Tuesday, May 18, 2010

LANDSLIDE VICTORY NINA CONG. IVY AT MAYOR AMANTE

Naging unanimous ang mandatong ipinagkaloob ng anim na bayan at isang lunsod sa ikatlong distrito ng Laguna kay reelected Congresswoman Ivy Arago nang nakaraang halalan noong Mayo 10, 2010, na ibig lang ipakahulugang mas higit ang tiwalang ibinigay ng taumbayan sa mambabatas kumpara sa kanyang mga nakatunggali,

Lumilitaw rin na higit na kapanipaniwala ang mga binigkas ni Cong. Ivy sa panahon ng kampanya kung kaya’t ang simpatiya ng buong distrito ay sa kanya lahat napatuon sanhi nang ang mga kinakailangang pagpapatunay ay batid na ng sambayanan sapagkat ang lahat ay hindi lamang nila nakikita manapa’y nadadarama pa.

Ang ibig sabihin ng lahat ng ito’y hindi binili ng taumbayan ang mga diskurso ng mga katunggali dahil kung baga’y pawang nakasalig sa ilusyon at ang mga basehan ay nasa malambot na pundasyon.

Resulta nito ay nakakuha si Cong. Ivy ng 123,638 votes kumpara sa 60,811 at 16,202 votes ng dalawa niyang nakalaban sa eleksyon. At kumpara sa kanyang pinakamalapit na opponent ay ito ang breakdown sa bawat bayan: San Pablo City- 48,326 – 35,229; Alaminos -12,689 – 4,511; Liliw -10,914 – 5,080; Calauan – 14,304 – 3,584; Victoria – 13,022 – 2,865; Nagcarlan – 18,809 – 6,790 at Rizal – 5,574 - 2633 na pawang pumapabor kay Cong Ivy.

Puspos ng kasiyahan at buong pagpapakumbabang tinatanggap ni Cong. Ivy ang mandatong ito na ayon sa kanya ay itinuturing niyang isang hamon upang mas pag-ibayuhin pa ang kanyang paglilingkod.

0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0

Sinang-ayunan ng mga San Pableño ang kaunlarang inihahatid ni Mayor Vicente B. Amante sa lunsod sa pagbibigay ng kalamangang 46,000 boto sa pinakamalapit niyang nakalaban para sa ika-6 niyang termino bilang punong lunsod.

May kaloob pang bonus si Mayor Amante mula sa kanyang mga constituents nang ihalal ang kanyang ka-tandem na si Kon. Angie Yang na nagwagi bilang vice-mayor sa kalamangang 22,000 votes laban sa nakaupong bise-alkalde ng lunsod.

Binigyan rin ng mga San Pableño si Mayor Amante ng limang konsehal na makakatulong sa pagsusulong ng kaunlaran sa katauhan nina Councilors-elect Dante Amante, Egay Adajar, Rondel Diaz, Ed Dizon at Arnel Ticzon. Ang mga nagwagi ay naiproklaman na ng COMELEC noong Martes ng gabi. (SANDY BELARMINO)

No comments: