Sunday, April 17, 2011

BAGONG LAGUNA, DI MAGALANG?

Dahil marahil sa kawalang galang at pagpapahalaga sa kababaihan lalo’t higit sa nakatatanda ay napaulat na nademanda si Laguna Governor ER Ejercito, na kahit nanalo na sa eleksyon ay wala pa ring humpay sa paninira sa mga nakaibayo sa pulitika.

Ito ba ang Bagong Laguna na kanyang ipinagmamalaki?

Batay sa naglitawang ulat ay idinimanda umano ng dating Gobernador sa Ombudsman ng 11 counts of oral defamation o paninirang puri si Gob ER na ibig sabihin ay hindi na nakatiis ang dating gobernadora sa mga nakararating sa kanyang paninirang puri ng gobernador ng Bagong Laguna.

Hindi mawari ng may akda kung ano ang nasasaisip nitong si Gob ER, na tila hindi niya batid na tapos na ang halalan at malapit na siyang mag-isang taon sa panunungkulan bilang punong ehekutibo ng lalawigan, at siya ang pinuno, ang gobernador ng lahat maging kakampi at lahat ng nakalaban.

Unsolicited advice lang: “dapat sana’y nag-reach out siya sa lahat ng nakatunggali.” Katulad ng ginagawa ng mga matitinong lider saan mang dako ng daigdig na matapos ang halalan ay pakumbabang lumalapit sa mga naka-ibayo sa eleksyon upang mahimok ang kanilang kooperasyon.

Sa nangyaring demandahan ay nakatitiyak nang maaapektuhan ang paglilingkod ni Gob ER sa buong lalawigan at mas lalong mababawasan ang oras na kanyang inilalaan sa buong lalawigan, na baka sa halip na kahit gabi ay nagtitiyaga ang mga Lagunense sa paghihintay sa kanya ay tuluyang hindi na siya makita dahil mabigat magkaroon ng kaso sa Ombudsman. Baka gawin pa siyang sample ngayon ni Tita Merci?

Ang pinangangambahan ko lang ay baka magkaroon ito ng domino effect sakali mang ang ginagawa niya sa pamilya Lazaro ay nagawa rin niya sa iba pang kalaban.

Hay naku! Malaking abala ito para sa isang lingkod bayan, masasayang din ang Bagong Laguna na may masipag na gobernador kung gabi! Ang tanong ng marami ay may kasunod pa kaya ito? Sana naman eh wala na. (sandy belarmino)

No comments: