Sunday, February 6, 2011

MEDIA PROTOCOL

Lumagda kamakailan ang ilang mamamahayag at publisher sa isang media protocol sa Camp Vicente Lim upang maging gabay ng mga journalist sa pagko-cover ng mga kaganapang katulad ng nangyaring hostage drama sa Quirino Grandstand sa Luneta noong isang taon.

Hindi natin kinukwesyon ang magandang layunin ni Calabarzon RD Gen. Sammy Pagdilao sa pagsusulong nito lalo pa’t para naman ito sa ikabubuti ng lahat na ibig sabihin ay lahat ng stakeholder mula sa mga alagad ng batas at ng mga biktima na lubhang napakahalaga na mapangalagaan ang kaligtasan, first and foremost ika nga.

Wala tayong tutol sa bagay na ito. Ang sa ganang akin lamang ay ang ilang probisyong na parang nasasagkaan ang karapatan sa pamamahayag na tila lumilitaw na supervisor ng mga journalist ang kapulisan sa nangyayaring kaganapan at tanging PNP ang saligan ng tinatawag nating Gospel Truth.

With due respect sa ilan nating kasamahan sa hanapbuhay, sana ay nakita at nabusisi nila ang probisyong nabanggit, humingi ng paglilinaw o pang personal ba nila itong kasunduan o nakipagkasundo sila in our behalf. Huwag naman po sana.

0-0-0-0-0

Nakakaawa naman si G. Angelo Reyes na nadamay sa usapin ni MGen Garcia sapul ng magkaroon ng plea bargaining agreement sa ombudsman, na sa kanyang pagkakadawit kung baga sa stage play ay siya na ngayon ang nasa leading role at main attraction na ng usapin sapagkat nabunyag ang di umanong katiwalian sa AFP noong siya pa ang Chief of Staff nito.

Ayon sa ginagawang pagdinig ng Senado ay may buwanang limang milyong pisong natatanggap si Reyes mula sa pondo ng sandatahang lakas bukod sa mga kapritso ng kanyang pamilya at may pabaon pang P50 milyong nang magretiro na pondo umano ng mga karaniwang sundalo na isinusugal ang buhay alang-alang sa bayan. Ganito pala kalawak ang korapsyon sa AFP at ito’y batay sa nalalamang ibinunyag ni dating Col Rabusa.

Vindicated kung ganoon si Sen. Antonio Trillanes IV at grupong Magdalo sa ginawang pag-aaklas noon dahil sa mga katiwalian ng kanilang mga senior officers, kung kaya’t ganoon na rin lamang ang pagnanais ng pamunuan ng hukbo na mabulok sa bilangguan si Trillanes kahit tahasan nang pinawalang sala ng taumbayan nang iluklok ito bilang senador.

Sa kanilang paghaharap sa pagdinig ng senado ay tahasang sinabi ng senador kay Reyes na “you have no reputation to protect” kaya pala! (SANDY BELARMINO)

No comments: