Thursday, February 17, 2011

BATAS NASYUNAL

Mabuti na lamang at nalinawan ng marami nating mga kababayan ang tunay na katotohanan ukol sa pagiging requirement o pagkuha ng clearance sa Social Security System (SSS), Philhealth at Pag-ibig upang makakuha ng business permit o renewal ng mga prangkisa sa tricycle ay kautusang nanggaling mula sa pambansang pamahalaan at hindi sa lokal na pamahalaan.

May mga sektor kasing walang magawa na ipinagkakalat na ito raw ay kautusan mula sa mga punong lalawigan, lunsod at mga bayan na lubhang kay layo sa katotohanan.

Ang kautusang pong ito ay inilabas ng national government upang makatiyak na ang mga kawani at tauhan ng mga bahay kalakal at mga negosyante ay may angkop na proteksyon mula sa SSS, Philhealth o Pag-ibig nang sa ganoon ay mapangalagaan ang mga ito habang naghahanap-buhay.

Napakahalaga kasi ang SSS sa bawat empleyado sapagkat ito ang gumagabay sa kanila sa kanilang pagtanda at nagsisilbing insurance ng mga kawani, ang Philhealth naman ang tumutugon sa pangangailangang medikal ng isang manggagawa at kanyang pamilya, at sumasagot sa gastusin lalo na kung maoospital, samantalang ang Pag-ibig ang nilalapitan ng mga miyembro sa aspeto ng mga pabahay.

Dapat ding malaman ng ilang hindi nakakaunawa na may mga sariling charter na lumikha sa SSS, Philhealth at Pag-ibig, at ang mga ito ay sakop ng mga republic act o dekretong ginawa ng kongreso o pangulo ng bansa upang mapangalagaan ang sambayanang Pilipino, na katulad ng kautusang ang bawat kawani o manggagawa sa pamahalaan ay dapat may coverage ng GSIS.

Ang layunin ng gobyernong nasyunal sa pagsasama ng SSS, Philhealth o Pag-ibig bilang requirement sa business permit, mayor’s permit o prangkisa ay upang mapalaganap ang coverage ng mga ito alang alang sa kinabukasan ng mga manggagawa at taumbayan sa kanilang pagtanda.

Dapat ding linawin na ang mga batas nasyunal ay hindi maaaring ipawalang bisa ng alin mang Sangguniang Panlalawigan, Panglunsod o Bayan. Ang mga kautusang nakatadhana dito ay dapat ding ipatupad ng isang gobernador at alkalde, at kung hindi nila ipatutupad ay isang malaking pananagutan at possible silang makasuhan.

At ito rin ang dahilan kung bakit may mga nakatalagang mga tauhan ang SSS, Philhealth at Pag-ibig sa bawat lunsod at bayan sa panahon ng pagkuha at renewal ng business permit o prangkisa.(sandy belarmino)

No comments: