Friday, April 29, 2011

UGNAYAN

Sa nakalipas na dalawang taon ay tagumpay na magkatuwang ang ilang programa nina Mayor Vic Amante at Cong. Ivy Arago, na dahil dito ay libu-libong San PableƱo ang natutulungan ng pag-alalay partikular ang sektor ng mga maralita na bawa't suliraning dumarating sa kanilang pamilya ay ang dalawang opisyal ang nagiging sandigan.

Hindi man lubusang may kaugnayan sa bawa't proyekto ay nagkakataon namang halos nagkakapareho ang mga adbokasiyang kanilang isinusulong sa maraming aspetong panlipunan tulad ng sa kalusugan, edukasyon, pangkabuhayang programa sa mga mamamayan at ilan pang gawaing pambayan sapagka't iisa ang kanilang paniniwala sa mga nababanggit na constituency advocacies.

Marami sa kanilang mga natulungan at tinutulungan ang nananalanging manatili ang kanilang magandang ugnayan para sa kabutihan ng bayan sapagkat sa maraming pagkakataon ay naging epektibo ito lalo na sa oras ng kanilang kagipitan at pangangailang medikal dahil kapwa mahusay at matibay ang kanilang indigency program.

Ang pagkakasakit sa panig ng mga mahihirap ay maituturing nang isang napakahigpit na pagsubok dahil isa ito sa pangyayaring hindi nila inaasahan lalo na iyong mga nasa ilalim pa ng pagkamaralita na di malaman kung saan at kanino lalapit upang makabili sa iniresetang gamot, na lalo pang titindi kapag lalabas na sa pagamutan.

Isa ito sa mga kapakinabangan ng taumbayan sa programa nina Cong. Ivy at Mayor Amante dahil kahit paano ay kanilang natutugunan dahil nga nagkakatulungan sa pagpuno sa pangangailangan ng mga indigents.

Tinatalakay lang natin ang bagay na ito sapagkat may ilang sektor na nais sirain ang magandang ugnayan nina Cong at Mayor gamit ang intriga ng pulitika na batid naman nating pinaka short cut na paraan upang magkaroon ng iringan ang bawat isa na kapwa ikahihina ng programang pambayan.

At nais lang ng may akda na maiparating ang tahimik na kalooban at kaisipan ng mga maralita na huwag sanang sirain ng pulitika ang pagkakaisa nating lahat. (SANDY BELARMINO, VP-SEVEN LAKES PRESS CORPS)
.

No comments: