalawang beses ng naparangalan bilang “Philippines’ Best Tourism Event for 2009” . (CIO-SPC)

SPC NABIGYAN NG MGA PROYEKTO NG PROVINCIAL GOV'T

San Pablo City – Malugod na tinanggap ng mga barangay officials na nasasakop ng 3rd District ng Laguna kabilang ang San Pablo City ang mga symbolic checks ng iba’t-ibang infra projects mula sa Provincial Government.

Ang awarding ng projects na isinagawa noong Pebrero 15, 2010 sa Flag Raising Ceremony ay pinamunuan nina Provincial Administrator Dennis Lazaro, Mayor Vicente Amante, City Administrator Loreto Amante, Bokal Rey Paras, Mayor Cesar Perez ng Los Banos at Vice-Mayor Antonio Aurelio ng Rizal.

Ang ilan sa mga barangay na makikinabang sa mga naturang proyekto dito sa lunsod ay ang mga sumususunod: 2 storey/4classroom building (Php 3,455,960.00), Bagong Lipunan Elementary School sa Brgy. Sta. Monica; rehabilitation of GSP Bldg. (Php 442,550.00) sa Brgy. IV-C; rehabilitation site development of Recreational Ground ng Sampaloc Lake (Php 475,900.00); concreting of barangay road (Php 623,734.00) sa Brgy. San Francisco; 2 storey Barangay Hall (Php 1,277,864.00) sa Brgy. Concepcion; covered court (Php 1,857,050.00) sa Brgy. Sta. Maria Magdalena; materials for continuation of water system (Php365,800.00) sa Brgy. San Cristobal; completion of Barangay Hall (Php 478,600.00) sa Brgy. IV-E; 2 storey/4 classroom building (Php 4,711,400.00) sa Prudencia Fule Memorial School sa Brgy. San Nicolas; Barangay Road sa Brgy. San Lucas 2 (Php 500,000.00); feeder road (Php 314,437.00) sa Brgy. San Antonio 1; 2 storey Barangay Hall sa Brgy. San Ignacio (Php 1,284,687.00); Barangay Hall (Php 1,284,687.00) sa Brgy. San Mateo; at Barangay Hall (Php 284,687.00) sa Brgy. Santiago 2.

Kabilang sa mga nabigyan ng proyekto ay ang Alaminos, Calauan, Liliw, Nagcarlan, Victoria at Rizal. Ang lahat ng mga proyekto ito ay nagkakahalaga ng 54M kabilang na rin dito ang mga on-going projects sa Alaminos at Calauan. (CIO-SPC)

ILANG PINUNO NG LALAWIGAN BUMISITA SA LUNSOD NG SAN PABLO

San Pablo City – Naging panauhing pandangal at nagbigay ng kani-kanilang mensahe sina Laguna Administrator Dennis S. Lazaro, Board Member Rey Paras, Mayor Caesar Perez ng Los Banos, at Vice Mayor Antonio Aurelio ng Rizal sa isinagawang Flag Ceremony ng Pamahalaang Lunsod noong nakaraang Pebrero 15, 2010.

Inihayag ni Mayor Perez na pangunahing programa niya ang pagpapalakas ng mga sangguniang barangay. Naniniwala siya na kung malakas ang bawat barangay sa buong Lalawigan ng Laguna na may kabuuang bilang na 674 ay lalakas din ang Pamahalaang Lokal ng bawat bayan na siya namang magpapalakas sa buong lalawigan.

Pinuri naman ni Bokal Rey Paras ang pagkakaroon ng disiplina sa bayan ng Los Banos sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Perez. Sinabi rin nito na ang serbisyo ay makikita sa katauhan kung kaya’t kanyang pinapanatili hanggang ngayon ang disiplina magmula pa noong siya’y isang alagad ng batas hanggang siya’y mabigyan ng pagkakataon na makapag-lingkuran bilang Bokal.

Pag-asa naman ang hatid ni Laguna Administrator Dennis S. Lazaro. Binanggit nito ang tatlo sa sampung dahilan na may pag-asa ang ating bansa. Una dito na ang Pilipinas ay mayaman sa yamang dagat na maaaring kunan ng napakaraming ikabubuhay ng bawat mamamayan. Pangalawa ay marami pang magaganda at makapigil hiningang lugar turismo ang bansa at pangatlo ang mga bagong sibol mula bagong henerasyon ng mga lingkod bayan na pawang mga agresibo at result oriented. Ayon kay Lazaro, malaking pag-asa ang hatid ng mga bagong sibol na pinuno kasama ang mga kawani ng pamahalaan para sa isang maunlad na Laguna. Masaya rin nitong inihayag na nakahanda ng ipamigay sa susunod na buwan ang mga gamot para sa 674 barangay sa lalawigan ng Laguna. Binanggit rin nito na kabilang sa taunang Proposed Annual Budget ng lalawigan ay 20M para sa lahat ng mga senior citizens at 32M para sa Lunsod ng San Pablo.

Sa huli’y inihayag ni Mayor Vicente Amante na importante ang pagkakaroon ng “continuity of service” sa Lalawigan ng Laguna lalo’t higit sa ika-tatlong distrito kung kaya’t sinabi nitong mahalagang magkakapartido o magkaka-alyansa ang pipiliin ng mga botante upang ito’y masiguro. Idinagdag pa nito ang kanyang katuwaan na siya’y nabigyan muli ng pagkakataon ng kasalukuyang Administrasyon ng Pamahalaang Lalawigan ng Laguna. (CIO-SPC)

SPC PNP - BEST POLICE STATION

Malugod na ipinabahagi nina P/Supt Raul Bargamento, Chief of Police at P/SInsp Rolando Libed ng SPC-PNP kay Mayor Vicente Amante sa nakaraang Pagtataas ng Watawat nuong Pebrero 10, 2010, ang Award of Merit na natanggap ng San Pablo City Police Station bilang Best Police Station para sa 2009 sa buong CALABARZON Region.

Kaugnay nito ay ginawaran rin ng parangal bilang Best Chief of Police si P/Supt Bargamento. Ang parangal na Best Police Station ay para sa “Model Transformation Program Award Category” . Ang gawad parangal ay tinanggap ni P/Supt Bargamento nuong Pebrero 10, 2010 sa Camp, Vicente Lim, Calamba City kaugnay ng pagdiriwang ng 19th PNP Anniversary. Mismong si Gen. Jesus A. Versoza, PNP Chief ang naggawad ng nasabing parangal.

Nakamit ng San Pablo City PNP ang nasabing parangal sa magandang ugnayan ng kapulisan sa mga mamamayan at pakikipagtulungan ng Pamahalaang Lunsod sa pamumuno ni Mayor Amante sa mga programa at proyekto ng himpilan ng pulisya.

Matatandaan din na ang SPC-PNP ay ginawaran naman ng 2nd Best Police Station sa buong Lalawigan ng Laguna nuong nakaraang taon. (CIO-SPC)

Wednesday, February 17, 2010

ENRILE AT ESTRADA, TUMUTULONG SA SAN PABLO

Nang dumalaw si Senate Protempore Jinggoy Ejercito Estrada sa San Pablo City General Hospital noong Martes ng tanghali, Pebrero 16, ay binigyan niya ng katuparan ang kanyang pangako kay Alkalde Vicente B. Amante na magkakaloob ng tulong sa ijplementasyon ng mga palatuntunang pangkalusugan ng pangasiwaang lunsod, at ito ay ang tseke para sa halagang P3-milyon na gagamitin para higit pang mapaunlad ang mga kagamitan ng ospital ng pangasiwaang lokal. Nangako rin ang senador na tutulungan niya ang punonglunsod sa pagpa-follow-up upang madali na ang pagpapatibay ng Secretary of Health sa permit-to-operate sa nabanggit na ospital gaya ng nakatadhana sa mga umiiral na batas sa bansa.

Kung isasaalang-alang ang kalalagayan sa pananalapi ng Pangasiwaang Lunsod ng San Pablo, hindi inaasahan ng pinaka-Pangalawang Pangulo ng Senado na maitatayo ang nabanggit na general hospital, na hindi nagawa ng mga mayayamang lunsod sa Metropolitan Manila.

Sa katotohanan, sa pagdalaw ni Jinggoy Estrada, ay dala na rin niya ang tseke para P2.5-milyon na kaloob ni Senate President Juan Ponce Enrile para naman sa indigency program ni Alkalde Vicente B. Amante bilang pag-unawa sa kabiguan ng sangguniang panglunsod na mapagtibay ang taunang badyet na magpapahintulot na maipagkaloob ng pangasiwaang lokal ang mga pangunahing pangangailangang pangkalusugan ng mga mahihirap na residente ng lunsod.

Ayon kay Jinggoy Estrada, namo-monitor ng kanilang tanggapan na ang pagtulong pangkalusugan ni Alkalde Vic Amante ay hindi limitado sa sakop ng teritoryo ng San Pablo, kung kinakailangan ay inihahatid ang mga pasyente sa mga specialized hospital sa Metro Manila kung saan may higit na mga makabagong kagamitan sa paggagamot batay sa dumadapong karamdaman.

Sina Senate President Juan Ponce Enrile, at Senate Protempore Jinggoy Ejercito Estrada ay kapuwa reeleksyonista sa pagka-Senador sa ilalim ng Puersa ng Masang Pilipino. (Ruben E. Taningco)

Sunday, February 14, 2010

PAGDIRIWANG NG BUWAN NG KABABAIHAN GAGANAPIN SA DARATING NA MARSO

Puspusan ang ginagawang paghahanda ng Gender and Development Council sa pangunguna nina Mayor Vicente B. Amante at Konsehala Ellen T. Reyes kasama ang SPC Women, Family & OFW Center para sa pagdiriwang ng Buwan ng mga Kababaihan ngayong Marso na may teman “Babae, Tagumpay ng Bayan”.

Sa Marso 1 ay gaganapin ang isang symposium na tatalakay sa mga karapatan ng mga kababaihan, partisipasyon sa komunidad, epektibong pamumuno at Magna Carta of Women. Magpapalabas din ng isang dokumentaryong ukol sa pangangalaga ng kalikasan. Ang mga naturang programa ay gaganapin sa One Stop Processing Center mula 9:00 n.u-4 n.h.

Sa Marso 8 naman bilang selebrasyon ng “International Women’s Day” ay magrereport ang SPC Women, Family & OFW Center ng 2009 Accomplishment Report sa Pagtataas ng Watawat sa One Stop Processing Center. Pagkatapos nito ay agarang isasagawa ang motorcade na dadaluhan ng iba’t ibang organisasyong pangkakabaihan ng lunsod at ilang pang samahan na sumusuporta sa mga karapatan ng mga kababaihan.

May inihanda ring Libreng gupitan sa Marso 15 at Women’s Entrepreneurship Exhibit mula Marso 15 hanggang 19, Free training sa Food Processing – Marso 19, Fashion Accessories Making – Marso 22-23 at Flower Arrangement Training – Marso 24-25 Blood Letting- Marso 29 at Free Medical/Dental Clinic- Marso 30 na gaganapin sa PAMANA Covered Court mula 9:00 n.u-4:00 n.h. (CIO)

Saturday, February 13, 2010

BAGONG PAG-IBIG FUND CONTRIBUTION, TINALAKAY

Ipinaliwanag ni Bb. Verona Saylon, Marketing Specialist ng PAG-IBIG Fund sa nakaraang Flag Raising Ceremony noong Pebrero 8, 2010 ang bagong patakaran na nakaloob sa pinirmahang Republic Act No. 9679 o Home Development Mutual Fund Law of 2009. Nakapaloob dito na ang lahat na regular o kaswal na kawani ng pamahalaaan ay mandatoryong magmimiyembro sa Pag-ibig Fund na nasasakop ng Social Security System (SSS) o ng Government Service Insurance System (GSIS). Kabilang rin sa mandatong ito ang mga empleyado na datihan ay hindi sakop ng Pag-ibig Fund sa kadahilanang ang kanilang kinikita ay hindi hihigit sa apat na libong piso(Php 4,000.00).

Inaatasan rin ang lahat ng mga kumpanya na siguruhin na ang kanilang mga empleyado na hindi pa nasasakop sa Pag-ibig Fund ay mapaparehistro bilang miyembro mula Enero 1, 2010. Obligasyon rin nitong bawasan ng kontribusyon kada buwan ng isang porsyento (1%) para sa may monthly compensation na Php 1,500.00 pababa at dalawang porsyento (2%) kung higit pa dito. At tutumbasan naman ito ng mga kumpanya ng dalawang porsyento kada buwan. Sa huli’y sinabi ni Bb. Saylon na bagamat ito’y dagdag bayarin para sa mga kawani ay isipin na lang ang benepisyong maaring matanggap mula sa kaunting sakripisyo. Idinagdag anunsyo naman ni City Accountant Lolita C. Cornista na lahat ng wala pang Philhealth Number ay magsadya sa kanilang tanggapan.

Para sa dagdag katanungan ukol sa mga mandatong nakapaloob sa Home Development Mutual Fund Law of 2009 (R.A. No. 9679) ay maaaring tumawag sa Tel. No. (049)545-1278 loc. 112 at hanapin si G. Donald F. Alilio o Bb. Margarita B. Arnedo, Pag-ibig Fund, Calamba Office. (cio-spc)

NEGOSYO AT PULITIKA

Sa pagsisimula ng official campaign period ng mga national candidates noong Martes kung saan ay siyam ang pangunahing kandidato sa panguluhan ng bansa ay lumitaw na isa o dalawa lamang sa mga ito ang may kakayanang tustusan ang kanilang tatlong buwan kampanya.

Ang iba na may pag-asang magwagi kung mabibigyang rangya ang kanilang kampanya ay malalagay sa katayuang ang kasawian ang naghihintay, na isang kalagayang posibleng sugalan ng ibat-ibang interes.

Ito ang nagpapahirap sa ating bayan sa ngayon sa dahilang ganito ang naging kalakaran ng ating eleksyon na minana pa natin sa mga henerasyong ating sinundan.

Dapat nating isaisip na pangulo ang isa sa marami nating ihahalal, siya ang magiging pinakamakapangyarihan sa bansa na marapat lamang magpasalamat sa mandatong kaloob ng bayan, na maaari niyang gantihan ng matapat na paglilingkod.

Ganito sana ang matuwid at kinakailangang mangyari subalit hindi sapagkat kaakibat ng mandatong tinanggap ang pagbabayad ng utang na loob sa animo’y mga usurerong nagpaluwal upang matustusan ang gastos sa kampanya.

Ito ang simula ng lahat na sanhi ng sapin-sapin nating pagdurusa – ang pagtanaw ng utang na loob sa mga negosyanteng nag-finance sa kanyang kandidatura na ang katumbas ay prankisa ng karapatang dayain ang taumbayan.

Ngayong eleksyon ay kaiingat kayong lahat na manghahalal. Inyong bantayan ang mga kandidato at mga lapiang kinakapos sa pondo sapagkat kung sinong mga negosyante ang umaalalay sa kanila, sa pag-upo ng inyong inihalal ay sila rin ang magnenegosyo sa pondo ng mga mamamayan. (nani cortez)

Friday, February 12, 2010

MABUHAY SI NOYNOY

NAMATAY SI NINOY, ANG BANSA’Y NAGISING
MULA SA BANGUNGOT, NA PAGKAKAHIMBING
SA PAMAMAGITAN NG, TAPANG AT GITING
NI CORY AQUINO, MULING NAGLUNINGNING

AT KAILAN LAMANG, SA MUNDO’Y NAKITA
MGA PILIPINO, NA NAGKAKAISA
NAGLUKSA ANG LAHAT, PAGKAT PUMANAW NA
ANG INANG NAGBALIK, NITONG DEMOKRASYA

NAMATAY SI CORY, NA MAHAL NG LAHAT
MAKADIYOS.. MAKATAO, AT ISANG ALAMAT
ANAK NA LALAKE, SENADOR NA TAPAT
SI NOYNOY AQUINO, SA BANSA AY DAPAT

KARAPAT-DAPAT S’YA, NA MAGING PANGULO
AMA’T INA NIYA, ANG KANYANG IDOLO
SILA’Y MAPAGMAHAL, TAPAT SA SERBISYO
TANGGAL ANG KURAKOT, PAG SIYA’Y NANALO

MABUHAY SI NOYNOY, ATIN PONG TULUNGAN
GAWING PRESIDENTE, NITONG INANG BAYAN
DITO SA SAN PABLO, SIYA’Y ATING BIGYAN
NG BOTONG LULUPIG, SA MGA KALABAN

AT TAMANG-TAMA PA, ANG KANILANG TANDEM
‘PAGKAT SI MAR ROXAS, LAHI NG MAGITING
MALINIS ANG RECORD, GINTO AT TAIMTIM
PAG-IBIG SA BANSA, AY WALANG KAHAMBING

MABUHAY SI NOYNOY, MABUHAY SI MAR
TAYO AY AAHON, MULA SA KUMUNOY
BANSANG PILIPINAS, HINDI TATAGHOY
AT KAUNLARAN NA, ANG MAGPAPATULOY

MAGANDANG BUKAS PARA SA MGA ANAK

Mahalaga lahat sa pitak na ito ang mga posisyong pinaglalabanan ngayong halalan subalit sa ganang akin ay higit kong pinagtutuunan ng pansin ang sa pagka-pangulo ng Pilipinas, Kongresista ng 3rd District ng Laguna at pagka-alkalde ng Lunsod ng San Pablo.

Hindi dahil sa minamaliit ng pitak na ito ang ibang pwesto na hindi nabanggit dahil ang totoo’y mahalaga ang lahatng ito dangan nga lamang at ang mga unang nabanggit ang may kinalaman sa aking pamilya bilang mga San Pableño.

Ang problema nga lamang ay sa ngayo’y wala pa akong napipili sa mga kandidato at iba pang sa kasalukuyan ay nagpapahiwatig na ng paglahok sa darating na halalan. Wala pa tayong presidenteng napupusuan dahil marami silang mapagpipilian na halos ay iisa ang mga katangian.

Simple lang naman ang ating pamantayan sa pagpili sa kandidato, sapat na sa pitak na ito iyong ang hangarin ay wagas na makapaglingkod sa bayan o iyong hindi mag-iimbot, sapagkat sa tuwina’y ang kinabukasan ng mga Pinoy ang isinasaisip.

Hanggang isang araw ay mapag-alaman ko sa talakayan ng aking pamilya na buo na ang kanilang pasya sa kung sino ang iboboto bilang presidente ng Pilipinas. Kay Senador Noynoy Aquino silang lahat na akin namang iginalang dahil ito ang kanilang pasya mula sa malayang pagpapalitan ng kuro-kuro.

Kumpleto na sila kung baga sa kung sino-sino ang iitiman ang ganang bilog sa balota. Ang kongresista ng ikatlong purok ng Laguna ay si incumbent Congresswoman Ivy Arago, San Pablo City Mayor Vicente Amante sa pagka-alkalde at kay Konsehala Angie Yang sa pagka bise-alkalde at ilan sa sampung konsehal ng lunsod.

Sabagay kako’y naunahan lang nila akong mag-isip dahil humigit kumulang ay ganito rin marahil ang komposisyon ng aking iboboto kung sakali, sapagkat tulad ng nasabi ko nang mga pamantayan. Nakaharap ako ngayon sa katotohanang isinaisip ng aking pamilya ang kanilang kinabukasan.

Kaya bilang pagsang-ayon ay simple rin ang nais ko sa pagkakataong ito. Obligado para sa kanilang kinabukasan, ako’y buong pusong susunod sa kanilang pasya alang-alang sa maganda nilang bukas. (SANDY BELARMINO)

AN OPEN LETTER FROM COL. ARIEL O. QUERUBIN

SA AKING MAHAL NA KABABAYAN…

May God Almighty be with you!

I have no doubt in my mind that the Lord has all the while been preparing me for public service. I was left for dead in 1989. He allowed me to spring back to life. I have been imprisoned as a soldier, but I fully regained the honor after having been awarded the Medal of Valor in 2001. As my military career was very much back on track, I was again challenged to choose between right and wrong, between honor and injustice, between good and evil.

Even as we all work for a vibrant and prosperous Philippines, my dream is for every Filipino to enjoy the essence of freedom from poverty, fear and injustice, to feel the tangible benefits of good governance and to live comfortably in a society that fosters the unity of the family, protects human rights, and upholds the dignity of all.

I have not had an easy life. My life story has been replete with vivid encounters with injustice, poverty, corruption and war. These painful experiences have shaped this dream. I never succumbed to the lure of material wealth. The physical, mental, and emotional hardships have been painful, but I never sold my soul.

As a young soldier, armed with idealism and the fire of youth, I have offered my life to defend the country from ALL, its enemies. I have suffered long and hard for the principles that I hold dearly. Many of my loved ones have suffered with me – maybe not physically, but certainly have shared in the misery and hardships that I have endured. The fire of idealism still burns in me, but I have been wiser not to engage fire with fire.

With a lot of circumspection and prayer, I have decided to run for the senate in 2010. I have no political pedigree. I have no political machinery. I have no financial resources. But I do have honor. I do have principles. I do have courage. TAPANG at PRINSIPYO lang po.

I believer I am ready to take on this new role, with your prayers and support the dream is not too far-fetched. It takes the collective effort of every member of this society to make things improve for a country in disarray…a country whose hope is running dry.

All I can do, on my end, is to make the best effort possible to make society better, stand by my principles, and fight for what is right. This I will do, if not for myself and our generation, then at least for our young children. There is still hope for this country and people we just have to unite for change.

Warm personal regards and God bless. Mabuhay ang Pilipinas!

Sincerely yours,

COL. ARIEL O. QUERUBIN

Sunday, February 7, 2010

RLE ng LC sa LPH

Kaugnay ng requirement upang ganap na makapagtapos ng kursong Nursing sa Laguna College (LC), ay nararapat na makatapos ng Related Learning Experiences (RLE) ang bawat estudyante ng naturang kolehiyo upang maging handa ang mga ito sa akwal na gawain ng isang nurse sa pagamutang pampubliko. Ang mga nasa larawan ay sina (L-R) Clinical Instructor Mark Jay Prenda, Sirach Aguilar, Chelo Atienza, admin officer Tita Eve, Jonelie Joy Constantino, Joanna Finna Belarmino at Josaphat Belen matapos ang mga ito’y makapagsanay sa Laguna Provincial Hospital (LPH) sa gawi ng Sta. Cruz Laguna. (Sandy Belarmino/VP-Seven Lakes Press Corps)

Monday, February 1, 2010

SI CONGW. IVY ARAGO AY BUMABATI SA INC-SAN PABLO CITY

Bilang kinatawan ng mga mamamayan sa Ika-3 Distrito ng Laguna, si Congresswoman Ma. Evita R. Arago ay nagpapaabot ng pagbati sa kongregasyon ng Iglesia Ni Cristo sa Lokal ng San Pablo City alang-alang sa pagsapit ng kanilang ika-78 anibersaryo ng pagkakatatag ngayong darating na Lunes, Pebrero 22, 2010

Ang makasaysayang araw ay gugunitain sa pamamagitan ng pagtataguyod ng isang Pamamahayag ng mga Salita ng Dios na gaganapin sa susunod na araw ng Martes, Pebrero 23, sa kanilang Gusaling Sambahan sa kahabaan ng Dr. Fernando Bautista Street sa Barangay IV-B, simula sa ika-7:30 ng gabi.

Nagugunita ni Congresswoman Ivy Arago na ng magdaan ang Bagyong Ondoy dito sa Laguna, nang kaagad ay maghatid siya ng tulong sa mga biktima ng baha sa ilang barangay sa Victoria, ay kanilang namonitor sa frequency ng isang isang amateur radio group na halos ay kasabay niyang ang kapatiran ng Iglesia Ni Cristo sa Lokal ng San rPablo City ay nagpadala na rin kaagad ng tulong na pagkaing madaling lutuin, at mga damit para sa mga bata sa ilang coastal barangay sa Pila at Santa Cruz na naapektuhan ng pagtaas ng tubig sa Laguna de Bay

Sang-ayon sa mga matatandang kaanib sa INC-San Pablo City ay nagsagawa ng unang pagsamba, na nagbabadya ng pormal na pagkatatag nito noong Pebrero 22, 1932 sa tahanan ng mga Cierte sa kahabaan ng Daang Andres Bonifacio sa Ylaya pagkatapos ng isang maramihang pagbabawtismo sa mga unang kaanib na ginanap sa Ilog Magampon sa San Rafael na personal na pinangasiwaan ng namayapang Kapatid na Felix Y. Manalo.

Ang Lokal ng San Pablo City ay kongregasyon ng mga kaanib na naninirahan sa kalunsuran at mga kanugnog na barangay. Kaya bukod dito, ang Iglesia NI Cristo ay may siyam (9) pang lokal na nakatatag sa siyam (9) barangay ng lunsod na pawang may ministrong nangangalaga, at nagtataguyod ng pagpapalaganap ng mga aral na kanilang sinasampalatayan, na pinaniniwalaan ni Congresswoman Ivy Arago na nakatutulong ng malaki upang mapangalagaan ang katahimikan at kaayusan ng pamayanang lunsod. (Sandy Belarmino)

PASALUBONG NI LOREN

Ang naganap na pagdalaw ni Senadora Lorna Regina “Loren” Bautista Legarda noong nakaraang Sabado, Enero 30, upang di-umano ay ipagdiwang ang kanyang ika-50 kaarawan sa piling ng mga kababayan ng kanyang ama na tubong Barangay San Ignacio dito sa Lunsod ng San Pablo. Maganda ang naging pasalubong ni Loren sa kanyang mga kababayan, na dapat pasalamatan ng kampo nina Senador Manuel “Mar” Araneta Roxas II; Makati City Mayor Jejomar “Jojo” Binay; at dating MMDA Chairman Bayani Fernando na organisado ang kanilang staff nang sila ay nauna ng dumalaw sa lunsod na ito.

Tulad ng dumalaw si Kongresista Ferdinand R. Marcos Jr. noong Enero 13 na ipinagwalang bahala ang mga local mediamen, isang nagpapakilalang kamag-anakan ni Loren ang marami ang nakarinig ng bumulong sa ama ng senadora na si G. Antonio Cabrera Legarda na “Tony, local media lamang ‘yan.”

Ang pinaaalis lamang naman ng mga staff ni Legarda para huwag masanggahan mga Manila mediamen ay sina Pangulong Nani Cortez, Auditor Gil Aman, at Director Eddie Ticzon ng Seven Lakes Press Corps, at ang kolumnistang ito. Maging si Ramil Buiser ng City Information Office na pinakisuyuan ni City Administrator na ayusin ang stage para maalis ang mga maaari ay pagmulan ng mga “unwanted light” para maging ang pagkuha ng mga newsphoto and video footage ay ayaw papasukin sa school ground sapagka’t ang dala lamang niyang sasakyan na pinagkakargahan ng mga kagamitan ay ang “multi-cab” ng opisina na baka maka-tetano sa kotse ng Kagalanggalang na Senadora.

Maging ang mga senior citizen mula sa mga kanugnog na mga munisipyo na pinasabihan sa tulong ng mga municipal social welfare and development officer ay ayaw papasukin sa bakuran ng paaralan, sapagka’t napili na raw ang mga pagkakalooban ng libreng salamin sa mata, at sila ay makakasikip lamang sa isinasagawang jobs fair na maging ang mga kinatawan ng employer ay nalilito sapagka’t wala ang jobs fair coordinator ng senadora, kaya hindi nila alam kung saan sila dapat tumayo.

Kaugalian na ng mga Manila-based mediamen na makipag-ugnayan sa mga local mediamen para doon sila humiling ng backgrounder, sapagka’t sila ay hindi pamilyar sa lugar na dinadalaw ng isang kandidato, kaya nang dumalaw dito sina Mar Roxas, Jojo Binay, at Bayani Fernando, ay may coordinator silang humiling sa mga local mediamen na gagabayan ang mga dadalaw na mediamen para maging “active” ang kanilang mga ulat.

“Salamat po sa :kaasalan ng staff mo, Senadora. Wala kaming obligasyong iulat sa iyong mga kalalawigan ang ginawa mong pagdalaw sa lunsod ng iyong magulang Tulad ng dumalaw dito si Bongbong Marcos, news blackout lamang naman po ang pabaon ng local media sa inyo.” (RUBEN E. TANINGCO, Sec. Gen., SLPC)