Tuesday, May 19, 2009

PAANO KA NA PINOY?

Ang mga araw na pag-ulan na sinamahan pa ng ilang ulit na pag-bagyo ay palatandaan na pumapasok na tayo sa panahon ng tag-ulan, na ibig sabihin ay pagwawakas ng pagsasaya ng mga mag-aaral sa pagtatapos ng bakasyon.

Mayroon din itong mensahe sa bawat magulang sapagkat magsisimula na rin ang enrollment sa mga paaralan at ang pangyayaring ito ay may kaakibat na gastos.

Wala sanang problema dito ngunit sa maraming mga magulang ay masasabing napakalaking suliranin ng mga bagay na ito. Isaalang-alang natin ang kararampot na sweldong hindi naman tumataas subalit ang tuition sa mga paaralan ay parang hindi ma-kontrol ng mga otoridad sa pakikipagsabayan sa pagtaas sa mga pangunahing bilihin.

Paano pa kaya ang bigat na nararamdaman ng ilan nating mga kababayang natanggal sa trabaho dahilan sa pagbulusok ng ating ekonomiya. Ramdam na ramdam ng pitak na ito ang kanilang paghihimutok sa pagtingin sa kawalan.

Ang ilan pa sa kanila’y hindi pa nakakabangon sa pagkaka-utang nang nakaraang school year at ito na naman ang eksena sa maraming pamilya. Tangan ang kakarampot na perang kahit paulit-ulit na bilangin ay sadyang kulang.

Ito ang kabuuang larawan na nakikita ng mga magulang sa ngayon. Hindi alam kung paano pagkakasyahin ang tangang budget na kung pakasusuriin ay maaaring galing sa paluwal ng mga nakakaunawang kamag-anak. Sa tuition at miscellaneous ay kulang na, paano pa kaya kapag isinama dito ang tuition increase, ang uniporme, mga libro, bayarin sa mga projects at allowance o baon sa araw-araw?!

Paano pa ang mga kulang palad na magpahanggang ngayon ay wala pang hawak kahit isang kusing? Maikli na lang ang panahong nalalabi para umabot ang sukdol ng enrollment. Hindi na rin makalapit sa mga dating kanilang inuutangan sapagkat sila man ay gipit din.

Ngunit iba sa lahat ang Pinoy. Hindi tayo madaling mawalan ng pag-asa. Gagawa at gagawa tayo ng paraan kahit na manikluhod sa namamahala ng paaralan, makasiguro lang na mapapatala ang anak para sa napipintong pagbubukas ng klase.

Subalit sa mga hindi papalaring makaamot ng unawa ay iisa ang ibig nitong sabihin – mabibilang ang kanyang anak sa lumalagong bilang ng out-of-school youth sa kasalukuyan! Kung magkakaganon, paano ka na Pinoy? (SANDY BELARMINO)

No comments: