Isang kaiga-igayang pangyayari ang naganap na dayalogo sa pagitan ng grupo ng mga manananggol na kinatawan ng liderato ng San Pablo Bar Association(SPBA) at mga huwes, piskal , at iba pang opisyal ng mga hukuman sapagka't natala dito ang nakamit na unawaan sa magkabilang panig ng practicing bar at judiciary. Sa pamamagitan ni Bar Committee Chairman Atty. Gregorio Villanueva ay naisaayos niya ang pagkakaroon ng talakayan na nagbunga ng produktibong resulta para sa ikapagtatamo ng mabilis at parehas na hustisyang nakasalig sa mekanismo ng pamantayang legal sa kapakanan ng mga nagsasakdal at nasasakdal, na sa ngayon ay maituturing na isang milestone sa lunsod na ito o maging sa buong bansa. Kapag nasa loob na ng korte ang usapin ay wala nang pagkakataon pang pag-usapan pa ang ganitong mga bagay sapagka't ang tinatalakay dito ay syempre pa kundi ang merito ng kaso sangayon sa iniharap na sumbong ng tagapag-usig at demirito sa panig ng tagapagtanggol. Kaya naman ikinatuwa ni RTC Executive Judge Agripino Morga ang inisyatibo ng SPBA na pinangunguluhan ni Atty. Hizon Arago na maisagawa ang bench and bar dialogue sapagka't daan aniya ito upang maayos na mapadaloy ang usad ng katarungan, na mangangahulugan ng mabilis na disposisyon ng mga kaso na samakatuwid ay makaiiwas o makababawas sa pagkakabinbin ng mga ito sa mga hukuman. Bukod sa kasapian ng SPBA ay naging aktibo rin sa talakayan sina MTC Judge Jose Lorenzo de la Rosa, Chief State Prosecutor Ernesto Mendoza, City Prosecutor Dominador Leyros, mga clerks of court at iba pang court officials. Hinimok ni Judge Morga sa mga manananggol na huwag mangiming magsumbong sa kanya sakasakaling may nais ireklamong kawani ng hukuman na nagpapabaya sa kanilang mga tungkulin at nagbigay kasiguruhang aaksyunan niya ang lahat ng valid complaints na darating sa kanyang tanggapan. Tagumpay ng parehong panig ang naganap na dayalogo na sa pagkakaalam ng pitak na ito kung hindi tayo nagkakamali ay kaunaunahang ginanap dito sa lunsod. Congrats po sa inyong lahat, lalo na kay San Pablo Bar President Atty. Hizon Arago. (SANDY BELARMINO) |
Monday, April 25, 2011
DAYALOGO
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment