Saturday, May 15, 2010

AUTOMATED VOTING MATAGUMPAY NA NAISAGAWA SA SAN PABLO CITY

San Pablo City – Sa kabuuan ay matagumpay na naisagawa sa Lunsod ng San Pablo ang kauna-unahang automated voting para sa katatapos na May 2010 National and Local Elections malayo sa mga naunang ulat na magkakaroon ng failure of election. Bagamat may paila-ilang pagkaantala bunsod ng ilang insidente ng pagkasira ng PCOS machines sa ilang clustered precincts ay agad naman itong nasolusyunan ng mga kinatawan ng Smartmatic at COMELEC.

Isinasagawa ang Consolidated Canvassing System (CCS) sa bulwagan ng Sangguniang Panglunsod humigit kumulang bago mag-alas-8 ng gabi noong May 10 matapos ang ibinigay na deadline ng COMELEC sa pagboto. Matiyaga namang nagbantay ang ilan sa mga miyembro ng local media, mga supporters ng mga kandidato at ilang concern citizens sa magiging pinal na resulta ng naturang eleksyon. Naging mahigpit naman ang mga itinalagang bantay mula sa hanay ng PNP sa pagpapasok sa naturang gusali. Ayon sa kanila ay gusto lamang makasiguro ng bagong talagang Chief of Police ng San Pablo City na si P/Supt. Ferdinand D. de Castro ang kaligtasan at katahimikan sa lunsod lalo’t higit at isinasagawa ng mga panahong iyon ang CCS.

Samantala naging masusi ang pagsunod ng mga itinalagang board of canvassers sa mga itinakdang proseso ng Smartmatic ng sa gayon ay masigurong mailalabas ng maayos ang resulta ng isinagawang botohan. Medyo naiip naman ang ilang naroroon sa paghihintay sa pagta-transmit ng mga election returns ng 182 clustered precincts sapagkat may ilang presinto ang hindi agad nakapagtransmit sa dahilang nawalan ng signal sa kanilang mga presinto kung kaya’t kinailangan pang dalhin ang mga CF cards sa pinakamalapit na presinto na mayroong signal. Inabot pa ng kinabukasan, May 11 bago ganap na makumpletong nakapagtransmit ang lahat ng presinto sa lunsod bago pa man naiproklama ang mga nagsipagwagi.

May kabuuang 134,486 registered voters ang lunsod kung saan 98,639 ang aktwal na naitalang nakaboto at matagumpay na nabilang. Hindi man naibsan ng makabagong paraan ng pagboto ang mahahabang pila sa mga itinalang clustered precincts ay lubha namang ikinatuwa ng mga botante ang madaling proseso ng pagboto gamit ang makabagong teknolohiya. (CIO-San Pablo)

No comments: