Hati ang opinyon ng mga Pinoy sa pagyao ni dating kalihim at AFP Chief of Staff Angelo Reyes nang kitlin niya ang sariling buhay kamakailan sapagka’t lumitaw ang emosyon ng sambayanang Pilipino dahil sa damdaming likas na paggalang sa isang namayapa.
Dahil sa kaugaliang Pinoy na iwasang dungisan ang alaala ng isang yumao ay may mga nagmumungkahing huwag nang isama ang kanyang pangalan sa ginagawang pagdinig sa senado hinggil sa katiwalaan sa AFP at isantabi na lamang ang kanyang partisipasyon ukol dito.
Samantalang may mga nagsasabing sa kanyang pagyao ay hindi ligtas ang kanyang pamilya sa pananagutang sibil sakasakali mang mapatunayang nagtamasa siya mula sa katiwalian sa panahon ng kanyang panunungkulan.
Walang nakakaalam sa tunay na dahilan ng pagpapatiwakal ni Reyes maliban sa pinalulutang ng ilan na dinamdam nito ang pagka-dungis ng karangalang lubos niyang pinahahalagahan bukod pa sa iginigiit ng marami na nasukol na ito at iniwasan na lamang na magdamay pa ng ilang personalidad.
Subalit ano man ang dahilan ay huwag nating ipagkait kay Reyes na malinis ang pangalan kahit siya’y nasa kabilang buhay na, ipagpatuloy ng senado ang pagdinig, bawasan ang emosyon at hayaang lumitaw ang dalisay na katotohanan.
No comments:
Post a Comment