Saturday, May 15, 2010

SANGGUNIANG PANGLUNSOD MAY BAGONG INA NA MAMUMUNO

San Pablo City – Marami ang natuwa ng sa wakas ay pormal ng ihayag ng COMELEC ang resulta ng eleksyon sa Lunsod kasunod ng panalangin na sana’y mas maging epektibo ang Sangguniang Panglunsod sa ilalim ng panibagong administrasyon. Pamumunuan ng bagong halal na si Vice Mayor-elect Angelita E. Yang ang 10 bago ring mga halal na konsehal na kinabibilangan nina incumbent councilor Yu Alejandro Y. na nakuha ang ikasampung puwesto (30,043), Galicia, Enrico B. sa ikasiyam na puwesto (30,118), ikawalo naman si Ticzon, Arnel C. (33,087), sinundan ni incumbent councilor Colago, Leopoldo M. (33,527), Dizon, Eduardo O. (34,931), Adajar, Edgardo D. (35,623), Diaz, Rondel A. (35,933), incumbent councilor Pavico, Richard C. (39,337), incumbent councilor Amante, Dante B. (39,546) at ang unang pwesto ay nakuha naman ni incumbent councilor Adriano, Angelo L. (42,238).

Matatandaan na si Angie Yang ay ang biyuda ng napaslang na si dating Konsehal Danny “DY” Yang na siyang nagbunsod rito para pumalaot sa larangan ng pulitika katambal ni incumbent at muling nahalal na City Mayor Vicente B. Amante Ph.D. Si Yang ay nagtamo ng kabuuang boto na 56,168 laban sa katunggali nitong si incumbent Vice Mayor Frederick Martin A. Ilagan na nakakuha ng 34,184 boto lamang. Lumamang si Yang ng 21,984 na boto kay Ilagan sa kabila ng mga ipinalabas na espekulasyon ng kalabang kampo na hindi ito magwawagi dahil na rin sa kakulangan nito sa experience sa pulitika. Hindi naman ito naging balakid at dahilan upang hindi tangkilikin na nakararaming San Pableño ang kandidatura ng ginang.

Inaasahan na mas maraming kapaki-pakinabang na batas ang maipapasa ng Sangguniang Panglunsod, pagkakaroon ng pagkakasundo ng mga miyembro ng konseho, at palagian ng magkakaroon ng quorum tuwing may nakatakdang sesyon sa ilalim ng pamumuno ng bagong Ina ng Sanguniang Panglunsod. (CIO- San Pablo)

No comments: