Thursday, May 21, 2009

ANG BUHAY NGA NAMAN

Panahon na naman ng pasukan at tiniyak ng Kagawaran ng Edukasyon na lolobo ang bilang nga mga istudyanteng magbabalik at magpapa-enroll sa lahat ng antas mula elementarya, high school at maging sa koliheyo. Dahilan anila ito sa lumalagong populasyon ng bansa sa kasalukuyan.

Walang nakababatid kung gaano kahanda ang DepEd sa pagkakataong ito bagamat madalas nating madinig ang kanilang inilalabas na alituntunin ukol sa mga nararapat gawin ng mga school authorities ng bansa na kasing dalas nalalabag ng ilang mga guro sanhi sa maling interpretasyon sa kautusan, na ang iba nama’y talagang nilalabag lalo na ang paniningil sa mga bagay na hindi sakop ng direktiba.

Sa panig ng ating kapulisan partikular dito sa San Pablo City PNP sa ilalim ng pamunuan ni hepe P/Supt. Raul Bargamento ay naghayag na ng kahandaan upang umalalay sa mga mag-aaral ngayong pasukan.

0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0

Nanariwa sa pitak na ito ang diumanoy balak at pagnanais ng dating Administrasyong MBA na ipasa sa San Pablo City Trade School ang Dalubhasaan ng Lunsod ng San Pablo (DLSP) saka-sakaling mapagtitibay ang panukalang batas ng noo’y Cong. Danton Bueser na gawing unibersidad ang naturang trade school.

Naging ganap na batas nga ang nasabing panukala kaya nga’t ang Trade School ay kilala ngayong Laguna State Polytechnic University (LSPU) subalit sa kung ano mang kadahilanan ay nanatili ang DLSP at hindi natuloy ang naturang balakin.

Hindi naman talaga ito magtatagumpay sa dahilang tututulan ito ng mga San Pableño kung ito’y ipinagpilitan pa at nakatitiyak na magiging mariin ang paghadlang sa nasabing balakin sapagkat ang DLSP ang sagisag ng pagsisikap ng lunsod upang kalingain ang mga mahihirap na mag-aaral ng lunsod.

Ano pa’t makalipas ang mahabang panahon ay may pangyayaring kagulat-gulat na sumurpresa sa pitak na ito, sa dahilang kung paano naging handa ang LSPU at ang pangulo nito na kupkupin ang DLSP noon ay ika nga’y nagkaroon ng “twist of event” sa ngayon sapagkat ang LSPU at ang pangulo nito na ang “nagpa-adopt” o nagpa-ampon sa lunsod sa kasalukuyan.

Ang buhay nga naman, hindi mo mawari at minsan ay nakakatawa!!! (SANDY BELARMINO)

No comments: