Thursday, May 21, 2009

PROBLEMA SA KAWALAN NG BUDGET

Lilikha pala ng isang napakalaking issue sa 2010 election ang hindi pagpapatibay ng annual budget ng Lunsod ng San Pablo para sa taong 2009 dahil sa kabiguan ng Sangguniang Panlunsod na ito ay maresolba sa tamang panahon noong ito ay kanilang tinatalakay.

Dalawang grupo ang magiging sangkot dito at ang pagpapaliwanag sa taumbayan ay depende sa kanikanilang paninindigan. Hati ang mga konsehal sa pagitan ng pagpabor na maratipika ang annual budget for 2009 at mga kumontra na ito ay maaprubahan. Ito ang dapat paghandaan ng ating mga konsehal sa gagawing paglilinaw sa mga San Pableño.

Matagal nang hindi tumatalakay ng lokal na isyu ang pitak na ito kung kaya’t hindi natin alam kung sino-sino ang pumabor at sino-sino ang mga kumontra sa naturang budget, subalit sa mga nakikita natin ay may malaking perwisyo ang kawalan ng umiiral na budget.

Paminsan-minsan ay may lumalapit sa pitak na ito na may mga dala-dalang reseta subalit walang stock na gamut na maipagkaloob ang city government dahil walang pambili na side effect ng wala nga tayong budget per se. kaya nga’t sa Tanggapan ni Cong. Aragon na natin nairi-refer, at sa iba pang congressman na ating kaibigan.

Isa lang ito sa pinsalang idinulot ng SP sa kanilang kabiguan. Maraming mga indigent ang kadalasang umuuwi ng luhaan sanhi nga ng katigasan ng loob ng ilan nating mga konsehal. May mga domino effect pa ito doon sa mga humihingi ng alalay na lalabas sa mga pagamutan at mga namatayan na lumalapit ng tulong sa pagpapalibing.

Wala nang tigil sa pagluha ang mga naulila kahit nailibing na ang mahal sa buhay na namayapa sapagkat luluha na naman sila sa araw-araw na paniningil ng punerarya.

Epekto rin pala ng kawalan ng aprubadong budget ang pagkaka-delay sa pagbubukas ng city hospital natin sapagkat nakapaloob doon ang items para sa mga doctor na halos ay gasoline allowance lamang, sweldo ng mga nurse at midwife, at iba pang health workers ng pagamutan. Pakatandaan sana ng mga tumutol sa annual budget na itinayo ang pagamutan para sa mga mahihirap na San Pableño.

Sa ayaw at sa gusto ng mga konsehal ay magiging election issue ang annual budget 2009 sa eleksyong darating kaya ngayon pa lang ay dapat na ninyong pag-aralan ang itutugon sa maraming tanong ng bayan. Ano kaya ang posisyon ni Friend Kon. Gel Adriano sa isyung ito? Sabagay ay isang kanta lamang ito at solve na, kaya lang baka tumakbo ulit bilang konsehal si Roni Mirasol na may maganda ring tinig. (NANI CORTEZ)

No comments: