Wednesday, January 5, 2011

REFORM BUDGET

Nilagdaan noong nakaraang linggo ni Pangulong Benigno Aquino III ang national budget na nagkakahalagang P1.645-trillon para sa sasapit na 2011, na sinaksihan nina Senate President Juan Ponce Enrile, Speaker Sonny Belmonte at mga mambabatas ng dalawang kapulungan.

Kung ano ang kahulugan nito sa atin, aba’y napakahalaga sapagkat ang hatid nito ay pag-asa sa sambayanang Pilipino, sapagkat nakapaloob dito ang mga guguling kinakailangan ng bayan na siyang tutustos sa mga proyekto at programang ipinangako ni PNoy sa taumbayan noong panahon ng kampanya.

Marami ang nagsasabing ito ang Reform Budget sa dahilang dito nakasalalay ang ating kinabukasan na tila nakalimutan ng nagdaang administrasyon. Ito rin ang natitirang option ni PNoy upang ang kaunlaran ay higit nating makamit sapagkat medyo nadiskaril na ang tuwid na daan ng pagbabago na nais niyang ihandog sa atin sanhi ng hindi pakikiisa ng hudikatura, kaya medyo malabo na ang gagawing paghabol ni PNoy upang mabawi ang nawawalang yaman ng bansa.

Nasa timing ang pagkakapagtibay nito kaya higit na makatutulong sa taumbayan dahil naiwasan natin ang re-enacted budget na nakasanayan ng ating dating pinuno.

Sa reform budget 2011 ay mapasisigla ng pamahalaan ang kalakalan, komersyo at industriya na makapagbibigay ng maraming hanapbuhay sa mga Pinoy. Ibig lang sabihin na kung marami ang may hanapbuhay ay gaganda ang takbo ng buhay ng lahat, sapagkat may domino effect ang lahat ng ito lalo na sa peace and order natin, and everything follows after tulad ng pag-angat ng ating ekonomiya.

0-0-0-0-0

May pagka-killjoy talaga itong ating Supreme Court sapagkat ang pwede ay ginagawang hindi pwede at ang hindi pwede ay ginagawang pwede. Kamakailan ay idineklara nilang unconstitutional ang EO No. 1 ni PNoy na lumilikha sa Truth Commission na tila baga ka-tribo sila ng isang taong takot sa katotohanan.

Hindi po tayo nakikipag-debate sa Supreme Court sapagkat sila ang batas at nagbabasa ng batas (no matter how foolish is it). Ang sa ganang pitak na ito po lamang ay tanong na- bakit hindi naging unconstitutional ang PCGG at Saguisag Commission? Paki-explain nga po ang logic ng inyong desisyon.(SANDY BELARMINO)

No comments: